Suring Balita

Pagpostura o tunay na suporta sa Palestine, papasok sa ikatlong madugong taon

Mula noong Okt. 7, 2023, higit pang naging masahol ang kampanyang militar ng Israel laban sa mga Palestino na dekada nang nagpupumiglas mula sa kolonyalismong settler. Sa iba’t ibang bahagi naman ng mundo, dumagadundong ang mga pagkilos at panawagan ng suporta para sa Palestine.

Sa labas ng headquarters ng United Nations (UN) sa New York City, United States (US), tanaw ang daan-daang watawat ng Palestine, winawagayway ng libo-libong mga lumahok sa protesta.

Kinakalampag nila ang mga lider ng iba’t ibang bansa na nagtipon para sa UN General Assembly. Sigaw nila, agarang pagpapanagot kay Israeli Prime Minister Benjamin Netanyahu at paghinto sa malawakang panggugutom, pandarahas at henosidyo ng Israel laban sa mga Palestino.

Mahirap ilatag ang datos dahil araw-araw may panibagong pambobomba at pamamaril, pero sa huling bilang ng Gaza Health Ministry nitong Okt. 2, umabot na sa mahigit 66,200 ang mga Palestinong nasawi. Nasa 20,000 sa kanila ay mga bata. Noong Huwebes na iyon, patay ang isang lolo, apat niyang mga anak at apo, nang puntiryahin ng Israel ang isang tindahan ng pagkain.

“Hinaharang ng Israel ang mga trak na may dalang tulong, binobomba ang mga sakahan at panaderya, at pinapaputukan ang mga sibilyang kukuha lang ng pagkain. Ginagamit na ang kagutuman bilang sandata sa giyera at ito ay isang malinaw na krimen laban sa sangkatauhan,” sabi ni Dr. Edelina dela Paz ng Philippines-Palestine Friendship Association (PPFA) sa Ingles sa “For Famine to Freedom: The Struggle for Food and Land in Palestine” webinar. 

Kahit sa Pilipinas, nang magtipon ang daang libo noong Set. 21, isinama rin sa mga panawagan ang pakikiisa sa mga Palestino.

Anila, hangga’t hindi itinitigil ng administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang pakikipag-ugnayan sa gobyerno ng Israel, para na ring kasabwat ang gobyerno ng Pilipinas sa katakot-takot na mga krimen laban sa Palestine.

Dose-dosenang mga delegado ng iba’t ibang bansa para sa UN General Assembly noong Set. 23 hanggang 29 ang nag-walkout nang humarap sa kapulungan si Netanyahu. Tinawag niyang “kahibangan” kung kikilalanin ng Israel ang State of Palestine tulad ng kamakailang ginawa ng Australia, Canada, United Kingdom at iba pang mga bansa noong nakaraang taon.

Ang US, sa pangunguna ni Donald Trump, ang pumopostura sa Kanluran bilang tagapamagitan sa Israel at sa mga Palestino, partikular ang grupong Hamas. Naniniwala umano si Trump na “handa na para sa pangmatagalang kapayapaan” ang Hamas at matitigilan na ang pambobomba sa Gaza. 

Pero bago matapos ang Setyembre, itinulak ng administrasyong Trump ang pagbebenta ng halagang $6.4 bilyon na mga armas sa Israel. May $3.8 bilyon para sa 30 attack helicopters at $1.9 bilyon para sa 3,250 infantry assault vehicles.

Hindi rin member-state ang US sa International Criminal Court (ICC) na naglabas na ng mga arrest warrant para kina Netanyahu, dating Defense Minister Yoav Gallant at ilang lider ng Hamas, para sa mga krimen laban sa sangkatauhan.

Dagdag pa rito ang pagposisyon ng US salungat sa ICC. Naglabas ng executive order si Trump na naglalayong parusahan ang sinuman sa US na tutugon sa tulak ng ICC na imbestigasyon, pag-aresto at pagdetine ng mga taong posibleng sangkot sa mga krimen laban sa sangkatauhan, tulad nina Netanyahu na may arrest warrant para sa war crimes at paggamit ng kagutuman ng mga sibilyan.

