Magsasaka, mangingisda, nangalampag laban sa karahasan, importasyon

Dalawang magkasunod na araw nagprotesta ang mga magsasaka at mangingisda sa mga tanggapan sa Quezon City bilang paggunita sa International Rural Women’s Day at World Food Day.

Dalawang magkasunod na araw nagprotesta ang mga magsasaka at mangingisda sa mga tanggapan ng Department of Agrarian Reform (DAR) at Department of Agriculture (DA) sa Quezon City bilang paggunita sa International Rural Women’s Day nitong Okt. 15 at World Food Day nitong Okt. 16.

Sa pangunguna ng Amihan National Federation of Peasant Women at Kilusang Magbubukid ng Pilipinas (KMP), nagtipon ang mga kababaihang magsasaka mula sa iba’t ibang lalawigan kasama ang ibang mga organisasyon sa harap ng Department of Agrarian Reform (DAR).

Ayon mga grupo, hindi sapat ang mga kasalukuyang programa sa reporma sa lupa na nananatiling nakasuporta sa interes ng malalaking panginoong maylupa kasabwat ang mga puwersa ng estado na lalong nagpapahirap sa mga magbubukid na magkaroon ng sariling lupang sakahan.

Binigyang-diin naman ni Amihan secretary general at Bantay Bigas spokesperson Cathy Estavillo ang kontribusyon ng rehimeng Marcos Jr. sa naturang suliranin at ang patuloy na pagpabor nito sa mga kapitalista at oligarko.

Pinapanagot din ng sektor ang mga dinastiyang politikal tulad ng mga pamilya Villar at Cojuangco na salarin sa malawakang pangangamkam ng lupa at pagpapalayas sa mga magsasaka.

Bilang simbolo ng pagsalungat sa patuloy na pagnanakaw ng gobyerno sa mga magsasaka, sinira at tinapak-tapakan ng mga kinatawan ng mga organisasyon ang malaking resibo na nagsasaad ng lahat ng inaprubahang “land-use conversion” ng DAR. Mahigit 32,118 ektaryang lupain ang dapat nasa pagmamay-ari ng mga magsasaka imbis na sa iilang panginoong maylupa at kapitalista.

Kinalampag naman kinabukasan ng mga magbubukid at mangingisda ang DA upang ipanawagan ang kagyat at makabuluhang suporta sa sektor ng agrikultura upang matugunan ang krisis sa pagkain kasabay ng World Food Day na binansagang “World Hunger Day” ng mga grupo.

Iginiit ng KMP, Amihan at Pambansang Lakas ng Kilusang Mamamalakaya ng Pilipinas (Pamalakaya Pilipinas) na palpak ang mga patakaran at programa ng gobyerno para pababain ang presyo ng bigas at pagkain na nagresulta ng kagutuman sa mga mahihirap na Pilipino.

Sa datos ng Global Hunger Index, tumaas ng 14.2% ang nakararanas ng “involuntary hunger” o pagkagutom at kawalan ng akses sa pagkain minsan sa loob ng tatlong buwan.

Ayon sa KMP, lalong dumarami ang nagugutom dahil sa napakamahal na presyo ng bigas at mababang sahod ng mga Pilipino.

“Maraming pamilyang Pilipino ang hindi na kumakain ng tatlong beses sa isang araw dahil sa kahirapan. Ito ang legasiya ni Marcos Jr.—mas dumaraming mahihirap kahit pa bilyon-bilyon ang nakalaang badyet ng gobyerno para umano sa ayuda,” ayon sa grupo.

Patuloy pa rin ang panawagan ng mga grupo na itigil ang importasyon kung saan mga trader at smuggler lang ang nakikinabang, bagkus dapat umanong suportahan at palakasin ang lokal na produksiyon pagkain sa pamamagitan ng pagkakaroon ng tunay na repormang agraryo at makabuluhang pinansiyal at teknikal na suporta sa pagsasaka at pangisdaan.