Maagang pang-uuto sa taumbayan
Facebook ng Meta ang pinakatanyag at pinakaginagamit na social media platform sa bansa at ginagamit itong sandata ng iba’t ibang politiko upang iparada ang kanilang propaganda.
“Ingat sa biyahe!”
Bilang mga komyuter, malamang nakita mo na ang ganitong mensahe sa mga trapal na may napakalaking mukha ng isang kumakandidatong politiko. Hindi pa simula ng kampanya, naglulustay na ng milyon-milyong piso ang mga trapong ito upang ibalandra ang kanilang mga mukha para mas umingay sa masa.
Madalas itong nakikita ni Joebeth, edad 33, sa araw-araw na biyahe niya papasok sa trabaho. Aniya, naglipana na ang mga ganitong pagbibida ng mga politiko kahit hindi pa nagsisimula noon ang paghahain ng kandidatura.
“Daming billboard ads or poster akong nakakikita [bandang Cavitex at SLEX area] especially sa Batangas [ng mga tumatakbong lokal na kandidato],” ani Joebeth.
Sa Peb.11, 2025 pa ang pormal na simula ng kampanya ng mga kandidatong senador at partylist, pero hindi natatapos ang taon, marami na ang nakapaskil na larawan sa kalsada, mga patalastas sa telebisyon, at maging sa social media kahit hindi ka naman naka-like o follow sa kanilang mga account.
Tinatawag itong premature campaigning na hindi na bago sa tuwing sasapit ang eleksiyon. Ayon sa pag-aaral ng Philippine Center for Investigative Journalism (PCIJ), mas malaki ang ginagastos ng mga kandidato bago pa ang takdang panahon ng kampanya.
Ayon sa mga datos ng iba’t ibang billboard firms sa bansa, umaabot sa P100,000 hanggang P300,000 ang presyo ng paglalagay ng isang billboard sa Metro Manila upang maipaskil ang mga ito sa loob ng isang buwan.
Madalas, hindi lang isang billboard ang inilalagay ng mga politiko. Sa bawat pangunahing lansangang madadaan mo sa Metro, mapa-EDSA, Commonwealth, o C5 man ‘yan, makikita mo iyong mga ‘di umano’y “kalaban” daw ng mga kriminal kahit kaalyado naman ng mga human rights violator, o kaya iyong “bagong boses, bagong bukas” raw na kandidato kahit ikaapat na siyang tatakbong senador sa kanilang pamilya.
Noong Setyembre ng nakaraang taon, nagpulong ang mga poll watchdog at civil society organization kasama ang PCIJ. Digitalisasyon ng kampanya ang isa sa mga krisis elektoral na kanilang tinalakay.
Hindi na lang kasi sa billboard, telebisyon, radyo o iba pang uri ng tradisyonal na pangangampanya mo makikita o maririnig ang iba’t ibang uri ng premature campaigning, mas talamak na ito online.
Pangangampanya sa social media
Habang nag-i-scroll naman si Paul, edad 19, sa Facebook, napapansin niya ang mga dumadaang political ad sa kanyang timeline.
“May mga sponsored [post] na nagpapakita ng mga kandidato o mga proyekto nila. Minsan, may mga short video [ad] na nagpapakita ng kanilang [achievements o promises],” aniya. Unang beses na boboto si Paul sa paparating na halalan.
Facebook na kontrolado ng Meta ang pinakatanyag at pinakaginagamit na social media platform sa bansa at ginagamit itong sandata ng iba’t ibang politiko upang iparada ang kanilang propaganda.
Sa huling tala noong Abril 2024, mayroong 67 milyon gumagamit ng Facebook sa bansa, kaya naman nais ng mga kandidatong dominahin ang platform na ito.
Sa datos mula sa Meta Ad Library na kinolekta ng PCIJ, nangunguna sina Agri Partylist Rep. Wilbert Lee at Las Piñas Rep. Camille Villar sa may pinakamaraming gastos sa pagpapalawak ng reach ng kanilang mga post sa Facebook.
Nakapagtala si Lee ng P1,743,994 halaga sa mga Facebook ad habang may P1,730,709 na gastos si Villar. Pareho silang kumakandidatong senador sa 2025.
Umabot na rin sa milyon ang gastos sa parehong platform ni Sen. Francis Tolentino na may P1,317,090, habang may P611,898 na ginastos si Sen. Christopher “Bong” Go at ang ibang supporting pages nito sa Facebook.
