KMP, Amihan: Agarang tugon sa pinsala sa Kabikolan


Hindi pa man nakakabangon mula sa epekto ng El Niño, La Niña at Bagyong Enteng, muli na namang sinalanta ng panibagong kalamidad ang mga magbubukid sa Kabikolan sa gitna ng kapabayaan ng pamahalaan.

Nanawagan ng agarang tugon sa pamahalaan ang grupong Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP) at Amihan National Federation of Peasant Women para sa mga pamilya ng magbubukid, mangingisda at mamamayang lubhang napinsala ng Bagyong Kristine sa Kabikolan.

Ayon kay KMP chairperson Danilo Ramos, malaking bahagi na ng mga sakahan sa rehiyon ang lubog na sa baha dahil sa matinding pag-ulan. Bitbit ng pinsalang dulot ng pagbaha sa mga pananim, mababaon na naman umano sa utang ang mga magsasaka.

“Lubog na ang maraming sakahan, partikular ang mga palayan, sa iba’t ibang bahagi ng Bikol. Lubha na ang pagkabahala ng mga magsasaka sa tiyak na laki ng pinsala ng bagyo sa kanilang mga pananim na magdudulot ng lalong pagkabaon sa utang,” ani Ramos.

Sa bayan ng Polangui, Albay, tinatayang 300 ektarya ng palayan sa limang barangay— Agos, Matacon, Balangibang, Kinale at Ubaliw—ang kasalukuyang nakalubog sa tubig. Dahil dito, nanganganib na masira ang mga aning dapat anihin para sa buwan ng Nobyembre.

Hinarap ng rehiyon ng Bikol ang bagsik ng Bagyong Enteng noong nakaraang buwan. Sa tindi ng pinsala nito, tinatayang nasa 90% hanggang 100% ng binhi ang nasira. Hindi pa man tumatagal, panibagong pagsubok na naman para sa mga magsasaka sa mga lugar na nabanggit ang bumangon sa hagupit ng Bagyong Kristine.

Ayon sa KMP, nangangailangan umano ng maayos na planong rehabilitasyon ang sektor ng agrikultura mula sa gobyerno.

Nangangamba rin ang Amihan sa potensiyal na pagkalugi ng mga magbubukid gayong patuloy na nakalubog sa baha ang kanilang mga palayan. Hindi pa nga umano nakakabangon mula sa epekto ng El Niño, La Niña at Bagyong Enteng, may panibago na namang kalamidad na naranasan ang kanilang hanay.

“Ibinubudyong namin ang panawagan ng mga kababaihan sa kanayunan para sa agarang suporta para matulungan silang makabangon mula sa kalunos-lunos sa epekto ng pagbaha. Hirap pa rin sila mula sa mga nagdaang kalamidad ang ngayo’y kumaharap na naman sa isa pa sa gitna ng kapabayaan ng gobyerno,” ani Amihan chairperson Zen Soriano.

Ayon sa mga paunang pagsusuri mula sa KMP at Amihan Bicol, ang mga sumusunod na lugar ang naapektuhan ng bagyong Kristine: Libon, Polangui, Pio Duran, Jovellar, Manito, Tiwi, Sto. Domingo, Daraga, Legazpi City at Ligao City sa lalawigan ng Albay; Sorsogon City, Castilla, Donsol, Juban at Bulan sa Sorsogon; Bato, Nabua, Naga City, Milaor, San Fernando, Minalabac, Garchitorena, Camaligan, Calabanga, Magarao, Libmanan, Ocampo at Pili sa Camarines Sur; at Virac, Bato, San Andres sa Catanduanes.

Nakikiisa ang Amihan sa Rural Women Advocates at Sagip Kanayunan sa pangangalap at pamamahagi ng mga donasyon—salapi man o essential supplies tulad ng pagkain, malinis na inuming tubig at damit—sa mga pamilya sa Kabikolan.

Ayon naman kay Ramos, patuloy silang nakakikipag-ugnayan sa kanilang balangay sa Bikol para sa mga karampatang aksiyon sa oras na humupa na ang bagyo.