Musika ng hinagpis at laban para sa katarungan
Sa kawalan ng katarungan, musika ang naging sandalan—tinig ng protesta, alaala ng mga nawala at panawagan ng paniningil.

Pagkasadlak sa walang hanggang dilim ang sinapit ng mga dehadong biktima sa isang giyerang ipinanalo ng kapangyarihan—hindi ng hustisya.
Sa gitna ng alingawngaw ng pagmamakaawa at alulong ng paghihinagpis, isa-isang pumutok ang melodya ng pagdadalamhati mula sa mga nabingi sa marahas na reyalidad.
Sa kawalan ng katarungan, musika ang naging sandalan—tinig ng protesta, alaala ng mga nawala at panawagan ng paniningil.
Ilang mga awit ang tumindig laban sa pananahimik at nagsilbing salamin ng hinagpis ng bayan sa bawat bangungot ng pamamaslang.
“Makinarya” ng Kolateral feat. BLKD, Calix
Sa mga salitang pumapailanlang, bumungad ang dagundong ng katotohanan sa kantang ito—isang malikhaing salaysay ng karahasan sa laban giyera kontra droga, ugat ng sistemang kumitil sa buhay ng mga maralita. Tinig ito ng mga Pilipinong ninakawan ng kinabukasan at karapatan—walang pinipiling lugar, basta’t maabot lang ang kota na itinakda ng mga taong dapat na nagtatanggol sa kanilang mga karapatan at nagbibigay ng proteksiyon sa masa.
“Giyera na Bulag” ng Kolateral feat. Calix
Sa “Giyera na Bulag,” ipinapakita ang digmaan na tumatangging magpatawad at bingi sa mga daing ng mga biktima. Isinasalaysay ng kanta ang kuwento ng isang lipunang nilulunod ng karahasan, ngunit nananatiling bulag ang mga tunay na may sala. Sa bawat linya, binigyang-diin ang isang sistemang hindi tumutugon sa sigaw ng mga naaapi, kaya’t musika ang nagsisilbing panggising nila upang tanawin ang madilim na katotohanan ng naaagnas na pamunuan.
“Magliliyab” ng Concerned Artists of the Philippines
Nagngangalit na emosyon ang sumiklab sa bawat linya ng kantang ito, isang paalala na hindi kailanman mamamatay ang tinig ng bayan. Kolektibo itong lakas na umusbong mula sa mga artistang matapang at patuloy na lumalaban, itinatanghal ang musika bilang kanilang sandata. Lumiliyab ang bawat himig, ginugunita ang mga boses ng mga inosenteng nalunod sa dilim ng kasaysayan. Sila ang mga biktima ng mga utos na walang kaluluwa mula sa nakaluklok sa puwesto. Sila ang mga may buhay na winasak dahil sa panghuhusga na ibinatay sa kanilang estado at hitsura.
“Tugmang Preso” ni Loonie
Isang biktima ng walanghiyang patakaran at mga katagang “Pasensya na idol, napag-utusan lang.” Ito ang isa sa mga linto ng kantang “Tugmang Preso” ni Loonie na nagmulat sa posibilidad na masakdal nang walang pakundangan at walang sapat na batayan. Sa bawat salaysay ng rap, nabanggit kung paanong maaaring maging biktima ng giyera kontra droga ang mga tao dahil lang sa maling akusasyon. Inaasahang makatarungan ang sistema, ngunit sa halip nagiging larangan ito ng mga kasinungalingan.
“Hustisya” ni Jay feat. Kram
Mula sa ngitngit ng damdamin, inialay ng ni Jay sa kanyang obra na “Hustisya” ang palahaw at galit ng pagluluksa, hindi lang para sa isang biktima, kundi para sa libo-libong katawang bumulagta nang walang paglilitis. Maririnig dito ang malumanay na ugong ng pighati na tumatagos sa isip at puso ng mga pamilyang naiwan ng mga biktima. Lahat ng ito para sa mapagkunwaring seguridad at kaligtasan. Pinalakas din nito ang sigaw ng sambayanan, isang pagtutol sa bulok na sistema na walang puwang sa lipunang patuloy na nangangarap ng tunay na pagkakapantay-pantay.
“Hustisya” ni Jordie Talavera
Nakabibingi ang hinaing ng kantang ito. Sigaw para sa mga nasawi dahil sa kamay ng batas na manhid at bulag sa katuwiran. Sa bawat linya, hinuhubad ang balatkayong kaayusan at isinasampal ang katotohanan ng mga buhay na winakasan pati na rin ang mga pamilyang pinutulan ng kinabukasan. Hindi pagluha ang isinukli kundi paniningil bilang pag-aaklas na nagpapatunay na hindi magpapagapos sa takot ang sambayanan.
“Sino” ni Kritiko
Isang tanong ang sinisigaw sa gitna ng huni ng mga kuliglig: Sino? Sino ang may sala? Sino ang magtatapat ng totoo? Sa simpleng tanong na ito, nabuksan ang pinto ng masalimuot na paghahanap ng sagot—hindi lang mula sa mga makapangyarihan, kundi pati sa mga pinipiling manahimik. Sapagkat sa bawat katahimikan, may kumpas ng pagpayag; sa bawat paglingon sa ibang direksyon, may saliw ng pagkakasangkot.
“Paglatag ng Dilim” ni Danny Fabella
Pagbagsak ng pag-asa at simbolo ng pagkawala ng katarungan ang tema ng awiting ito. Isa itong paalala sa madilim na kalagayan ng ating lipunan at ng pangangailangan ng pagbabago sa ating sistema at pamunuan. Sa bawat nota ng awit, maririnig ang unti-unting paglubog ng mga pangarap at ang habambuhay na katahikiman ng mga biktima na hindi binibigyan ng pagkakataon upang makamit ang hustisya.
“Baliktad na ang Mundo” ni Danny Fabella
Sumasalamin ang kantang ito sa mundong puno ng kaguluhan, na nagdudulot ng kalituhan sa marami. Isang sigaw ito para sa mga naaapi, “Ano ba ito? Ang gulo-gulo, baliktad na ang mundo.” Sa mga taludtod ng “Matuwid nasa impiyerno, Baluktot nasa Palasyo,” ipinapakita ang kabalintunaan ng mga lider na sa kabila ng kanilang mga kasalanan, patuloy na nagpapalakas ng kapangyarihan.
“Diktador” ng Dicta License feat. Saab Magalona-Bacarro
Maririnig ang galit at pagkukumawala sa kantang ito na nagsisiwalat ng kahambugan ng lipunang nababalot sa takot at pang-aabuso. Nagsisilbi ang mga linyang “diktador ba ang kelangan” at “ihanda na ang kadena kapalit ng kalayaan” bilang pagtuligsa sa lider na gumagamit ng dahas at takot upang magpatuloy. Sa bawat notang pumapatak, ipinapakita na madalas nauurong ang kalayaan dahil sa kasinungalingan. Kapalit nito, mamamayan ang patuloy na nagiging mga biktima at patuloy na napapako ang mga pangakong binitawan sa ilalim ng diktadurang baluktot ang moralidad