Editoryal

Mabuhay ang Al-Aqsa!


Giyera ang bansag ng marami sa nagaganap sa Gaza. Pero malinaw, kahit sa United Nations o sa sinumang hindi nagbubulag-bulagan, henosidyo o pag-ubos sa lahi ang totoong nangyayari.

Dalawang taon mula nang ilunsad ang sinasabing “kadakilaan” ng Daluyong ng Al-Aqsa ng mamamayang Palestino laban sa ilegal na okupasyon ng Israel sa kanilang lupain. Nitong Okt. 10, nagkaroon ng kasunduan para sa tigil-putukan sa pagitan ng mananakop na estado at nag-aaklas na mga Palestino, pero sa gitna ng pag-uusap, muling umatake ang Israel.

Lalong nahihiwalay ang Zionistang Israel sa mamamayan ng daigdig dahil sa kanyang mga maruruming aksiyon, samantalang dapat higit na unawain ng mga Pilipino kung sino nga ba talaga ang kanilang mga kakampi at kaaway.

Mas maraming pagkakapareho ang karaniwang Pilipino sa mga Palestino kaysa mga Israeli, anupaman ang relihiyon. Pareho tayong paulit-ulit na sinakop ng mga makapangyarihang bansa, inaagawan ng lupain at teritoryo, binabagsakan ng mararahas at mapanupil na dayuhang sundalo, at itinutulak palabas ang mamamayan para maghanapbuhay.

Pero ang pinakapagkakatulad natin, parehong uunlad ang ating mga bayan kung tayo’y kumawala sa ‘di direktang pananakop o imperyalismo ng Estados Unidos at mga kasabwat nito gaya ng Israel.

Nilunsad ang Al-Aqsa, hindi bilang aksiyong terorista gaya ng sinasabi ng iba, kundi bilang hakbang ng nagkukumahog na bayan matapos ang ilang dekadang pagmamalupit sa ng okupasyong Israel, na suportado ng Amerika. Makatuwiran ang Al-Aqsa at anumang suporta sa Gaza.

Giyera ang bansag ng marami sa nagaganap sa Gaza. Pero malinaw, kahit sa United Nations o sa sinumang hindi nagbubulag-bulagan, henosidyo o pag-ubos sa lahi ang totoong nangyayari. Hindi patas ang dalawang panig kundi paggamit ng Israel ng labis labis na pambobomba sa mga matagal nang pinahihirapang mga sibilyang Palestino.

Kamakailan, inilunsad muli ang kilusang Freedom Flotilla, serye ng paglalayag ng maliliit na barko para maghatid ng tulong sa mga Palestino sa Gaza.

Hinarang ito ng mga sundalong Israeli, hinuli ang mga sakay na aktibista, kabilang si Greta Thunberg. Si Thunberg at ang kanyang mga kasamahan ay pinahirapan, tinortyur bago pakawalan. Gayunpaman, ang giit niya, ang tutok dapat ng pansin ay doon pa rin sa Gaza.

Halos 70,000 Palestino na ang pinatay ng Israel mula Okt. 7, 2023. Milyon-milyong Palestino ang nakakaranas ng matinding gutom at sakit. Tulong at pagkakaisa papunta sa Gaza at palayo sa Israel ang kailangan.

Sa tantiya ng maraming eksperto, pabagsak na ang rehimen ni Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu. Tulad ni Adolf Hitler ng Germany, malamang ang kanyang paunang kasikatan ay dudulo rin sa pagkamuhi sa mata ng kasaysayan. Ang mga krimen na ginawa nila sa Palestine ay marahil pinakamasahol na sa nagdaang isang siglo.

Dito sa Pilipinas, marami pa ring dapat gawin para mamulat ang kapwa sa mga nagaganap sa Gaza.

Una, dapat maunawaan at ipaunawa na magkaiba ang Israel sa Bibliya at ang Zionistang okupasyon ng Israel na naglulunsad ng henosidyo. Ikalawa, dapat magpaabot ng tulong sa anumang paraan sa mga Palestino sa Gaza o ‘di kaya’y sa mga refugee na napadpad sa Pilipinas, kabilang ang mga kababayan natin. Panghuli, manawagan at kumilos para matigil na ang pamamaslang at karahasan sa Palestine.

Hindi kalabisang sabihin na ito na marahil ang pinakamabagsik at madugong pangyayaring masasaksihan natin. Huwag tayong mag-atubili sa pagtulong at pakikiisa. Ang Al-Aqsa ay hudyat ng pagbabago, patuloy na kumakawala para sa paglaya ng Palestino, dinggin natin.