Nasa higit-kumulang P100,000 hanggang P300,000 na rin ang Facebook ad spending nina Rep. Rodante Marcoleta, dating Sen. Bam Aquino, Ilocano Defenders Partylist, dating Sen. Kiko Pangilinan, Brian Poe Llamanzares ng FPJ Panday Bayanihan Partylist, Duterte Youth, Sen. Ramon “Bong” Revilla, at Brian Yamsuan ng Bicol Saro Partylist.
Sa kabila nito, sinisikap pa rin ni Paul na maghanap ng detalyadong impormasyon tungkol sa mga kandidato sa iba pang pamamaraan at hindi lang magbatay sa mga nadadaanang political ad sa social media. Mahalaga pa rin para sa kanya na well-informed siya sa mga tatakbong kandidato sa susunod na taon.
Para naman kay Joebeth, isang malaking palaisipan ang buong konsepto ng gastusin habang hindi pa simula ng kampanya.
“Malaki ang inuubos nilang budget para magkaroon ng ads sa social media, [mapapatanong] ka na lang [talaga] sa sarili mo if saan nila kinuha ‘yong budget na iyon para magkaroon ng ads,” wika ni Joebeth.
Limitasyon at luwag ng batas
Sa ilalim ng Omnibus Election Code at Republic Act 7166, nakasaad kung magkano lang ang dapat gastusin ng mga kandidato at pampolitikang partido sa pangangampanya. Layunin dapat nito na tiyakin na patas at maayos ang paglulunsad ng eleksiyon.
Sa mga tatakbong senador at lokal na opisyal, nasa P3 hanggang P5 lang ang dapat ilaan kada botante sa buong.
Ayon sa ulat ng Commission on Elections (Comelec), nasa 68.6 milyon ang rehistradong botante sa 2025. Kung susumahin, P205 milyon hanggang P343 milyon lang dapat ang campaign spending limit ng mga tatakbo.
Ayon kay Danilo Arao, convenor ng Kontra Daya, isang ugnayan ng mga grupo at indibidwal na tumututol sa pandaraya at iba pang anomalya tuwing eleksiyon, maraming taktika ang mga politiko upang malusutan ito. Bukod sa pagkukubli ng ibang aktuwal na gastusin, isusumite lang ang Statement of Contributions and Expenses (SOCE) pagkatapos ng eleksiyon.
Sa SOCE nakalista ang mga donasyon na natanggap ng mga politiko sa kampanya at gastusin nila rito. Ngunit sakop lang nito ang mga gastusin sa itinakdang panahon ng kampanya mula Pebrero hanggang Mayo.
“Bilyon-bilyon talaga ang aktuwal na nagagastos ng mga kandidato’t politikal na partido kung isasama ang gastusin bago ang aktuwal na panahon ng pangangampanya. Ang problema lang sa batas, ang limitasyon sa gastusin ay sumasaklaw lang sa panahon ng kampanya kaya ang mga kasalukuyang gastusin ay hindi kasama,” paliwanag ni Arao.
Wala umanong pangil ang mga batas upang tiyakin ang pantay na estado ng mga kandidato tuwing panahon ng kampanya. Patuloy aniyang “napapaigting ang ‘money politics’ sa sistema ng halalan sa Pilipinas, kaya patuloy na may bentahe ang mga mayaman at makapangyarihan, lalo na ang mga galing sa politikal na angkan at may malaking negosyo.”
Giit pa ni Arao, kailangang idiin ang transparency ng mga kandidato sa kanilang gastusin sa pamamagitan ng mga batas o resolusyon, habang inaanyayahan ang mga advertising firm at media network na makilahok para ilahad ang gastusing inilalaan ng mga politiko sa kani-kanilang mga operasyon.
Nais din ni Arao na mas palawakin ng Comelec ang kanilang mandato kontra sa mga tagong gastusin bago pa ang kampanya, gaya ng pagsasagawa ng hearing sa bawat kandidato o pampolitikal na grupo upang tanungin sila sa kani-kanilang mga aktibidad bago ang halalan.
“Masyadong umaasa ang Comelec kung ano ang nakasaad sa batas. Kung mapanlikha ang mga nais mandaya at kasalukuyang nandaraya dahil sa kawalan ng malinaw na batas, kailangan ding maging mapanlikha ang Comelec sa pag-usig sa kanila,” diin ni Arao.