Pop Off, Teh!

Mapoot at magmahal


Nang mabasa ko ang “Pulang Pag-ibig,” higit ko pang naunawaan ang salimuot ng pag-ibig sa loob ng kilusan lalo na sa mga bahagi ng mga nagbubuo ng sosyalistang lipunan.

Inilunsad kamakainlan ng Gantala Press ang paglalabas ng librong “Pulang Pag-ibig” na isinulat ng Ruso at rebolusyonaryong si Alexandra Kollontai. Isinalin ito ni Faye Cura, manunulat, editor at tagapagtatag ng feministang small press na Gantala Press sa Filipino.

Katatapos lang ng Bagyong Kristine at aligaga ang marami sa pag-aayos at muling pagbangon mula sa hagupit ng bagyo ngunit, nagsilbing pagkakataon ang lunsad-aklat upang muling mapagpuyos ang mga damdamin ng mga nakikibaka para sa pagbabago at kalayaan.

Magandang pagkakataon ang lunsad-aklat upang makapangalap pa ng karagdagang suporta ang Gantala Press sa ganang ibibigay nito ang malaking bahagi ng pagbebentahan ng libro sa Amihan National Federation of Peasant Women at iba pang grupo ng kababaihan na nangangalap ng tulong para sa mga nasalanta.

Nang mabasa ko ang “Pulang Pag-ibig,” higit ko pang naunawaan ang salimuot ng pag-ibig sa loob ng kilusan lalo na sa mga bahagi ng mga nagbubuo ng sosyalistang lipunan.

Naka-set noong pagkatapos ng Rebolusyong Oktubre sa Russia ang kuwento ni Vassilissa o Vasya, isang 28 taong gulang na komunista at kasapi ng partidong Bolshevik. Umiinog ang kuwento sa kompleksidad ng buhay ni Vasya bilang isang rebolusyonaryo at bilang asawa ni Vladimir o Volodya na isang Rusong anarkista na tumira nang mahabang panahon sa Amerika bago bumalik sa Russia at lumahok sa pakikibaka.

Siyempe, hindi tayo magbibigay spoiler dito pero maraming usaping haharapin si Vasya tulad ng banta ng pagbawi ng mga burgis sa tagumpay na nakamit ng mga Bolshevik, pangangaliwa at pagkompromiso ni Volodya at maging ang mga hamon sa gawain ni Vasya bilang organisador sa komunidad.

Hindi ito ang unang salin dahil naisalin na ito sa Ingles, ngunit malaki ang pagsisikap ni Faye na langkapan ng inobasyon ang klasikong akda gamit ang wikang Filipino. Mapapansin ng magbabasa na ginamit ang mga salitang “bana” at “lakay” na naglalarawan sa asawa. May mga malalalim ngunit makahulugang salita tulad ng “mapanglaw,” “pagkaligalig,” at iba pa. Makikilala rin ang mga pamilyar na salita tulad ng “kasama,” “HQ,” at “proletaryado.”

Nakatutuwang basahin ang salin ni Faye dahil nakikilala natin ang buhay ng mga rebolusyonaryo—labas sa nakasanayan nating pagtingin na sila ay puro lang pag-oorganisa at pakikibaka. Mauunawaan natin ang masalimuot na mga relasyon at seksuwalidad, mga ugnayan ng mga magkakasama, at maging ng mga rebolusyonaryo sa mga kanilang mga komunidad na kinikilusan.

Nagmamahal at napopoot din ang mga rebolusyonaryo—naghahabi ng mga pangarap, nagtutuwid ng mga pagkakamali, at nagpapasya para sa kabutihan ng sarili at ng nakararami.

Ang kapangahasan ni Faye sa pagsasalin ng mga ganitong akda ay bumabaka sa tradisyon ng pagsasalin na napakapatriarkal at pyudal. Hindi nakabase si Faye sa akademya sa kasalukuyan at kung tutuusi’y hindi siya balot ng presyur para magsalin ng ganitong akda.

Nakita niya marahil ang halaga ng pagpapalawak ng maaabot ng akda ni Kollontai upang higit nating maunawaan na nagpapatuloy ang rebolusyon at maging sa personal na aspekto ng buhay ng isang rebolusyonaryo, kailangan nilang igpawan ang maraming balakid at banta sa pagpapatuloy na pagsasabuhay ng simpleng pamumuhay at puspusang pakikibaka.

Pinatotohanan ng sinaling akda na ang rebolusyon ay isang gawain at hindi lamang isang trivial na pangyayari sa kasaysayan.

Kung gusto ninyong higit na maunawaan paano binawi ni Vasya ang kanyang lakas bilang babae at rebolusyonaryo, subukin ninyong basahin ang “Pulang Pag-ibig.” Tiyak kong magsisilbing inspirasyon ang nobelang ito ni Kollontai sa ating pagmumuni-muni sa sistema ng lipunang umiiral sa atin.

Naiisip tuloy, magbabago kaya ang tugon sa Bagyong Kristine (at marahil, ng iba pang bagyo) kung ang umiiral na lipunan sa Pilipinas ay katulad ng kina Vasya? Malamang sa malamang, may malaking pagbabago kaysa sa ngayong inaabot-abutang lang tayo ng mga politiko ng taglilimang daan para pagtakpan ang kanilang kapalpakan at kawalang pananagutan.