Balik-Tanaw

Ka Joma, dakilang guro’t rebolusyonaryo


Isinilang noong Peb. 8, 1939 sa Cabugao, Ilocos Sur ang tagapangulong tagapagtatag ng Communist Party of the Philippines na si Jose Maria Sison.

Si Jose Maria Sison, na kilala ring Ka Joma, ay ipinanganak noong Peb. 8, 1939 Cabugao, Ilocos Sur. Isa siyang aktibista, guro, manunulat, makata at rebolusyonaryo. 

Mula siya sa pamilya ng mga panginoong maylupa, pero buong buhay ang inilaan niya para sa masang anakpawis.

Nag-aral siya sa University of the Philippines Diliman at nakapagtapos sa kursong English literature. Bilang estudyante, naging literary editor siya ng Philippine Collegian. Naging tagapagtatag siya ng Students Cultural Association University of the Philippines, samahan ng mga progresibong mag-aaral.

Noong 1962, naging kasapi siya ng executive committee ng Partido Komunista ng Pilipinas (PKP)-1930. Naging pangulong tagapagtatag siya ng Kabataang Makabayan (KM) noong Nob. 30, 1964, kilala bilang unang pambansa-demokratikong pangmasang organisasyon sa bansa. 

Gumampan ng nangungunang papel ang KM noong First Quarter Storm ng 1970 laban sa pasismo at pagpapahirap ni Ferdinand Marcos Sr. Nakipagtunggali si Sison sa mga dating pinuno ng PKP-1930 na nagnanais nang isuko ang pakikibaka.

Noong December 26, 1968, itinatag ni Sison ang Communist Party of the Philippines  sa patnubay ng Marxismo, Leninismo at Kaisipang Mao Zedong at naging unang tagapangulo nito. Itinatag din ni Sison, kasama si Bernabe Buscayno, ang New People’s Army (NPA) noong 1969, na sinundan naman ng pagbubuo ng National Democratic Front noong 1973.

Mula 1977 hanggang mapagsak si Marcos Sr., kinulong si Sison at dumanas ng solitary confinement at maraming porma ng tortyur. Noong 1987, habang nagbibigay ng lektura si Sison sa Europa, kinansela ng gobyerno ni Corazon Aquino ang pasaporte niya at ng asawang sa Julie de Lima. Napilitan ang pareho na mag-apply ng political asylum. Kahit malayo si Joma at kanyang asawa sa Pilipinas, patuloy pa rin siyang nag-ambag sa nagpapatuloy na rebulsoyong Pilipino.

Namatay siya noong Dis. 16, 2022 sa Utrecht, The Netherlands sa edad na 83 at nag-iwan ng maraming aral at sulating patuloy na inaaral ng mga aktibista at rebolusyonaryo sa buong daigdig.