Boses ng katutubo sa awit ng Talahib
Inspirasyon ng kantang ito ang paglaban ng mga Igorot na nagsusulong ng pangangalaga sa kanilang lupaing ninuno laban sa pagpapatayo ng Chico River Dam.
Sa isang mundo kung saan ang boses ng mga katutubo’y madalas na isinasantabi, isang masidhing panawagan na bumangon at lumaban ang awit na “Bumangon Kaigorotan” ng Talahib.
Nagbibigay liwanag ang kanta sa pakikibaka ng mga Igorot ng Cordillera. Nagsisimula ito sa mga katutubong ritmo na sinasamahan ng emosyonal na boses na nagdadala ng halong sakit at pag-asa. Pinagsasama ng bandang Talahib ang kulturang Igorot sa modernong folk na areglo sa pamamagitan ng mga tradisyonal na instrumento na maririnig sa awitin.
Itinuturo ng linyang “Sa ating kasaysayan may dayong gumamit ng lakas, Winasak ang katutubong kamalayan” ang kolonyal na pananakop, samantalang hinihikayat ng “Bumangon ka Kaigorotan, pagyamanin ang payao ng buhay” ang muling pagbuhay sa kultura ng mga katutubo. Nag-uudyok ang awitin sa mga Igorot na ipaglaban ang kanilang identidad.
Ipinapaabot ng mensaheng “Ang laban ng Kaigorotan ay laban ng buong bayan” ang koneksiyon ng pakikibaka ng mga Igorot sa mas malawak na mamayan para sa pambansang kasarinlan.
Inspirasyon ng kantang ito ang paglaban ng mga Igorot na nagsusulong ng pangangalaga sa kanilang lupaing ninuno laban sa pagpapatayo ng Chico River Dam noong diktadura ni Ferdinand Marcos Sr.
Simula noong 1997, naging boses ng masa ang Talahib sa paggabay ng Sining Bugkos at Musicians for Peace. Patuloy na ginagamit ang kanilang musika mula sa mga kampanya laban sa Visiting Forces Agreement mula noong 1999 bilang kasangkapan para sa bayan.
Matagumpay na nilikha ng banda ang pangalawang album na may 12 orihinal na awitin sa pangunguna ni Noel Taylo kasama sina Raquel de Loyola-Cruz, Jun Cadacio, Mark Estandarte, Brutus Lancano, Seed Marcus, Carlo Bernardino, Maan de Loyola, Hulyo Panganiban at Dakini Sravaka.
Isang simbolo ang “Bumangon Kaigorotan” ng pakikiisa at laban ng mga katutubo. Ipinapahayag ng awitin ang pagmamalaki sa kultura at pagpanig sa katarungan, kasama na ang paghikayat sa bawat Pilipino na magkaisang ipaglaban ang kanilang mga karapatan.