Dayuhang pamumuhunan sa tubig, kailangan ba natin?


Para sa karaniwang tao ang tubig. Nagresulta sa komodipikasyon ng tubig ang paglalaan nito sa mga kumikitang pribadong sektor na sinusuportahan ng mga patakaran ng gobyerno. 

Nang isapribado ang serbisyo sa tubig sa Metro Manila noong 1997, sinasabing pinakamalawak itong pribatisasyon sa mundo noong panahong iyon na kinasasangkutan ng ilan sa mga pinakamalaking dayuhang kompanya ng tubig. Mapapabuti raw nito ang serbisyo at kalidad na suplay. Ngunit makalipas ang 25 taon, nananatiling malaking problema ang pagkakaroon ng tubig, lalo na para sa mga mahihirap na Pilipino.

Pinapahiwatig ng mapa ng suplay ng tubig at kalinisan ng gobyerno ang pangangailangan pa ng karagdagang paglahok ng pribadong sektor at ng mga dayuhan. Ngunit malulutas ba nito ang suliranin sa tubig ng bansa? Laging ibinibida ang mga dayuhang kompanya ng tubig na mayroong malawak na karanasan, maunlad na kaalaman sa teknolohiya at imprastruktura, at malaking kapital. Pero naging sapat na ba ang mga ito para lutasin ang problema sa tubig ng bansa?

Iginagarantiya sa Saligang Batas ang karapatan sa kalusugan at bahagi ng karapatang ito ang pag-akses sa tubig. Binigyang-diin din ito sa International Covenant on Economic, Social and Cultural Rights (ICESCR), na kasamang nilagdaan ng gobyerno ng Pilipinas. Tungkulin ng pamahalaan na igalang, protektahan at itaguyod ang karapatan sa tubig, kabilang ang sanitasyon.

Sa ngayon, hindi pa nakakamit ng bansa ang unibersal na akses sa ligtas na tubig at sanitasyon. Ayon sa ulat ng Senate Economic Planning Office (SEPO), bumaba ang national water availability mula sa 2,100 cubic meters (m3) per capita noong 1995 hanggang 1,300 m3 per capita na lang noong 2020. Mas mababa ito sa 1,700 m3 per capita water stress threshold. Mas mataas sa 7,300 m3 per capita ang abereyds ng mundo para sa pagkakaroon ng mga mapagkukunan ng tubig. Dahil dito, humigit-kumulang 27% ng populasyon ng Pilipinas ang nakatira sa mga groundwater-stressed zone at water-stressed river basins, ayon sa isa pang pag-aaral ng SEPO.

Sa pagtatapos ng 2023, sinabi ng World Bank na 48% lamang ng populasyon ng Pilipinas ang sakop ng ligtas na pamamahala sa mga serbisyo ng tubig, habang 63% naman sa ligtas na serbisyo sa kalinisan nito. Mas mababa ang mga ito kaysa sa pangkalahatang sitwasyon ng rehiyon ng Silangang Asya Pasipiko na 74% para sa ligtas na pag-akses sa tubig at 69% para sa ligtas na pag-akses sa sanitasyon.

Ayon sa Philippine Statistics Authority (PSA), 96.3% ng populasyon ang may akses sa pangunahing serbisyo ng inuming tubig noong 2022. Ngunit iniulat ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) na humigit-kumulang 40 milyong Pilipino ang may mahinang akses sa suplay ng tubig. Sa sobrang salat ng suplay, may ilan na kinakailangan pang sumakay ng motorbanca para lang mag-igib ng tubig.

Nang maisapribado ang Metropolitan Waterworks and Sewerage Systems (MWSS) sa pagpopondo ng World Bank, sumailalim ito sa 25 taong concession agreements (CAs) kasama ang Manila Water Company at Maynilad Water Systems. Nahahati sa silangan at kanlurang pook ang kalakhang Maynila na sumasakop sa 20 milyong Pilipino.

Sa simula pa lang, sangkot na ang mga dayuhang kompanya ng tubig na ilan sa mga pinakamalaking kompanya ng tubig sa mundo.

Napunta sa Manila Water Company ang silangang pook. Ayala Corporation ang may pinakamaraming bahagi (42.3%) katuwang ang United Utilities ng Britanya (18.8%), Bechtel Corporation ng Amerika (15.1%), at Mitsubishi Corporation ng Japan (9.4%).

