Kandidatong senador, partylist ng Makabayan, iprinoklama
Iprinoklama ng Makabayan Coalition ang kanilang mga pambatong kandidatong senador at partylist para sa nalalapit na halalan sa 2025 sa pambansang kumbensyon nito noong Set. 28.
Iprinoklama ng Makabayan Coalition ang kanilang mga pambatong kandidatong senador at partylist para sa nalalapit na halalan sa Mayo 2025 sa pambansang kumbensyon nito sa Maynila noong Set. 28.
Hahamunin ng koalisyon ang namamayaning bulok na tradisyonal na politika sa bansa na pinaghaharian ng iilang maimpluwensiyang pamilya tulad ng mga Duterte at Marcos.
Sa kabila ng limitasyon sa rekurso sa pinansiya, sisikapin ng koalisyon na maipanalo ang kanilang mga kandidato sa pagkasenador at ang mga kaalyadong progresibong partylist nito. Nagmumula sa iba’t ibang sektor tulad ng magsasaka, mangingisda, drayber, nars, guro, kababaihan at katutubo ang bumubuo ng kanilang senatorial slate.
Ayon sa koalisyon, panahon na para ihapag sa mamamayan ang alternatibong politika na taliwas sa kasalukuyang umiiral na marumi, kurakot at pahirap na mga dinastiya ng mga pulitiko na nagsisilbi lang sa interes ng mga kapitalista at malalaking panginoong maylupa.
“Hindi katanggap-tangap na pababayaan na lang natin ang mamamayang Pilipino na walang alternatibong pagpipiliian sa pagitan ng nagbabangayang kadiliman at kasamaan,” ani Rafael Mariano, dating kinatawan ng Anakpawis Partylist at kasalukuyang co-chairperson ng Makabayan. Pinapatungkulan ni Mariano sa bangayan at girian sa politika ng mga pamilyang Duterte at Marcos.
“Taumbayan naman,” wika ni Mariano.
Sabi ni Mariano, isusulong ng mga makabayang kandidato ang mga demokratikong interes ng mamamayan, tulad ng pagsusulong ng tunay na repormang agraryo na sentral na layunin ang pagpawi sa pagsasamantala sa mga magsasaka para mapaunlad ang kanayunan na tutungo at magiging pundasyon sa pambansang industiyalisasyon.
Ayon sa lider ng Makabayan isusulong nila ang paglikha ng mga industriya tulad ng manupaktura upang magkaroon ng sapat na trabaho ang malawak na mamamayang Pilipino.
“Kaakibat sa pambansang industriyalisasyon ang pagsuporta sa mga manggagawang Pilipino sa pamamagitan ng pagtitiyak sa nakabubuhay na sahod, security of tenure at iba pang karapatan sa paggawa,” ani Mariano.
Idinagdag din ng koalisyon sa kanilang plataporma ang pagsusulong ng independiyenteng patakarang panlabas hindi umaasa sa ibang bansa tulad ng United States na nagpapahirap lang sa mamamayang Pilipino.
Inihalimbawa ng grupo ang kasalukuyang nangyayari sa kanayunan na matinding militarisasyon at pag-atake sa demokratikong karapatan sa tulong ng mga sundalong Amerikano.
Kung sakaling maluklok sa Senado, palalakasin ng mga Makabayan Coalition ang lokal na produksiyon bigas at iba pang produktong agrikultural upang hindi na umasa sa importasyon at magkaroon ng mura at sapat na suplay ng pagkain sa bansa.
Bitbit din ng mga kandidato ng Makabayan ang pagtiyak sa tamang paggamit sa buwis sa mga serbisyong para sa mamamayan tulad ng libreng serbisyong pangkalusugan, karapatan ng mga obrero’t migrante, paglikha ng sariling modernong sasakyan para sa makamasang transportasyon, at iba pa.
Kasama ng mga kandidato sa pagkasenador ng Makabayan sa pagsusulong ng kanilang plataporma ang mga progresibong partylist na Bayan Muna Partylist, Gabriela Women’s Party, ACT Teachers Partylist at Kabataan Partylist.