Makinig kay Ka Bea

Balik-tanaw sa militanteng maralita


Mapalad ako na nakapagsilbing tagapangulo ng Kadamay. At masaya din ako na palaging kababaihan ang nauupo bilang pambansang lider. Binabati ko ang lahat ng mga miyembro at magkita-kita tayo saan man may laban!

Nakilala ang Kalipunan ng Damayang Mahihirap (Kadamay) na isang militanteng grupo na nagsusulong ng interes, kagalingan at karapatan ng maralitang lungsod. Itinatag noong Nobyembre 7, 1998, malaking hakbang sa pag-abante ng kamalayan ng masang api.

Makasaysayan ito, bilang isa sa mga pangunahing nagbuklod ng maralitang Pilipino sa pambansang antas, ‘di gaya ng mga naunang samahang nakabase lang sa kani-kanilang mga lugar. 

Sa dekada ‘70 at ‘80, lumobo ang bilang ng maralitang lungsod at lumaki nang todo ang mga informal settlement o maralitang komunidad, o kung tawagin ng iba ay “squatters area.” Dulot ito ng matinding kahirapan at pagkonsentra ng oportunidad sa trabaho sa mga sentrong lungsod. At kahit sa buhay lungsod, paulit-ulit naging biktima ang mga mahihirap ng mga patakaran ng gobyerno.

Sa panahon ni Cory Aquino, nagpostura ang kanyang gobyerno na makamahirap. Ang dating branding sa Maynila ni Ferdinand Marcos Sr. na “City of Man” ay pinalitan ng proyektong “New Manila.” Pero sa esensiya’y walang pinag-iba, parehong mga mababaw na kampanya para superpisyal na baguhin ang lungsod sa pamamagitan ng demolisyon at pagwawalis sa mahihirap na komunidad.  

Nagdeklara sya ng moratoryum sa demolisyon noong 1986. Pero dalawang linggo matapos iyon, anim na katao ang namatay sa marahas na pagpapagiba ng mahigit 3,000 na tirahan. Sa aming taya, may 100,000 na biktima ng demolisyon kada taon sa ilalim ni Aquino.

Bago nagtapos ang termino ni Aquino, ipinasa naman noong Marso 24, 1992 ang Republic Act 7279 o Urban Development and Housing Act (UDHA), batas na lalong nagpabilis sa malawakang demolisyon. Itinatag din ang Presidential Commission for the Urban Poor (PCUP) para linlangin ang maralita. 

Sa panahon ni Fidel Ramos pinabilis ng liberalisasyon, pribatisasyon at deregulasyon o pagpapaubaya ng lahat ng patakaran sa ekonomiya sa pribadong sektor sa ilalim ng programang “Philippines 2000.” Ipinagpatuloy ang pagbebenta ng ari-arian ng gobyerno tulad ng mga a serbisyong panlipunan na nagpatindi lalo ng kahirapan. Hindi lang demolisyon ang kinakaharap ng mga maralita kundi tumindi pa ang krisis pang ekonomiya. 

Ipinasa rin ni Ramos ang Executive Order 129 o ang Anti-Professional Squatting na siyang nagbansag na krimen ang maraming umano’y ilegal na pamamahay. 

Laganap ang demolisyon sa iba’t ibang rehiyon ng Pilipinas na ipinagpatuloy ng rehimen ni Joseph Estrada. Patuloy pa rin ang kawalan ng tirahan. Noong una naging mahirap ang pag-oorganisa namin dati sa mga komunidad lalo na ang mga nadatnan naming mga samahan na nagdadala ng repormistang pananaw na makakamit ang lahat ng karapatan basta’t ipinagduldulan lang sa gobyerno. 

Nang mabuo ang Kadamay, ikinampanya namin sa Payatas, Quezon City ang pagtunggali sa Medium Term Philippine Development Plan 1993-1998 o Payatas 2000 na siyang pagpapalayas sa kanila doon. Doon nabuo ang isa sa mga unang chapter ng Kadamay hanggang sa lumawak ito sa buong bansa. Kadamay ang nanguna sa pagharap at paghingi ng katarungan sa mga naging biktima sa pagguho ng basura noong July 10, 2000. 

Mula noon, marami nang sunod-sunod na naging tagumpay ang Kadamay. Sinalubong ang pagtindi ng karalitaan sa pag-oorganisa. Nagsimula sa kalat-kalat at ‘di pamilyar na mga isyu sa mga organisador. At ngayon, may komprehensibong tanaw, unawa at pagkilala na sa maralitang lungsod bilang isang pwersa para sa pagbabago. 

Sa mga komunidad na ide-demolish may napagtagumpayan tayong laban dahil sa barikadang bayan. Pinamumunuan din ng Kadamay ang Occupy Pandi sa mga pabahay ng gobyerno sa Bulacan na nakatiwangwang at libong maralita ang nagkaroon ng tirahan. 

Noong panahon ng pandemya, pinamumunuan din ng Kadamay ang paglulunsad ng Kusinang Bayan sa mga komunidad ng maralita para sila makakain. Ito’y ilan lang sa mga tampok na kompanya ng Kadamay, patuloy na nagpapasigla ng alyansa. 

Mapalad ako na nakapagsilbing tagapangulo ng Kadamay. At masaya din ako na palaging kababaihan ang nauupo bilang pambansang lider. Binabati ko ang lahat ng mga miyembro at magkita-kita tayo saan man may laban!