Bahagyang nagbawas ng investment ang Mitsubishi sa Manila Water noong 2013 sa gitna ng arbitrasyon sa pagitan ng kompanya at ng MWSS ngunit kanila pa rin ang 1.2% na bahagi nito. Binili naman ng Ayala Corporation ang hati ng United Utilities noong 2009 ngunit napantili ng United Utilities nito ang karapatan sa pagboto sa pamamagitan ng 40% na pagmamay-ari ng noon ay unlisted at ngayon ay 19% na may-ari ng Philwater Holdings Company.

Hawak na ngayon ng Trident Water ni Enrique Razon ang mayoryang puhunan matapos makuha ang natitirang puhunan ng Ayala Corporation ngayong taon. Kasalukuyang galing sa West Yorkshire Pension Fund ng Britanya (0.31%), Tareno AG ng Switzerland (0.23%), Sydbank A/S ng Denmark (0.15%), ang mga dayuhang puhunan ng Manila Water. Kasama rin dito ang mga kompanya sa Luxembourg, Singapore, Amerika, at India.

Napunta ang kanlurang pook sa Maynilad Water Systems Inc. na pinamamahalaan ng Benpres Holdings Corporation ng pamilya Lopez at Suez Lyonnaise dex Eaux ng Pransiya. Nabangkarote ang kompanya noong 2003 at nakabawi lamang matapos itong kunin at ibenta ng gobyerno sa mga bagong namumuhunan noong 2007. Sa ngayon, Maynilad Water Holding Company, Inc. ang namumunong kompanya ng Maynilad. Meron itong mga sumusunod na conglomerates: DMCI Holdings, Inc. (DMCI) na may 27.2% na bahagi, ang Marubeni Corporation ng Japan (Marubeni, sa pamamagitan ng sangay nitong MCNK JV Corporation) na may 21.5% bahagi, at Metro Pacific Investments Corporation (MPIC) na may kabuuang 56.5% bahagi.

May tatlong dekadang CA din ang MWSS sa Luzon Clean Water Development Corporation (LCWDC) para sa Bulacan Bulk Water Supply Project (BBWSP) na nagsimula noong Enero 2016. Pinamamahalaan ito ng San Miguel Corporation ni Ramon Ang (80%) at South Korean K-Water Resources Corp (20%). 

Ngunit hindi naisakatuparan ang ipinangakong benepisyo ng pagsasapribado ng tubig, kahit pa may mga dayuhang namumuhunan. Tumaas ang naging singil, lalo para sa mas mahihirap na kabahayan. Nanatili rin ang problema sa akses, taas ng singil, at isyu sa kapaligiran sa mga lugar ng MWSS sa loob ng ilang dekada.

Nakikipagbuno ang mga residente—lalo na ang mga mahihirap—sa mga lugar na sakop ng serbisyo ng Manila Water at Maynilad sa mataas na singil, paputol-putol na suplay at mahinang serbisyo sa sanitasyon ng napribadong tubig. 

Nasa P4.23/m3 ang taripa bago ang pribatisasyon. Mula noon, tumaas at naging mas mabigat ang bayarin sa tubig lalo na para sa mga pamilyang mababa ang kita. 

Tumaas ang singil ng Manila Water ng 1,722% mula P2.32/m3 noong 1997 hanggang P42.26/m3 ngayong taon. Samantala, 859% naman ang itinaas ng Maynilad mula sa noong P4.96/m3 hanggang P47.57/m3 sa ngayon.

Mas mataas ang singil ng tubig sa mga maralitang komunidad sa lungsod na walang direktang koneksyon. Sa San Roque, Barangay North Triangle, kinahaharap ng mga pamilya ang napakalaking singil na pumapalo sa P140/m3. Kadalasan pang nagkakaroon sila ng karagdagang gastos mula sa pagbili ng mga lalagyan, bote at asul na dram para sa pang-imbak ng kanilang tubig.

Umaabot ng hanggang o lampas sa P1,000 ang kanilang buwanang konsumo sa tubig. Humigit-kumulang 7% ito ng kita ng isang pamilyang sinusuportahan ng isang manggagawa sa konstruksiyon, at 15% ng kita naman ng isang pamilyang sinusuportahan ng isang drayber ng pedicab.

