Pagtanggal sa isang OFW, makatarungan ba?
Ang constructive dismissal ay ang pag-ayaw sa trabaho ng isang manggagawa hindi na kayang ipagpatuloy pa ang kanyang trabaho dahil sa pang-aaping ginagawa ng kanyang amo tulad ng hindi pagbibigay ng tamang sahod sa kanya at iba pang paglabag sa kanyang karapatan sa trabaho.
Hindi maikakaila ang kontribusyon ng mga overseas Filipino worker (OFW) sa ekonomiya ng ating bansa. Noong 2023, hindi bababa sa $37.2 billion ang tinatantiyang kinita ng mga OFW na ipinadala nila sa kanilang mga naiwang pamilya. Ito ang dahilan kung bakit binansagan ang mga OFW na mga bagong bayani ng ating bansa.
Ngunit ang pagiging bayani nila’y hindi lang dahil sa malaking halaga na naiambag nila sa ating ekonomiya. Makikita rin ito sa kanilang pagtitiis sa mapang-aping ugali ng kanilang pinagtatrabahuan sa ibang bansa. Hindi maitatatwa na may kakaibang ugali ang kanilang employers minsan.
Ipinapakita ng kaso ni Melba, isang OFW na nagtrabaho sa Cook Islands, ang ganitong pangyayari.
Nagtrabaho si Melba bilang kitchen hand ng Lunch Box Ltd., isang restaurant sa Cook Islands na isang bansa sa South Pacific at konektado sa New Zealand. Napasok siya sa tulong ng Migrant Workers Manpower Agency Inc., isang lokal na recruitment agency.
Nasa NZD1,600 ang kanyang buwanang sahod at may dalawang taong kontrata. Nakalagay din sa kanyang kontrata na ang kanyang transportation, accommodation, pati na ang kanyang food allowance ay sagot ng kanyang employer na nagngangalang Charlene.
Umalis si Melba papunta sa Cook Islands noong Mayo 2019. Pagdating niya doon, agad siyang nagsimula sa kanyang trabaho.
Masigasig si Melba sa kanyang trabaho, ngunit ang kanyang amo ang hindi sumunod sa kontrata. Itinuring ng kanyang amo itong si Melba hindi bilang full-time employee kundi bilang part-time employee lang.
Mas mababa ang sahod na ibinibigay kay Melba kaysa sa nakasaad sa kontratang inaprubahan ng Philippine Overseas Employment Administration. Bukod pa rito, malimit si Melba na murahin ng kanyang amo. May pagkakataon pang tinatakot siya nito gamit ang isang patalim.
Dahil sa paglabag sa kontrata, pinaabot ni Melba sa kanyang ahensiya ang ginawa ng kanyang amo. Pero walang ginawa ang ahensiya sa sumbong ni Melba. Kaya pagkatapos lang ng anim na buwan, napilitan siyang magpaalam sa kanyang amo.
Sinabi niya sa kanyang amo na hindi na niya kaya ang magtrabaho sa ganoong sitwasyon. Pinayagan naman siyang umuwi sa kondisyong si Melba ang gagastos sa kanyang plane ticket pabalik sa Pilipinas.
Pagdating sa Pilipinas, nagsampa si Melba ng kaso laban sa agency at sa employer sa tanggapan ng Labor Arbiter na illegal dismissal kasama na ang money claims.
Bilang depensa, sinabi naman ng agency na hindi sila ang talagang nag-recruit kay Melba. Ayon sa kanila, may ibang tao na nag-recruit kay Melba at ang papel lang ng ahensiya’y maging tagaayos ng mga dokumento. Pangalawa, pinanindigan ng ahensiya na hindi nila tinanggal sa trabaho si Melba kundi kusang umuwi.
Hindi pinaniwalaan ng Labor Arbiter ang mga alegasyon ng ahensiya. Ayon sa Labor Arbiter, maliwanag sa online conversation ni Melba kay Charlene na tinatanggal ang una sa trabaho.
Bilang foreign employer, obligasyon ni Charlene o ng kanyang pinagtatrabahuan na patunayan na legal ang pagtanggal ni Melba sa kanyang trabaho, ngunit hindi ito nagawa ni Charlene.
Pinanalo ng Labor Arbiter sa kaso itong si Melba. Idineklara nito na nagkasala ng illegal dismissal ang kanyang pinagtatrabuan at siyempre, kasali rito ang ahensiya sa Pilipinas na nag-recruit kay Melba.
