World Gutom Day
Magandang katangian ang sipag at tiyaga. Pero kahit unli pa iyong lakas mo, hindi ka pa rin maliligtas sa gutom kung ika’y nabibilang sa mga uri sa lipunan na pinagsasamantalahan ng iilan.

Laging inaalala kada Oktubre ang kawalan ng pagkain. World Food Day ang ika-16 ng buwan, pero obvious naman na mas tampok ang pagiging gutom kaysa sa pagiging sagana sa pagkain. Matagal na natin itong nararanasan. Araw-araw ay nagpapaalala ng gutom dahil sa kumakalam na tiyan.
Bakit ba nagpapatuloy ang matinding kagutuman? ‘Di hamak na masakit sa bulsa ang gastusin ng manggagawa kaysa sa kapitalista. Ang mga may-ari ng mga pagawaan at bukirin, hindi magugutom kahit pa ilang beses magpapiyesta. Pero tayong pagod na pagod, napakababa naman ng pasahod. Maski kayod kalabaw, may dalawang sideline, kukulangin pa rin ang panustos sa pamilya pag-uwi mo.
Bawal magkasakit, dahil gutom ang sasapit. At kaya kulang na kulang sa pagkain at nutrisyon, dahil sa kalagayan sa lipunan na iyong mga nagbabanat ng buto ang madalas binabarat.
Para naman sa maralitang lungsod, kawalang trabaho ang sanhi ng gutom. Mapalad na tayong makapaghanapbuhay ng tatlong beses sa isang linggo. Sanay na sanay na tayo sa hirap, parang wala namang gobyerno o kaya’y nariyan lang sa tuwing maninita o manggigipit sa atin.
Madiskarte nga tayo para maibsan ang gutom. Ang mga tsuper ng jeepney, nagrerelyebo sa pamamasada at kadalasan dalawa hanggang tatlo ang naghahati sa pagpapatakbo ng isang sasakyan.
May kilala ako noon pumapasok si maliit na empresa. Ang madalas na bukambibig ni Jun, “Mabuti na kahit maliit ang mauwi, kaysa walang trabaho.”
Lima ang anak ni Jun, malayo ang inuuwian. At para makatipid, naglalakad siya nang dalawang oras papunta pa lang sa papasukan niya. Kalaunan nagkasakit siya at hindi na nakapagtrabaho. Iyong dalawang anak niya na edad 10 at 12, nagsimulang mangalakal ng basura at maghanap ng pagpag sa paligid ng kanilang lugar.
Magandang katangian ang sipag at tiyaga. Pero kahit unli pa iyong lakas mo, hindi ka pa rin maliligtas sa gutom kung ika’y nabibilang sa mga uri sa lipunan na pinagsasamantalahan ng iilan.
Ayon sa United Nations Food and Agriculture Organization ngayong buwan, ang Pilipinas ang pinaka-food insecure sa buong Southeast Asia. Ibig sabihin, kumpara sa mga kapitbahay natin, tayo ang pinakanapagkakaitan ng masustansisyang pagkain o batayang pangangailangan sa pagkain.
Ayon naman sa Social Weather Stations, mas maraming Pilipino ang nakaranas ng gutom sa nakaraang tatlong buwan. Nasa 17.6% ng mga pamilya ang nakaranas ng gutom ngayon, kumpara sa 14.2% ng mga pamilya noong Marso ngayong taon.
May Food Stamp Program naman si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na tinawag niyang “Walang Gutom 2027” na may pondong P1.87 bilyon.
Isa na namang mapanlinlang na programa ito, kagaya din ng 4Ps. Naglalaan ng barya-baryang limos sa mahihirap para lang maibsan nang kaunti ang kalam ng sikmura. Pero nananatili pa rin ang ugat at sanhi ng kagutuman—pang-aagaw ng lupa sa magsasaka, kawalan ng disenteng trabaho at pambabarat sa sahod ng manggagawa.
Sa totoo lang, mas may pakinabang pa rito ang mga kurakot sa gobyerno na gustong magpapogi bago ang halalan sa 2025. Negosyo ng gobyerno ang gutom ng mamamayan at lalong tayong nahuhulog sa kumunoy ng kahirapan.