Sa Araw ng Homeless pa piniling magpagawa ng bahay
Habang nagtitiis ang walang tirahan sa panahon ng tag-ulan, nagawa ni Marcos Jr. na gawing magarbong mansiyon ang tahanan ng isang public servant.

Ginugunita ang ika-10 ng Oktubre bawat taon ang World Homeless Day, sinasabayan ito sa buong mundo ng mga protesta laban sa kawalan ng paninirahan. Dito sa Pilipinas, pinangunahan ng Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) ang protesta sa mga maralitang komunidad.
Pero habang tumatagal, bakit patuloy ang pagdami ng homeless sa daigdig?
Malaking dahilan ang mga neoliberal (pagsasapribado ng serbisyo publiko) na patakaran at agresyong sa ekonomiya na tulak ng mga makapangyarihang bansa ng Estados Unidos at iba pa para kontrolin ang ekonomiya natin.
Nais nilang agawin ang lupain ng mga nagsasariling bansa na dumudulo sa sapilitang pagpapalayas o migrasyon sa iba’t ibang lugar, pati giyera at pagpatay tulad ng ginagawa ng Israel sa Palestine.
Dito sa atin, ang pang-ekonomiyang patakaran ang malaking dahilan kung bakit patuloy ang paglaki ng bilang ng homeless sa bansa. Barat na pondo para sa maralita, kabi-kabilang demolisyon, mahal na upa at pabahay, maging ang malawakang pangangamkam ng lupa sa kanayunan para sa pagpapalit gamit o land use conversion.
Buo-buong komunidad kung palayasin ang mga nakatira doon sa napuntahan ko kamakailan napakalayo na ng mga komunidad ng mga katutubong Agta. Biktima sila ng pagputok ng Bulkang Pinatubo noong 1991. Mula Pampanga, inilipat sila sa Tarlac kung saan ngayon nakaamba ulit silang mapalayas dahil masasaklaw sila ng pagpapalawak ng New Clark City.
Nangangamba sila ngayon kung saan sila dadalhin. Ito rin ang pangamba ng bawat maralitang Pilipino na nakatakdang i-demolish dito sa kalunsuran upang bigyang daan ang pagpapanibagong anyo ng kalunsuran para sa pakinabangan ng iilan.
Lalo pa tayong nakaramdam ng pait sa kamakailang World Homeless Day dahil sa presidenteng nagtataingang kawali. Hindi nakaramdam ng hiya si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. nang ipa-renovate niya nang bonggang-bongga ang Bahay Pangulo (na kilala noong Bahay Pagbabago at Bahay Pangarap) sa loob ng Malacañang complex.
Habang nagtitiis ang walang tirahan sa panahon ng tag-ulan, nagawa ni Marcos Jr. na gawing magarbong mansiyon ang tahanan ng isang public servant. Kumpleto na may malawak na swimming pool, gym, arcade at Formula 1 racing simulator!
Siyempre hindi mawawala sa pader ng mansiyon ang pinakamamahaling obra at larawan ng ating mga National Artist. At kapag nasa labas naman, maaaring magrelaks ang piling miyembro ng angkan sa napakagandang hardin at fountain.
Hindi ba’t pondo rin ng taumbayan ang ginastos para diyan? Baka nga iyong ninanakaw pa ng pamilya noon pa!
Malaking sampal ito sa ating patuloy na nagtatampisaw sa kanyang luho mula sa pawis ng mamamayang Pilipino.
Samantalang ang mga homeless ang nananatiling nakatira sa mga bangketa, sa mga sira-sirang sasakyan at sa iba’t ibang lugar na maituturing na danger zone.
Samantala, sa programa ni Marcos Jr. na Pambansang Pabahay Pilipino Program (4PH), tila pabalat-bunga lang at wala namang makabuluhang dulot matapos ang tatlong taon ng implementasyon.
Ayon sa iba’t ibang ahensiya, sa kasalukuyan may 4.5 milyon na homeless, 3.8 milyon pamilyang nakatira sa informal settlement at 6.5 milyong housing backlog.
Ngayong papasok tayo sa panahon ng halalan, huwag tayong maniwala sa pabuyang alok ng mga politiko gaya ng ginawa ni Marcos Jr. sa atin noon. Hindi iyan mula sa sarili nilang tiyaga! Nakakasilaw man ang magagarbo nilang mga alahas at kagamitan, lahat iya’y mula sa bulsa ng taumbayan.
Paano natin mahahanap ang magnanakaw? Silipin natin ang bahay niyang bagong pagawa!