Napatunayan ng Labor Arbiter na kulang ang sahod na binabayad kay Melba. Inutos nito na bayaran si Melba ng tamang sahod ayon sa nakalagay sa Contract of Employment dahil ang pagbawas sa oras ng kanyang trabaho na nagresulta sa kanyang mababang sahod.
Bukod pa rito, inutos rin ng Labor Arbiter na bayaran si Melba ng kanyang backwages dahil ang pang-aapi ng kanyang amo na nagtulak kanya para hindi na magtrabaho’y maituturing na constructive dismissal.
Nag-apela sa National Labor Relations Commission (NLRC) ang agency. Sa kasamaang palad, binago ng NLRC ang desisyon ng Labor Arbiter.
Sinabi ng NLRC na ayon sa online conversation nina Melba at Charlene, si Melba ang nagsabi na gusto na niyang tapusin ang kanyang kontrata. Kaya lumalabas na ang kanyang pagkatanggal ay ayon sa kagustuhan niya at hindi ng kanyang ahensiya o employer.
Nagdesisyon ang NLRC na panalunin ang foreign employer ni Melba at ang agency na nag-recruit sa kanya, bagaman ibinigay naman nito ang tungkol sa reklamong kulang na sahod ni Melba.
Si Melba naman ngayon ang nag-apela sa Court of Appeals. Walang nabago sa hatol ng Court of Appeals. Sinang-ayunan ng Court of Appeals ang desisyon ng NLRC na walang illegal recruitment kaya talo sa usaping ito si Melba.
Sinabi rin ng Court of Appeals na nilabag ni Melba ang proseso na nagsabing ang mga petisyon sa Court of Appeals pagdating sa labor cases ay dapat gawin sa loob ng 60 araw lang. Ang 60 araw na ito’y hindi na pinapalawig pa, sabi ng Court of Appeals. Kaya lumalabas na filed out of time o nahuli ang petisyon ni Melba.
Napilitang umakyat sa Korte Suprema si Melba. Nilinaw ng korte na hindi lumabag si Melba sa alituntunin ng Court of Appeals na dapat ipasa ang petisyon sa loob ng 60 araw mula sa pagkatanggap ng utos o resolusyon mula sa NLRC.
Nakapaghain ng Motion for Extension of Time sa tamang panahon si Melba. Ang isinampa niyang petisyon ay nasa loob nang hinihingi niyang panahon para siya’y mabigyan ng palugit para magsampa nito, sabi ng Korte Suprema.
Makatuwiran ang paghingi niya ng palugit. Nangyari ito noong pandemyang Covid-19 kung saan sarado ang karamihan sa mga pampubliko at pibradong opisina. Kung kaya may katuwiran ang paghingi ng extension of time nitong si Melba.
Ang susunod na tanong ay kung tinanggal ba talaga sa kanyang trabaho nang walang sapat na dahilan itong si Melba.
Makikita natin na masigasig siya sa kanyang trabaho, bagaman hindi siya sinahuran nang wasto ng kanyang amo dahil itinuring siya na part-time employee sa halip na isang full-time employee.
Bukod pa rito, madalas siyang murahin at minsan’y tinatakot pa gamit ang isang patalim. Isinumbong niya ito sa kanyang ahensiya ngunit wala silang ginawa.
Kaya lumalabas na umayaw man sa kanyang trabaho si Melba, ito’y dahil sa hindi niya kagustuhan kundi maituturing na constructive dismissal.
Ang constructive dismissal ay ang pag-ayaw sa trabaho ng isang manggagawa hindi na kayang ipagpatuloy pa ang kanyang trabaho dahil sa pang-aaping ginagawa ng kanyang amo tulad ng hindi pagbibigay ng tamang sahod sa kanya at iba pang paglabag sa kanyang karapatan sa trabaho.
Ang epekto nito’y para ring illegal dismissal at maaaring iutos na ibalik ang manggagawa sa kanyang trabaho o bayaran siya ng kanyang separation pay bukod pa sa pagbayad sa kanya ng backwages.
Sa kaso ni Melba, inutos ng Korte Suprema na siya’y bayaran ng kanyang sahod sa natitirang bahagi ng kanyang kontrata, bayaran siya sa kakulangan ng kanyang sahod sa mga buwan na siya’y sinahuran, ibalik ang kanyang placement fee, at bayaran din siya ng moral and exemplary damages at attorney’s fees.
Ito ang naging hatol ng Korte Suprema sa kasong Melba Alcantara Denusta vs. Migrant Workers Manpower Agency, Inc., et. al (G.R. No. 264158) na inilabas noong Ene. 31, 2024.