Eleksiyon

Senador, partylist ng Makabayan, naghain na ng kandidatura

Opisyal nang nagsumite ng kanilang kandidatura ang 11 na senador at ang apat na partylist ng Makabayan Coalition nitong nagdaang linggo para isulong ang adyenda ng taumbayan.

Opisyal nang nagsumite ng kanilang mga certificate of candidacy (COC) ang 11 na senador at mga certificate of nomination and acceptance (CONA) ang apat na partylist ng Makabayan Coalition sa Manila Hotel Tent City nitong nagdaang linggo. 

Sabay-sabay na nagmartsa patungo sa filing noong Okt. 4 sina Kilusang Mayo Uno secretary general Jerome Adonis, Kadamay secretary general Mimi Doringo, Piston president Mody Floranda, Gabriela Women’s Party Rep. Arlene Brosas at ACT Teachers Partylist Rep. France Castro.

Kasama rin nila sa Makabayan senate slate sina Filipino Nurses United secretary general Jocelyn Andamo, Pamalakaya vice chairperson Ronnel Arambulo, dating Bayan Muna Partylist Rep. Teddy Casiño, Sandugo Alliance co-chairperson at lider-Moro na si Amirah Lidasan, dating anti-poverty czar Liza Maza at Kilusang Magbubukid ng Pilipinas chairperson Danilo Ramos

Para sa sektor ng mga manggagawa, prayoridad ni Adonis na buwagin ang mga regional wage board, tuluyang ipagbawal ang kontraktuwalisasyon at itaas ang minimum na sahod na P1,200 kada araw sa buong bansa. 

Binigyang diin naman ni Floranda ang pagsusulong ng mga batas na laban sa mga patakaran na nagdudulot ng problema sa sektor ng transportasyon. Kinondena rin niya ang Public Transportation Modernization Program at sinabing hindi ito makatutulong sa pag-unlad ng bansa.

“Ang layunin ng programang ito ay bigyang daan ang mga dayuhan at mga naglalakihang negosyanteng kapitalista dito sa ating bansa,” ani Floranda.

Ayon naman kay Arambulo, bibigyan niya ng importansiya ang pagtataguyod ng karapatan ng mga mangingisda at ang pangangalaga sa kalikasan.

Bitbit ang isang bungkos ng aning palay, ibabahagi naman ng apat na dekada nang magsasaka na si Ramos ang kanyang karanasan bilang magsasaka at tumindig na isusulong ang karapatan ng mga kapwa-magbubukid sa lupain at ibang isyung pang-agrikultura

“Dapat at least 10% ng [national] budget ay ilaan para sa pagkain dahil mahalaga po ito [para sa] food self-sufficiency,” sabi ni Ramos.

Dagdag pa ni Ramos, plano niyang pasiglahin ang agrikultura sa pamamagitan ng pagbibigay ng lupa sa mga magsasaka at pagpapalakas ng lokal na produksiyon, hindi importasyon.

Kasabay ng Makabayan senate slate, nagpasa na rin ng CONA ang Gabriela Women’s Party sa pangunguna ni dating Kabataan Rep. Sarah Elago, kasama sina Amihan secretary general Cathy Estavillo at Gabriela Women’s Party vice chairperson Jean Lindo.

Layunin ng partido na maaprubahan ang panukalang batas diborsiyo at SOGIE equality na poprotekta sa karapatan ng kababaihan at LGBTQ+ community, maging ang pag-amiyenda para palakasin ang Anti-Rape Law at Anti-Violence Against Women and their Children (VAWC) Act.

Bitbit naman ang mensaheng “Kung korap ka, lagot ka sa Bayan Muna,” nagsumite na rin ng CONA ang Bayan Muna Partylist sa pangunguna ni dating Rep. Neri Colmenares, Carlos Isagani Zarate at Ferdinand Gaite noong Okt. 1, bilang paunang hakbang sa planong pagbabalik sa Kamara. Hangad nila na sugpuin ang korupsiyon at katiwalian sa pamahalaan.

Nagsumite ng CONA noong Okt. 5 ang Kabataan Partylist at inilahad ang plataporma na 10-point youth agenda na naglalayong ibigay ang mga pangangailangan ng mga Pilipino gaya na lang ng dekalidad na edukasyon, hustisya para sa lahat, sapat na sahod at seguridad na pinangunahan ng mga nominado nitong sina Renee Co, Pao Echavez at Jpeg Garcia. 

Panghuling naghain ng CONA ang ACT Teachers Partylist nitong Okt. 6 sa pangunguna ng first nominee na si dating Rep. Antonio L. Tinio na isinusulong ang P50,000 minimum na sahod ng mga guro at makabayang sistema sa edukasyon.