Halimbawa ang mga ito ng kung gaano kamahal ang pangunahing pangangailangan ng tubig para sa mga maralitang tagalungsod—sinasabi ng United Nations Development Programme (UNDP) na hindi dapat ginagastos ng isang pamilya ang higit 3% ng kanilang kita sa tubig, na hindi dapat lalayo ng 1,000 metro mula sa kanilang bahay ang pinagkukunan nila ng tubig, at hindi dapat lalagpas sa 30 minuto ang oras ng pagkolekta nila nito.

Hinaing ng ibang mga maralitang konsyumer sa National Capital Region (NCR) na pinagmumulta ng P10,000 ang mga sambahayan na may tagas ang tubo. Mas nakapokus din ang mga kompanya sa pagputol ng suplay kapag hindi nababayaran ang mga singil sa halip na ayusin ang mga pagtagas. Gayundin, kadalasang humahantong sa hindi kinakailangang pag-iimbak ng tubig, taranta, at abala ang mga hindi mapagkakatiwalaang anunsyo tungkol sa mga pagkaantala o kakulangan ng suplay.

Sa napakaraming taon, paulit-ulit na inapela ng maralitang taga-lungsod ang pag-akses at pagiging abot-kaya ng mga serbisyo, ngunit wala pa ring aksyon ang mga kaugnay na ahensya ng gobyerno.

Malaking multa na ang ipinataw ng Korte Suprema sa MWSS at sa dalawang kompanya sa NCR dahil sa hindi pagsunod sa Philippine Clean Water Act of 2004 o Republic Act 9275. Noong 2018, pinagmulta ang MWSS, Manila Water at Maynilad ng P29.4 milyon dahil sa hindi paglalagay at pagpapanatili ng pasilidad para sa wastewater treatment sa loob ng limang taon pagkatapos itong maisabatas. Halos ipasa na ng mga kompanya sa mga konsyumer ang mga multa na ito, na ilang taon nang umaaray ang bulsa dahil sa binabayaran din nilang environmental charge na binubuo ng 20% ??ng kanilang singil sa tubig.

Nanatili ang problema sa tubig sa kabila ng ilang dekadang pribatisasyon at paglahok ng mga dayuhang kompanya.

Sa puntong ito, dapat nang hadlangan ang lalo pang potensyal na pakikilahok ng dayuhan na nais lang pagkakitaan ang mga kagamitan sa tubig ng Pilipinas. Nagsisilbing malinaw na testamento ang mga karanasan ng ibang mga bansa sa mga negatibong kahihinatnan ng pribatisasyon at mga dayuhang pamumuhunan sa mga serbisyo ng tubig. 

Ayon sa global watchdog na Walking Water, humantong sa pagtaas ng halaga ng tubig ng hanggang 300 porsyento ang dayuhang pamumuhunan sa Cochabamba, Bolivia—sa tulong ng World Bank—noong huling bahagi ng 1990s. Nagbigay ng konsensyon ang gobyerno ng Bolivia sa internasyonal na consortium na Aguas del Tunari, na kinabibilangan ng Bechtel. Hindi kinayang bayaran ng mga mahihirap na residente ang tubig nang pumalo ang singil nito mula US$5 hanggang US$20—mas mataas ito sa 20% ng kanilang buwanang minimum na sahod na mas mababa sa US$100.

Nagresulta rin sa hindi kaaya-ayang serbisyo at mas mataas na halaga ng tubig ang pagsasapribado ng tubig sa Jakarta, Indonesia noong 1997, na kinasasangkutan din ng mga dayuhang mamumuhunan. Sa pagpondo ng World Bank, sumailalim ang kompanyang PAM Jaya sa isang 25 taong konsesyon para sa pagpapabuti ng imprastraktura ng tubig at kalinisan kasama ng Thames Water ng Britanya at Suez Des Eaux ng Pransiya. Isinalaysay ng artikulo ng International Consortium of Investigative Journalists (ICIJ) ni Andreas Harsono na dalawang beses tumaas ang presyo ng tubig sa abereyds na 35% bawat pagtaas sa loob lamang ng anim na taon ng pribatisasyon. Gayunpaman, napilitan pa ring bumili ng inuming tubig ang mga mahihirap na sambahayan mula sa mga nagtitinda sa kalye, at noong panahong iyon, wala pa ring akses sa tubig ang 70% sa kanila.

