Sa kapakanan ng survivor
Kung sa showbiz nga’y inaabot ng dekada bago lumitaw ang mga survivor, paano pa kaya ang karaniwang mamamayang madalas ay pagkaitan ng hustisya at akses sa serbisyo?
[Trigger Warning: Pagbabanggit ng panggahasa, sensitibong mga usapin]
Nakababagabag ang pagkakalantad ng serye pang-aabuso sa showbiz kamakailan. Bukod sa pinagpipiyestahan na ito ng mga politiko at ginagamit sa kanilang politikal na ambisyon, nakababahala na umiiral ang ganitong kalakaran sa ngalan ng pangako ng pagkislap ng bituin ng mga artista.
Repleksiyon ito ng lumalalang kultura ng abuso at eksploytasyon sa anumang larangan—sa showbiz man o sa karaniwang mamamayan.
Nang sumambulat sa social media panggagahasa kay Sandro Muhlach ng dalawang independent contractor ng GMA Network, pinagpiyestahan ng mga tao, midya at mga senador ang balita.
Nagsimula sa tsismis at bulung-bulungan, tapos naglabas ng pahayag ang mga sangkot, kabilang na ang network na itinangging hinahayaan nila ang ganitong gawain.
Tapos, nagsalita rin si Gerald Santos, na noo’y menor de edad pa nang mangyari sa kanya ang panggagahasa naman ng isang direktor. Bago pa ang lahat ng mga kuwentong ‘yan, nauna nang isiniwalat ni Angeli Khang na nakaramdam siya ng pagkaligalig sa shooting ng kanyang mga pelikula sa isang streaming app.
Hindi naman na nakagugulat ang pamamaraan ng pagtatanong at animo’y pag-iimbestiga ng mga senador. “Passionate” kung ilarawan ni Jinggoy Estrada ang kanyang pagtatanong ngunit kung susuriin, patungo na ito sa paninisi sa biktima—bagay na madalas mangyari sa mga survivor ng panggagahasa at iba pang seksuwal na pang-aabuso mula sa mga pulis, abogado, korte at pati ng mga karaniwang tao.
Noong isiniwalat ni Santos ang kanyang karanasan, nangyari na ito halos dalawang dekada na ang nakalipas. Nang usisain ni Estrada, pagalit na tanong kaagad niya’y bakit daw hinayaan pa ni Santos na umabot ng 19 na taon bago siya nagsalita! Ang hindi naiintindihan ng senador, ang panggagahasa ay paggiit ng kapangyarihan.
Madalas, hindi umusad o kaya’y naibasura lang ang mga kasong nabanggit at trinatong “isolated.” Ang kawalang-katarungan at kawalang-pananagutan sa mga kaso ng panggagahasa at pang-aabuso ay higit na nagbubunsod ng marami pang karahasan.
Makapangyarihan o iginigiit ng taong nanggahasa ang kanyang kapangyarihan upang takutin, gipitin at patahimikin ang biktima.
Ang pananatili pa rin ng mentalidad ng paninisi sa mga survivor ay dulot ng pag-iral ng pyudal at patriarkal na kultura sa Pilipinas. Nakababahala na palaging nagdadalawang-isip ang survivor kung talaga nga bang pinilit siya o ginusto nga ba niya ang nangyari.
Madalas, sa pamamaraan ng pagtatanong at pagkuha ng impormasyon at patunayan ang katotohanan, nalilimutan ng marami na maging sensitibo at bigyang-halaga ang boses ng mga survivor. Kaya maraming nakaranas ng panggagahasa at pang-aabusong seksuwal ang pinipiling manahimik at itago na lang ang mga naranasan nila dahil napakailap ng hustisya, idagdag pa ang paraan ng pagharap sa mga ganitong kaso.
Magbigay tayo ng halimbawa: Noong pandemya, isang 15 taong gulang na babae, si Fabel Pineda, ang ginahasa at pinatay ng dalawang pulis sa Ilocos Sur. Sa ulat naman ng Cordillera Human Rights Alliance (CHRA), taong 2013 nang gahasain ng militar si “Isabel.”
Ayon naman ng Center for Women’s Resources (CWR), may mga napabalitang kaso ng panggagahasa ng mga pulis at militar sa Negros Occidental, Davao City at Cebu.
Madalas, hindi umusad o kaya’y naibasura lang ang mga kasong nabanggit at trinatong “isolated.” Ang kawalang-katarungan at kawalang-pananagutan sa mga kaso ng panggagahasa at pang-aabuso ay higit na nagbubunsod ng marami pang karahasan.
Kung sa showbiz nga’y inaabot ng dekada bago lumitaw ang mga survivor, paano pa kaya ang karaniwang mamamayang madalas ay pagkaitan ng hustisya at akses sa serbisyo?
Sa ulat nga ng CWR, sa kada isang oras, may isang biktima ng panggagahasa at pito sa kada sampung biktima ay bata. Ibig sabihin, talamak at walang tigil ang panggagahasa at iba pang pang-aabuso. Sa malamang sa malamang, konserbatibo ang numerong mga lumalabas sa midya at maging sa ulat ng pulisya.
Kamakailan, isinusulong ni Rep. Arlene Brosas ng Gabriela Women’s Party ang pag-amiyenda sa Anti-Rape Law. Aniya, marapat na maging tungtungan ng mga batas natin ang danas ng kababaihan (at iba pang kasarian) upang matiyak na lahat ng indibidwal ay mapoprotektahan mula sa iba’t ibang porma ng pang-aabusong seksuwal.
Kung maamiyendahan at mapalalakas ang mga mekanismo laban sa karahasang seksuwal, matitiyak ang hustisyang pinakaaasam ng mga survivor. Sa ngayon, ang ating magagawa’y patuloy na magsalita’t suportahan ang mga survivor sa kanilang pakikipaglaban. Gamitin natin ang ating boses—sa anumang paraan—para labanan ang abuso.