#KuwentongKabataan

Sa ilalim ng ilaw, pangarap ng paslit 


Sa edad na 16, nagawa kong abutin ang pangarap ng maraming kabataang babae—ang maging modelo.

Noong bata ako, nais ko nang maging artista at makita ang sarili sa telebisyon. Pagtuntong ko ng edad na 15, sumabak na ako sa kakaibang mundo ng pagiging isang modelo. Ang sabi sa akin noon, papagandahin ako at tuturuan paano maging modelo. 

Mahilig akong maglaro ng “panggap-panggap,” kunwari’y nasa harap ako ng kamera o naglalakad sa entablado. Kaya naman nang may pagkakataon akong sumabak sa mundo ng modelling, hindi na ako nagdalawang-isip. Isang pangarap ang natupad, ngunit hindi ko inaasahan na kasama nito ang mga pagsubok na hindi ko pa naranasan.

Natuwa ang aking ina sa oportunidad na iyon at pumayag siyang pumasok ako sa industriya. Hindi madali ang unang hakbang ko sa modelling. Dito ko unang natutuhan na may disiplina sa likod ng kagandahan.

Pinagsusuot kami ng 6-inch na takong, bawal ibaluktot ang binti habang naglalakad at may libro pa sa aming ulo para sanayin kaming maglakad nang diretso. Ang iba sa ami’y may delata pa sa ibabaw ng libro para masanay ang balanse, lalo na’t pabalik-balik ako dahil sa iba’t ibang istilo ng paglalakad gaya ng cat walk, pasarela at iba pa.

Sa gabi, uuwi akong pagod, punong-puno ng paltos ang mga paa at minsan pa nga’y may pasa sa tuhod kapag natutumba.

Dumating na ang inaasam-asam na araw na “fashion show recital.” Isang gabi na puno ng mga pailaw, mahahabang entablado at mga manonood. Lahat kami’y kinakabahan, ngunit higit sa lahat ay ako.

Takot ako na baka matapilok, madula  o kaya nama’y hindi maganda ang aking pag-pose sa dulo ng runway. Pero kahit kinakabahan ako, pinilit kong kontrolin ang kaba. At sa wakas, nairaos ko ang pagtatanghal nang maayos.

Naging sunod-sunod na ang aking mga oportunidad. May mga kumukuha sa akin para sa iba’t ibang runway shows at photoshoots. Naging abala ako sa mga fitting, rehearsal, at backstage preparation.

Pero sa kabila ng kinang ng mga magagarbong damit at nakabibighaning makeup, marami rin ang mga sakripisyo. Madalas kaming hindi nakakakain sa tamang oras at halos hindi na makagalaw sa sobrang sakit ng aming mga paa pagkatapos ng isang mahabang araw ng rehearsal at show.

Sa edad na 16, nagawa kong abutin ang pangarap ng maraming kabataang babae—ang maging modelo. Hindi man kalsada o bakuran ang aking naging palaruan, kundi ang entablado ng mga runway show, masaya akong naranasan ang isang buhay ng pagiging isang modelo.

Bagaman hindi ko naipagpatuloy ang karera sa modelling, napakarami kong natutuhan mula rito. Naranasan kong maging parte ng isang magarbong mundo at napatunayan kong kaya ko pa lang lampasan ang mga takot at pagsubok.

Sa ngayon, ibang landas ang tinatahak ko—isang landas na para sa pangarap ng aking pamilya. Ngunit nananatili pa rin sa akin ang pangarap na balang araw, maaari akong bumalik sa makulay na entablado.