Nanlalabang adobong tahong
Sa recipe na ito, hindi ka malilinlang katulad ng ginawa ng pamahalaang lokal ng Navotas City na Manila Bay clean up pero demolisyon pala ng mga tahungan ng mga residente ang totoong pakay.
Sikat ang lutong adobo sa ating mga Pilipino, adobo sa asin, adobong puti, adobo sa toyo, adobong may gata at kung ano-ano pa. Sa kasaysayan ang adobo ay nakaugat sa tradisyon ng mga Pilipino bago pa man dumating ang mga Kastila sa Pilipinas. Noong panahon iyong, ang mga katutubo sa Pillipinas ay gumagamit ng suka at asin bilang pangunahing sangkap sa pagluluto at pagpreserba ng pagkain. Dahil ang suka ay isang natural na preservative, nakatutulong itong mapatagal ang karne sa mainit na klima ng bansa. Dahil din sa pananakop at digmaan, nakakagawa ng mga ganitong putahe ang mga Pilipino upang mapatagal ang kanilang pagkain.
Kung tutuusin sa panahon ngayon, may nangyayari pa ring panggigipit hindi lang ng dayuhan kundi pati mga Pilipinong naghaharing-uri , katulad sa sitwasyong ng mga residente sa Navotas City. Ang San Miguel Corporation at mismong pamahalaang lokal ng Navotas ay may isinasagawang reklamasyon sa tahungan sa Manila Bay. Nilalagay ng proyektong ito sa panganib ang kabuhayan ng higit 1,000 pamilya na posibleng pagpapalayas.
Kaya sa bersyon ng adobo recipe na ito, gagamit tayo ng tahong. Tandaan lang para malinis nang maayos ang mga tahong na gagamitin, kuskusin muna ang mga ito sa ilalim ng umaagos na tubig para matanggal ang dumi o buhangin. Pagkatapos, bunutin ang balbas o ang mahabang parang sinulid na nakakabit sa tahong. Itapon ang anumang tahong na nakabuka at hindi nagsasara kapag kinatok.
Simulan na natin!
Mga sangkap
- 1 kilo sariwang tahong, nalinis at hinubad ang laman
- 1/4 tasa suka
- 1/4 tasa toyo
- 4 na pirsong bawang, hiniwa sa maliliit
- 1 sibuyas, hiniwa
- 1 dahon ng laurel
- 1 kutsara buong paminta
- 1/2 kutsarita ng durog na paminta
- 2 kutsarang mantika
Paraan ng pagluluto
- Painitin ang mantika sa isang malaking kawali sa katamtamang init. Igisa ang bawang at sibuyas hanggang sa maluto ito.
- Idagdag ang suka at toyo, hinahaan ang apoy at huwag itong takpan. Hayaan lang na maluto ang suka.
- Kapag paluto na ang suka, idagdag ang dahon ng laurel at buong paminta. Haluin upang pagsamahin.
- Maingat na idagdag ang laman ng tahong sa kawali. Tiyaking natatakpan ng adobo sauce ang mga tahong.
- Takpan at pakuluan sa loob ng 10 hanggang 15 minuto o hanggang sa maluto ang mga tahong.
- Kapag naluto na, ilipat na ito sa isang mangkok at ihain na kasama ang mainit na kanin.
Sa recipe na ito, hindi ka malilinlang katulad ng paggamit ng pamahalaang lokal ng Navotas sa Supreme Court mandamus noong 2008 na paglilinis sa Manila Bay na walang nakasaad na i-demolish ang mga tahungan na maapektuhan ang kabuhayan at libo-libong mga residente. Dahil sa puwersahan pagpapaalis sa mga residente, malulugmok lalo sa kahirapan, maraming magugutom at maraming mawawalan ng hanapbuhay dahil sa reklamasyon.