Mga binhing ‘di nagmamaliw


Sa malikhaing espasyo ng zine-making workshop, muling ipinakitang may samu’t saring paraan upang hindi magmaliw ang ugnayan, damayan at pagtutulungan.

“Iyong saklong?” pakli ni Tatay Leody habang naninigarilyo. 

Itinanong ko sa kanya kung nananatili pa ang tradisyon ng bayanihan sa pagtatanim at pag-aani sa Nueva Ecija.

Naalala kong may ganitong kaugalian sa iba’t ibang komunidad sa bansa—ub-ubbo o binnadang sa mga Igorot, at hungos naman sa amin, sa mga magsasaka ng Agusan. Inisip ko kung sa mga bayan at probinsiyang may pinakamalalawak na sakahan sa Gitnang Luzon ay buhay pa ito o tuluyan nang nagmaliw. 

“Halos wala na iyon,” patuloy niya. 

Habang nakatambay kami sa lilim ng puno, inalala ni Tatay Leody ang karanasan niya ng pagsasaka sa Nueva Ecija. Noong araw daw, makigapas ka lang, may maiuuwi ka nang palay. Sa bawat 10 sakong magapas mo, may isa ka. 

Pero nang ipakilala ng mga negosyante’t ahensiya ng gobyerno ang halimaw (harvester) at bakulaw (carrying machine) sa mga magsasaka, unti-unting naglaho ang saklong.

Aniya, napabilis ng mekanisasyon ang pag-aani pero pinalala nito ang gutom sa hanay ng mga manggagawang bukid na walang sariling lupa, hindi makapagtanim at umaasa lang sa pakikigapas.

“Hindi naman pupuwedeng gamitan ng harvester ‘yan at maghahalo-halo ang mga binhi.” Itinuro ni Tatay Leody ang sakahan sa harap namin.

Sa gitna ng tirik ng araw, may dalawang pares ng kamay na nililibot ang lawak ng dalawang ektaryang palayan, maingat na inaani ang mga hinog nang uhay, sinisilid ang bawat bugkos na makuha sa maliit na lalagyan ng tinahing kulambo.

Kani-kanina lang, bago mananghalian at magpahinga, ay naroon rin kami, maingat na naninimbang sa manipis na pilapil habang kinikilala ang daan-daang cultivar (variety) ng palay na itinatanim ng mga magsasaka ng Masipag (Magsasaka at Siyentipiko para sa Pag-unlad ng Agrikultura)

Binuo ang organisasyong Masipag noong 1985 upang tugunan ang laganap na kahirapan ng mga magbubukid dulot ng korporatisasyon ng pagsasaka.

Matapos ang halos apat na dekada, patuloy pa rin nitong nilalaban ang dominasyon at kontrol ng mga multinasyonal na kompanya ng pestisidyo at abono, ng mga kartel sa distribusyon ng bigas, at ng mga kasapakat nilang research institute tulad ng International Rice Research Institute (IRRI) na sinuportahan at binigyang layaw ng diktadurang Marcos Sr. 

Larawan mula sa Mako Micro Press

Nasa puso ng paglabang ito ang programang Collection, Identification, Maintenance, Multiplication and Evaluation ng mga cultivar ng palay, mais at iba pang katutubong halaman sa bansa.

Tugon ito ng Masipag sa patuloy na homogenisasyon ng plant varieties na ipinalaganap ng mga nagdaang rehimen at ng kasalukuyang ipinapalaganap ng IRRI sa ilalim ng “seed without borders inititiative.”

Upang pigilan ang walang habas ng pagpatay sa mga tradisyonal na binhi, ipinagpapatuloy ng Masipag ang pagtatanim at pagpaparami sa mga ito, kasabay ng pagbibigay suporta at kasanayan sa mga magsasaka na mag-breed ng mga cultivar ng palay na angkop sa kani-kanilang mga layunin at kongkretong kalagayan. Taliwas ito sa lohika ng paglikha ng mga malalaking korporasyon ng mga binhing walang ibang bunga kundi ang maksimisasyon ng kita.

Sa tala ng Masipag, mayroong 772 traditional rice, 1,205 Masipag rice at 205 farmer-bred rice varieties sa kanilang pangangalaga. Ang mga binhing ito’y patuloy na itinatanim at pinaparami sa kanilang national back-up farm sa Sta. Rosa, Nueva Ecija.

Pagkatapos ng bawat anihan, ibinibigay ang mga binhing ito sa mga magsasakang nangangailan—tanda ng nagpapatuloy na ugnayan, damayan at pagtutulungan sa kanilang hanay. 

Sa ganitong diwa rin ng pagtutulungan isinagawa ng Masipag ang programang pinunta ko noong araw na iyon, Okt. 19. Mula Maynila, sumama ako sa tatlo pang kaibigan upang makilahok sa isang zine-making workshop sa hanay ng mga magsasaka, mga maralitang lungsod, at iba pang tagasuporta.

Inorganisa ng Masipag ang palihang ito sa pakikipagtulungan sa Good Food Community, Mako Micro-Press at Magpies Press.

Matapos makapananghalian (at nang naunang pagpapakilala’t pag-iikot sa back-up farm) ay hinati ang mga kalahok sa apat na grupo. Bawat grupo’y binigyan ng tig-isang A3 na papel, lapis, bolpen, pangkulay, gunting, pandikit at mga lumang diyaryo.

Gamit ang mga ito’y inudyok silang ilahad sa malikhaing paraan ang samu’t sari nilang mga danas at aspirasyon hinggil sa pagsasaka’t pagtatanim. Sa dulo’y isa-isang ipinaliwanag ng bawat grupo ang kanilang mga likha sa harapan. 

Paglalahad ni Nanay Angeline ng Pinagkaisang Lakas ng Mamamayan-Quezon City, inilunsad ng kanilang organisasyon ang bungkalan sa mga nakatiwangwang na mga lupain sa Bagong Silangan, Quezon City.

Tugon ito ng mga maralitang lungsod sa sumisirit na presyo ng mga bilihin at kakulangan ng pagkain sa kanilang mga tahanan. Sa patuloy na pagpupurisiging magtanim, nakakatugon na rin maging ang kanilang mumunting urban garden sa mga kusinang bayan sa panahon ng kalamidad.

May halong pait at gaan naman sa danas na ibinahagi ni Tatay Cel, chairman ng Provincial Consultative Body ng Masipag sa Batarpa (Bataan, Tarlac, Pampanga).

Aniya, pasakit sa kanilang mga magsasaka ang kawalan ng patubig, ang pananalasa ng mga peste at kakulangan ng tulong mula sa gobyerno. Pero sa kabila nito’y masaya pa rin “dahil may farm tour sa gitna ng sikat ng araw, at kung minalas-malas, mahuhulog pa sa pilapil.”

Sa malikhaing espasyo ng zine-making workshop, muling ipinakitang may samu’t saring paraan upang hindi magmaliw ang ugnayan, damayan at pagtutulungan sa hanay ng mga magsasaka. 

Pinapatay man ng neoliberal na mekanisasyon ang saklong at ang iba pang tradisyon ng bayanihan sa pagsasaka, at binubura ng mga mga malalaking kompanya ng pestisidyo at abono ang laksang cultivar ng palay, nananatiling nakatindig ang mga organisasyon at indibidwal na bumubuhay sa kolektibong aspirasyon ng mga magsasaka para sa lupa’t kabuhayan—sa pamamagitan man ng palitan ng binhi, o sa palitan ng mga kuwento’t sining.