Balik-Tanaw

Cecilia Muñoz-Palma, hukom ng masa laban sa diktadura


Bagaman itinalaga sa Korte Suprema ng diktador na si Ferdinad Marcos Sr., nanatili siyang kritikal sa abusadong rehimen.

Ipinanganak sa Bauan, Batangas noong Nob. 22, 1913 si Cecilia Muñoz-Palma na kilala bilang unang babaeng iniluklok sa mga katungkulan sa hudikatura ng Pilipinas.

Nag-aral siya ng high school sa St. Scholastica’s College sa Maynila noong 1931. Nagkolehiyo sa University of the Philippines noong 1937 kung saan nagtapos siya ng abogasya.

Tinapos niya ang pag-aaral na may pinakamataas na karangalan at nanguna sa 1937 Philippine Bar Examinations na may gradong 92.6%. Kasunod nito, kinuha ni Muñoz-Palma ang kanyang masterado sa batas sa Yale University sa United States.

Siya ang unang babaeng piskal na hinirang ni Manuel Roxas noong 1947 at unang babaeng hukom ng Court of First Instance na itinalaga ni Ramon Magsaysay noong 1954.

Sa ilalim ni Ferdinand Marcos Sr., hinirang siya bilang ikalawang babaeng hukom ng Court of Appeals noong 1968 at unang babaeng mahistrado ng Kataas-taasang Hukuman noong 1973.

Bagaman itinalaga sa Korte Suprema ni Marcos Sr., nanatili siyang kritikal sa abusadong rehimen katulad ng pagsasailalim ng buong bansa sa batas militar. Imbis na maging sunud-sunuran, nanguna siya sa paglaban sa panunupil ng diktadura upang manatili sa kapangyarihan at pagtakpan ang bagsak na estado ng ekonomiya.

Nagpahayag si Muñoz-Palma ng matinding pagtutol sa paglapastangan sa mga karapatan, kalayaan at katarungan. Si Sen. Jose Diokno, isa sa mga namuno sa paglaban sa diktadura, ang natulungan niyang makalaya matapos ikulong nang walang kaso sa loob ng mahigit dalawang taon.

Sa kabila ng tumpok ng mga politikong sumusuporta kay Marcos Sr. na nakapalibot kay Muñoz-Palma, hindi siya nagpatinag. Aniya, nanumpa siya ng katapatan sa Konstitusyon, katarungan at mamamayan, hindi sa nagtalaga sa kanya.

Nang magretiro bilang hukom noong 1978, ipinagpatuloy niya ang paglilingkod sa bilang kinatawan ng Quezon City sa Batasang Pambansa. Malaki ang papel na ginampanan niya sa pagpapatalsik kay Marcos Sr. bilang pinuno ng oposisyon.

Sa pagbagsak ng diktaturang Marcos Sr. sa pamamagitan ng unang Pag-aalsang EDSA noong 1986, itinalaga siya ni Corazon Aquino bilang miyembro ng Komisyong Konstitusyonal at nahalal bilang pangulo nito.

Ang pamumuno sa pagbalangkas ng Saligang Batas ng 1987 na umiiral hanggang sa kasalukuyan ang pinakamahalagang iniwan ni Muñoz-Palma bilang lingkod-bayan. Ito ang konstitusyong bunga ng paglaban ng mga Pilipino para kumawala sa kadena ng diktadura.

Sa pagpanaw ni Muñoz-Palma sa edad 92 noong Ene. 2, 2006, inukit ang kanyang pangalan sa Bantayog ng mga Bayani, isang monumento upang parangalan ang mga tumindig laban sa diktadura.

Hanggang ngayon, damang-dama ang legasiyang iniwan ni Munoz-Palma bilang tagapagtaguyod ng hustisya at kakampi ng mamamayan.