Puwersahan na ginugutom ng Israel ang mga Palestino sa pamamagitan ng militarisadong pamamahagi ng rasyon, pambobomba sa mga mapagkukunan ng pagkain at pagharang sa mga humanitarian aid na makapasok sa Gaza.

Ayon sa UN Population Fund, nasa 390 na ang namatay dahil sa kawalan ng makakain at higit sa kalahating milyon na mga Palestino ang kasalukuyang biktima ng matinding kagutuman.

Upang buwagin ang ilegal na pagharang ng Israel, naglayag ang Global Sumud Flotilla na may 42 na mga barko patungong Gaza bitbit ang 500 na mga aktibista mula sa iba’t ibang bahagi ng mundo. Layunin sana nilang mabuwag ang 16 taon na pagkontrol at paharang ng militar ng Israel sa mga baybayin ng Gaza.

Maghahatid dapat sila ng pagkain, gamot at iba pang pangangailang pinagkakait ng Israel sa mga Palestino. Makasaysayan mang nakalapit sa baybayin ng 42.5 nautical miles ang barkong Marinette at napakalapit na 9 miles para sa barkong Mikeno, naharang at dinakip na ng puwersa ng Israel ang mga tanggol-karapatan at aktibista.

Kasama sa mga dinakip sina Greta Thunberg, Ada Colau na dating alkalde ng Barcelona, Spain, at Rima Hassan na miyembro ng European Parliament. Dahil pinipigilan ng Israel ang komunikasyon, wala pang balita kung ano ang kinahinatnan ng bitbit na mga relief goods ng flotilla.

Sa isang pahayag sa Al Jazeera, iginiit ni Stephen Cotton, general secretary ng International Transport Workers’ Federation na labag sa pandaigdigang batas ang ginawang pag-atake ng Israel sa flotilla habang ito’y nasa internasyonal na katubigan at nais lang maghatid ng tulong sa mga Palestino.

“Walang karapatan ang kahit anong estado na pumili kung kailan lang nila irerespeto ang pandaigdigang batas. Hindi dapat gawing lugar para sa digmaan ang karagatan,” sabi ni Cotton sa wikang Ingles.

Tulad ni Trump, madali ring nasabi ni Marcos Jr. na kailangan nang matigil ng karahasan sa Gaza.

Palipad-hangin, ayon sa mga tanggol-karapatan at mga grupo tulad ng PPFA, dahil malinaw pa rin sa daloy ng pondo at mga kasunduan kung nasaan ang suporta ng gobyerno ng Pilipinas. Noong 2024 lang, may $4.2 milyon na import ng mga armas mula Israel ang Pilipinas.

“May karapatan tayo magalit dahil Israel ang ikalawang pinakamalaking suplayer ng armas sa Pilipinas,” sabi sa Ingles ni Jovie Galit, founder ng Pinay Collection at migrante sa Canada mula Nueva Ecija. Binitawan niya itong linya sa isang Titas for Palestine fundraising sa Canada.

Ang karaniwang mga Pilipino sa iba’t ibang bahagi ng mundo, tuloy-tuloy ang pagtindig at pinansyal na suporta para sa mga Palestino, mula sa fundraiser tulad ng sa Titas for Palestine sa Canada, mga benefit concert sa iba’t ibang siyudad sa Pilipinas, at mga limbag na magasin at libro para sa kuwentong Palestino tulad ng Pagkat Tayo May ay May Sampaga na ilulunsad sa Okt. 9.

Sa panguguna ng Gantala Press, Pilipinas rin ang unang bansa sa Asya na binisita ng travelling exhibit na HeART of Gaza: Children’s Art from the Genocide na nasa Chapterhouse sa Madasalin Street, Quezon City mula Okt. 4 hanggang Nob. 5. 

Makikita roon ang “mga drawing ng mga batang Palestino tungkol sa mga bahay nila, mga mahal nila sa buhay, mga alalala at mga pangarap, galing sa mga workshop ni Mohammed Timraz sa Gaza.”