Operation Al-Aqsa Flood
Noong Okt. 7, 2023 inilunsad ng mga puwersang mapagpalaya sa Palestine ang Operation Al-Aqsa Flood.
Noong Okt. 7, 2023 inilunsad ng Islamic Resistance Movement (Hamas) at iba pang puwersang mapagpalaya sa Palestine ang isang koordinadong operasyon laban sa pananakop ng Israel sa teritoryong Palestino sa Gaza Strip na tinawag na Operation Al-Aqsa Flood.
Nagmula sa lupa, dagat at himpapawid ang mga atake. Ayon sa Hamas, halos 5,000 rocket ang inilunsad patungong hilaga ng Tel Aviv bilang paglaban ng mamamayang Palestino sa 16 na taong blokeyo ng Israel sa Gaza Strip.
“Nais naming pigilan ang kalupitan sa Gaza, laban sa Palestino, ang mga banal na lugar tulad ng Al-Aqsa [Mosque sa Jerusalem]. Ito ang mga rason kung bakit namin sinimulan itong laban,” sabi ng tagapagsalita ng Hamas Khaled Qaddoumi.
Ilang taon bago ang operasyon, halos 6,407 na ang namatay at 152,560 ang sugatang Palestino gawa ng Israel. Sa kasalukuyan, higit 74,000 na ang pinatay na Palestino mula Oktubre 2023, 56% nito ang mga bata, kababaihan at nakatatanda.
Nasa 1,140 ang ibinabalitang namatay na Israeli gawa sa Al-Aqsa Flood. Ayon kay Hamas senior representative Osama Hamdan, wala silang inatakeng sibilyan bagaman may ilang binihag na kalauna’y pinalaya rin.
“Kailangan mong pag-ibahin ang settler at sibilyan. Inatake ng mga settler ang mga Palestino,” aniya.
Ilang sasakyang militar ng Israel ang nakuha at pinarada sa Gaza noong araw na iyon.
“Ito ang araw ng pinakadakilang plano na buwagin ang okupasyon. Sa araw na ito, kung sino man ang may baril, ilabas niya ito; oras na natin. Lahat ay lumabas kasama ang kanilang trak, kotse o panglaban,” ani dating Hamas Al-Qassam Brigades commander Mohammed Deif.
Sa kasalukuyan, patuloy pa rin ang pag-atake ng Israel sa mamamayang Palestino sa Gaza Strip at Okupadong West Bank habang patuloy na lumakas ang boses ng iba’t ibang mamamayan sa daigdig sa pagtigil sa ilegal na okupasyon ng Israel sa Palestine.