Panibagong panggigipit sa hilaga ng Gaza
Dalawang araw na sinalakay, binomba at pinaulanan ng bala ng militar ang Kamal Adwan Hospital, isa sa tatlong natitirang healthcare facility sa hilaga ng Gaza na patuloy ang operasyon sa gitna ng giyera bago ang pag-atake.

Umaga ng Okt. 6, isang araw bago ang unang anibersaryo ng patuloy na pag-atake ng Israel sa Gaza, nang mabulabog ng mga tangke at quadcopter drones ang mga Palestino sa Jabalia sa panibagong paglusob ng mga sundalong Israeli rito. Ito ang simula ng isa pang kalbaryo para sa mga sibilyan sa hilaga ng Gaza: ang giyera sa loob ng umiiral na giyera.
Bukod sa Jabalia, patuloy ring inaatake ng mga puwersa ng Israel ang Beit Lahia at Beit Hanoun. Wala pang isang buwan nang magsimula ang kanilang operasyon, humigit na sa 1,000 ang bilang ng mga Palestinong namatay habang 670 naman ang nawawala, ayon sa huling tala ng Health Ministry at Civil Defense ng Gaza.
Mula Okt. 25, dalawang araw na sinalakay, binomba at pinaulanan ng bala ng militar ng Israel ang Kamal Adwan Hospital, isa sa tatlong natitirang healthcare facility sa hilagang Gaza na patuloy ang operasyon sa gitna ng giyera bago ang pag-atake.
Ito ang natatanging ospital na mayroong neonatal section para sa mga bagong panganak na sanggol. Magmula nang atakihin ng militar ang Indonesian Hospital sa Sheikh Zayed at ang Al-Awda Hospital sa Jabalia, ang Kamal Adwan na rin ang nagsilbing pangunahing kanlungan ng mga sugatan at iba pang nangangailangan ng serbisyong medikal sa kabuuan ng hilagang Gaza, na nasa 400,000 ang populasyon, sa kabila ng limitadong kapasidad at suplay nito.
Ayon kay Khalil Daqran, spokesperson ng Gaza Health Ministry, bukod sa mga medical staff ng ospital ay inaresto rin ng militar ang mga pasyente at kasama nila. Ilang medic at pasyente rin ang nasugatan at namatay dahil sa paglusob.
Sa tindi ng pinsalang tinamo ng ospital, tinagurian na ngayong “out of service” ang Kamal Adwan dahil bukod sa pagsira sa mismong establisyimento, dinamay rin ng militar ang mga suplay ng gamot at pagkain dito.
Sa kasalukuyan, first aid materials at tatlong medic na lamang ang natitira sa ospital, kabilang ang direktor nito na si Hussam Abu Safia at isa pang doktor. Gayunpaman, patuloy pa rin ang paggamot ng ospital sa mga batang biktima ng gulo sa tulong ng mga medical relief operation ng iba’t ibang organisasyon katulad ng United Nations.
Tinuturo ng Israel ang ospital bilang pugad umano ng mga militanteng Hamas na nagpapanggap na medical personnel. Mariin itong tinanggi ng mga health official sa lugar. Sa kabila nito, naglabas ng pahayag ang Israel na nadakip ng kanilang militar ang 100 ‘terorista’ matapos ang engkuwentro sa Kamal Adwan.
Sa ibang dako ng Beit Lahia naman, hindi bababa sa 93 katao ang naitalang patay o nawawala matapos magpaulan ng bala ang militar sa limang palapag na residential building noong Okt. 29. Bukod pa rito ang iniulat ng Wafa na 10 namatay at dose-dosenang sugatan noong gabi ng kaparehong araw.
Sa halos isang buwan na pag-atake sa hilaga ng Gaza, maraming kabahayan at establisyimento na ang napatumba ng militar upang puwersahang mapaalis ang mga natitirang sibilyan sa rehiyon at mailipat sa timog kung saan sila ‘mas ligtas.’ Bilang resulta, daan-daang libong Palestino ngayon ang nagtatago sa militar, nangangamba para sa kanilang buhay.
‘Generals’ Plan‘
Bahagi ang panggigipit sa outline ng panukalang “generals’ plan” sa gobyerno ng Israel noong Setyembre. Layunin nitong i-trap ang Hamas sa sarili nitong ‘social base’ upang mapasuko ang grupo at maibalik ang 100 nilang hostage.
Parte ng plano ang pagbaba ng ultimatum sa mga sibilyan na lumikas sa ibang parte ng Gaza, partikular sa timog na bahagi, at kalauna’y ideklara ang rehiyon bilang “closed military zone.” Kapag nangyari ito, mapuputol ang suplay ng tubig, pagkain, langis, at ibang pangangailangang medikal sa hilagang Gaza. Ang sinumang maiiwan dito ay ituturing na kasabwat ng Hamas at lehitimong target ng mga sundalo.
Bagaman itinanggi ng gobyerno ng Israel ang pagpapatupad ng ganitong sistema sa rehiyon, ang mga taktikong nakapaloob sa generals’ plan ay lantaran nang ginagawa ng militar at ng gobyerno ng Israel simula nang atakihin nito ang mga siyudad sa hilaga. Dahil dito, maraming Palestino ang naniniwala na ito ang tunay na nangyayari sa lugar.
Lunes nang aprubahan ng Israel ang pag-ban sa operasyon ng United Nations Relief and Works Agency (UNRWA) sa kanilang estado. Sumusuporta ang UNRWA sa mga Palestinong refugee sa Gaza, West Bank, East Jerusalem, at ibang karatig na mga bansa.
Dahil sa mga aksiyon ng Israel, naniniwala ang ilang institusyon na kaakibat ng generals’ plan ang kagustuhan nitong tuluyang kimkimin ang hilaga ng Gaza upang gawing annex nito. Bilang resulta, maaaring mawalan ng tirahan ang mga Palestino dito dahil sa posibleng relokasyon ng mga Israeli.
Bilang pakikiisa naman sa mga Palestino Disyembre 2023 nang magsampa ang South Africa sa International Court of Justice ng kasong genocide laban sa Israel dahil sa “genocidal acts and omissions” nito sa Palestine. Nitong Lunes, nagsumite ang legal team ng bansa ng dokumentong may halos 5,000 pahina na magsisilbing ebidensya ng South Africa sa pangunahing claim nila laban sa sa Israel—na intensyon nitong magsagawa ng malawakang pagpatay sa Gaza.
Ayon sa mataas na opisyal ng Hamas na si Samu Abu Zuhri nitong Martes, inaaral na ng militanteng grupo ang ilang mga panukala para tuluyang wakasan ang giyera sa Gaza.
Para sa Hamas, matatapos ang gulo kung tuluyang aalis ang Israel sa Gaza. Para sa Israel, mamamatay lamang ang sigalot kung tuluyan ding mawawala ang grupo. Dahil sa kakulangan sa pagkakapareho, maraming buhay ang nalalagas sa Gaza araw-araw.