Mga lugar ng kababalaghan sa Maynila
Alalahanin ang mga lugar na ito hindi lang bilang pasyalan, kundi bilang mga saksi sa mga madidilim na bahagi ng kasaysayan.

Tuwing sumasapit ang panahon ng Undas, laganap ang mga kuwento ng kababalaghan at misteryo—partikular na rito ang mga luma o abandonadong lugar sa bansa na puno ng mga lihim na hindi maipaliwanag. Ngunit ano nga ba katotohanan sa likod ng mga kuwentong ito?
Halina’t bisitahin ang ilan sa mga kinatatakutang lugar sa Maynila kung saan naganap ang mga trahedyang hindi malilimutan at pinamumugaran umano ng mga kaluluwang naghahanap pa rin ng kapayapaan.
Fort Santiago

Isang destinasyon ng turismo ang Fort Santiago, hindi lang dahil sa ganda ng lugar kundi dahil din sa kasaysayan nito. Saksi sa mga digmaan sa kasaysayan ng bansa at mga karahasang dulot ng kolonyalistang Espanyol. Naging kulungan din ito ni Dr. Jose Rizal bago ang kanyang huling hantungan.
Nang masakop ng mga Hapones ang Pilipinas noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, ginamit nilang himpilan at piitan ang Fort Santiago kung saan pinahirapan at pinatay ang maraming Pilipino.
Ayon sa mga kuwento, patuloy na nagmumulto sa lugar ang kaluluwa ng mga bilanggo at mga taong pinahirapan dito. Maraming bisita ang nakaririnig ng mga pag-iyak, tunog ng mga hakbang at mga aninong naglalakad sa bawat sulok. Tila nananatili pa ring nagluluksa ang mga kaluluwang patuloy na nag-aasam ng hustisya sa pang-aabusong sinapit noon.
Manila City Hall

Isa pang lugar na puno ng kasaysayan at kababalaghan ang Manila City Hall. Sa unang tingin, mukha itong ordinaryong opisina ng gobyerno—abala sa araw, ngunit isang kakaibang enerhiya ang bumabalot sa paligid nito tuwing gabi.
Itinayo noong 1939 ang gusali na kung titingnan mula sa itaas, hugis kabaong ito na tila isang masamang pangitain ng kamatayan.
Ayon sa mga matatandang kawani, mas mabuting lumisan na pagsapit ng alas sais ng gabi dahil dito nagsisimula ang nakatitindig-balahibong mga pangyayari—mga ilaw na biglang namamatay, mga yapak at bulong na tila nanggagaling sa mga aninong nagtatago sa dilim.
Maraming nagsasabi na kaluluwa ng mga taong namatay noong panahon ng Digmaang Pilipino-Amerikano ang nagpaparamdam sa loob ng gusali.
Manila Film Center

Itinuturing na isa sa mga pinakakinatatakutang gusali ang Manila Film Center dahil sa malagim na trahedya noong 1981, kung saan 168 na manggagawa ang nalibing nang buhay sa pagguho ng semento habang isinasagawa ang konstruksiyon nito.
Ayon sa mga ulat, humiling si Imee Marcos ng midyum upang imbestigahan ang lugar. Nawalan ito ng malay at biglang nagsalita sa Ingles: “Ngayon ay may 169 [na kaluluwa rito] at si Betty ay kasama natin.” Si Betty ang namahala sa konstruksiyon at ipinagpatuloy ang proyekto sa kabila ng trahedya, subalit namatay siya sa isang aksidente ilang buwan pagkatapos ng insidente.
Hanggang ngayon, nakaririnig umano ng mga iyak ang mga taong pumapasok dito at nakakakita ng mga aninong dumaraan sa pasilyo ng gusali. Marami ang nakararanas ng biglang pagdapo ng malamig na hangin sa kanilang balat at may mga pagkakataong kusang umaandar ang elevator kahit walang tao.
Maraming naniniwala na ang trahedya ang dahilan kung bakit may mga espiritong nananatiling naglalakbay sa madilim na mga pasilyo ng gusali.
Sa bawat sulok ng Maynila, maraming kuwentong kababalaghan ang iyong masasagap—mga kuwento ng trahedya, pagdurusa at mga kaluluwang hindi pa natatahimik.
Alalahanin ang mga lugar na ito hindi lang bilang pasyalan, kundi bilang mga saksi sa mga karanasan ng mamamayan mula sa dilim ng nakaraan.