Maraming iba pang mga pagkakataon kung saan napilitang magbayad ang mga pamilya nang higit pa sa kanilang makakaya para sa tubig dulot ng pagsasapribado na kinasasangkutan ng mga pandaigdigang kompanya ng tubig. Halimbawa, tumaas ang presyo ngbtubig ng 600% sa Mauritania, at ng 95% naman sa Ghana. Sa kabila ng matarik na pagtaas na ito, milyon-milyon pa rin ang may kulang sa akses sa sapat na suplay ng tubig at sanitasyon.

Ilan lamang ito sa mga negatibong karanasan mula sa pagsasapribado ng tubig na kinasasangkutan ng dayuhang pamumuhunan, na maaaring matutunan ng Pilipinas.

Para sa karaniwang tao ang tubig. Nagresulta sa komodipikasyon ng tubig ang paglalaan nito sa mga kumikitang pribadong sektor na sinusuportahan ng mga patakaran ng gobyerno. 

Dahil dito, pinoprotektahan ng mga pagbabago sa Public Service Act o Republic Act 11659 ang ganap na pagmamay-ari ng dayuhan sa mga operasyon ng tubig at kalinisan. Sa binagong batas, itinuturing pa ring pampublikong utilidad ang mga sistema ng tubo ng tubig at wastewater kung saan limitado lang sa 40 porsyento ang dayuhang pagmamay-ari sa mga ito. Natural na monopolyo ang tubig at nangangailangan ito ng regulasyon bilang isang mahalagang serbisyo. Mahalaga ang mga ito para sa pagpapanatili ng buhay at kapakanan ng publiko, at dapat na mapagkakatiwalaang ibigay kapag hinihiling ng mamamayan.

May malalaking plano ang administrasyong Marcos Jr. na pagsamahin ang pamamahala at regulasyon ng mga yamang tubig at paggamit nito. Kailangan umano ng pakikilahok ng pribadong sektor at pag-akit sa mga dayuhang mamumuhunan. Ngunit malakas na regulasyon ng estado ang talagang kailangan at isang pamahalaang nakasentro sa mga tao.

Maaari tayong matuto mula sa positibong karanasan ng ibang mga bansa. Sa Bolivia at Indonesia, nabigo ng pagsasapribado ng tubig na mapabuti ang buhay ng mga tao at ang kanilang ekonomiya. Nagdulot ito ng kawalang-kasiyahan sa publiko at nag-udyok sa lipunang sibil, mga komunidad at kung minsan maging ang mga lokal o pambansang kinatawan ng pamahalaan na suportahan ang depribatisasyon at renasyonalisasyon. Naganap ang karamihan sa mga ito sa pamamagitan ng pagwawakas o hindi pag-renew ng pribado at internasyonal na mga konsesyon.

Sumailalim sa renasyonalisasyon ng mga serbisyo ng tubig ang Cochabamba noong 2000 kasunod ng patuloy na mga protesta sa pangunguna ng Coalition for the Defense of Water and Life (La Coordinadora). Iniutos ng Korte Suprema ng Indonesia ang pagwawakas ng pribatisasyon ng tubig noong 2017 sa kaso na inihain ng Coalition of Jakarta Residents Opposed to Water Privatization (KMMSAJ).

Nitong taon lamang inilabas ang pagpapatupad ng mga tuntunin at regulasyon ng Public-Private Partnership (PPP) Code o Republic Act 11966. Itinatakda nito ang pagkilala ng estado sa kailangang-kailangan na papel ng pribadong sektor, paghikayat sa pribadong negosyo, at pagbibigay ng mga insentibo sa lokal o dayuhang mamumuhunan. Ito ang estado na matigas ang ulo na sumusunod sa isang pribadong balangkas na hinihimok ng kita at sadyang binabalewala kung paano ito nakapipinsala sa kabutihan ng publiko.

Dapat na patuloy na harapin at tugunan ang mga negatibong karanasan dulot ng pagsasapribado ng tubig, kabilang ang paglahok ng mga dayuhang kompanya sa loob at labas ng bansa. Kailangang magpatuloy ang pagsulong ng kontrol ng mga tao sa kanilang mga mapagkukunan, gaya ng nakapaloob sa Filipino People’s Water Code na hinihintay na muling maisulat at maisabatas. /Unang nailathala ng Ibon Foundation sa Ingles at isinalin sa Filipino ni Trisha Anne Nabor