Napapanahong isyu sa sining ni Marco Ruben Malto II


Sa taunang exhibit ni Marco Ruben Malto II, ipinamamalas niya ang mga napapanahong usapin sa pamamagitan ng kanyang mga obra.

Binibigyan ng mga artista ng biswal na representasyon ang mga isyu sa lipunan. 

“‘Yong mga [image] at ibang elemento ay pamilyar sa mga tao kaya makaka-relate sila sa ating artworks, sa pamamagitan nito nabibigyan ng malakas na emphasis ang mga isyu kase iba-iba tayo ng paggawa, [halimbawa ang kanta at poetry] ang mga visual artist na nag-a-advocate ng gan’ong bagay,” wika ni Marco Ruben Malto II sa kanyang taunang exhibit na tumatalakay sa mga napapanahong isyu ng lipunang Pilipino.

Noong Nob. 25, nagkaroon ng artist walkthrough ang “Doon Po Sa Amin” sa University of the Philippines Diliman Fine Arts Gallery.

Sa loob ng mahigit isang dekada, laman ng mga exhibit ni Malto ang mga usapin ng bansa at paano ito naglalaro sa kasaysayan at kultura ng Pilipinas. Naniniwala si Malto na mahalagang maibahagi ang isyung may kaugnayan sa lipunan sa pamamagitan ng kanyang sining.

Yzabelle Liwag/Pinoy Weekly

“Bilang artist, ‘yong relevance ng issue ay mahalagang maipahayag,” dagdag ni Malto.

Ilan na rito ang magkahiwalay na usapin na parehong hinarap sa pagsisiyasat ng Kongreso. Ang pag-aresto kay Alice Guo at ilan pang Chinese national dahil sa ilegal na operasyon ng mga Philippine Offshore Gaming Operator (POGO). Dagdag pa dito ang mga extrajudicial killing sa panahon ng administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Ilan sa mga obra ni Malto na gawa sa acrylic ang “Tatlo Isla” na nahahati sa “Lumbay,” “Panacot” at “Galit,” na tungkol sa karanasan na dulot ng ilegal na mga aktibidad ng China sa West Philippine Sea. 

“Akma ang pangalan ng mga [isla] sa [naratibo] ng ating paghihirap sa West Philippine Sea,” sabi ni Malto. 

Ang usapin sa paghahangad ng China na angkinin ang West Philippine Sea sa paulit-ulit na pagsalakay ng mga malalaking barko ng China sa mga barko ng Philippine Coast Guard at ang pagbabanta sa mga lokal na mangingisda.

Yzabelle Liwag/Pinoy Weekly

Maliban sa paggawa ng napapanahong sining, nagtuturo rin si Malto sa Department of Studio Arts ng UP College of Fine Arts. Nakatanggap na siya ng parangal na University Artist Award at UP Diliman Centennial Professorial Chair Award para sa kanyang taunang solo exhibit mula 2012 hanggang 2023.

Mananatiling bukas nang libre sa publiko ang exhibit hanggang Dis. 6, 2024 mula 9 a.m. hanggang 4 p.m.