GG is life sa sarciadong galunggong!


May kamahalan man ngayon ang “isda ng masa,” hindi pa rin mapipigilan na mag-ulam ng nito dahil masarap at mayaman sa sustansiya.

Itinuturing na “isda ng masa” ang galunggong, isa sa pinakamadalas na kainin ng mga Pinoy. Ngunit ang hinaharap ngayon ng Pilipinong mangingisda at konsyumer ang pag-angkat ng galunggong mula sa China.

Sa huling balita, halos 30,000 metriko tonelada ang aangkating galunggong na kung tutuusi’y matatagpuan sa sarili nating karagatan, partikular sa West Philippine Sea na inaangkin ng China.

Ang pagkuha ng China ng mga likas na yaman, tulad ng galunggong, mula sa karagatang ito ay nagdulot ng malaking epekto sa kabuhayan ng mga Pilipinong mangingisda. Sa halip na tayo ang makikinabang sa mga yaman ng dagat, kinakailangan pang umasa ng bansa sa mga inangkat na produkto mula sa mga bansang umaangkin sa tradisyonal at mahalagang pangisdaan ng mga Pilipino.

Ang sitwasyong ito’y nagiging mas masakit para sa mga ordinaryong Pilipino, lalo na’t ang galunggong na dating abot-kayang ulam ng masa ay mas mahal pa sa manok at baboy. Sa ngayon, umaabot sa P240 hanggang P300 pesos ang kada kilo nito. Hindi man lang umabot sa sinasabi ng gobyerno na ‘pag mayroong P64 ay makakain ka na ng tatlong beses sa isang araw.

Ito’y nagpapakita ng mas malalim na problema sa pagtatanggol ng ating mga likas na yaman at soberanya, pati na rin sa pang-araw-araw na buhay ng karaniwang mamamayan.

Para sa issue na ito, gagawa tayo ng isang partikular na ulam na gamit ang galunggong. Ang resipi natin ngayon ay sarciadong galunggong. Madali lang itong gawin at siguradong masarap.

Mga Sangkap

  • ½ kilong galunggong
  • 2-3 na kamatis, hiniwa nang manipis
  • 1 sibuyas (puti o pula), hiniwa nang manipis
  • 4 na piraso ng bawang, hiniwa nang maliit
  • 3 pirasong itlog
  • Mantika
  • Asin at paminta

Paraan ng pagluluto

  1. Unahing linisin ang galunggong, siguraduhing wala na itong hasang at bituka. Lagyan ng asin at itabi muna.
  2. Magpainit ng kawali at lagyan ng mantika.
  3. ‘Pag naging mainit na ang mantika, ilagay ang galunggong at prituhin hanggang maluto. ‘Pag naluto na ang lahat, hanguin at itabi.
  4. Batihin ang itlog sa mangkok. Lagyan ng kaunting asin at paminta ayon sa panlasa. 
  5. Sa hiwalay na kawali, painitin ito at lagyan ng mantika. ‘Pag naging mainit na, gisahin ang mga natitirang sangkap. Unahin ilagay ang sibuyas kasunod ng bawang at ihuli ang kamatis. Haluin hanggang lumambot ang kamatis. Gisahin ang natirang sangkap.
  6. Maglagay ng isang basong tubig at isunod ang itlog. Haluin ito hanggang ang itlog ay maghiwalay at maluto.
  7. Ilagay na ang mga prinitong galunggong, lagyan ng asin at paminta ayon sa panlasa. Pakuluan nang limang minuto.
  8. ‘Pag kumulo na, patayin na ang apoy at hanguin. Masarap itong iulam habang may mainit na kanin.

May kamahalan man ngayon ang “isda ng masa,” hindi pa rin mapipigilan na mag-ulam ng galunggong dahil masarap ito at mayaman sa protina, Omega 3, at iba pang mga sustansiya. Tandaang atin ang isdang galunggong gaya ng atin ang Pinas!