Husgahan Natin

Saan ba dapat magsampa ng illegal dismissal ang matataas na opisyal ng kompanya?

Pagdating sa mga opisyal ng korporasyon, walang kapangyarihan ang mga Labor Arbiter na hawakan ang kanilang mga labor case laban sa kompanya.

Sa isang kasong dinesisyonan ng Korte Suprema noong Hunyo 6, 2018, nilinaw ng hukuman na ang tanggapan ng mga Labor Arbiter sa ilalim ng National Labor Relations Commission (NLRC) ay walang karapatang duminig o humatol sa kaso ng mga opisyal ng korporasyon laban sa kanilang pinagtatrabahuang kompanya.

Ang poder ng mga tanggapan ng Labor Arbiter ay duminig lang sa mga reklamo ng ordinaryong manggagawa o trabahador tungkol sa kanilang trabaho. Pagdating sa mga opisyal ng korporasyon, walang kapangyarihan ang mga Labor Arbiter na hawakan ang kanilang mga labor case laban sa kompanya.

Ito ang naging desisyon ng Korte Suprema sa kaso nina “Nicanor Malcaba, et. al. vs Prohealth Pharma Philippines, et al.” (G.R. No. 209085). Sa nasabing kaso, isang executive vice president si Nicanor ng kompanyang nagbebenta ng health foods at pharmaceutical products.

Naglilingkod na siya sa kompanya mula pa noong 1987. Bukod sa pagtatrabaho rito, kabilang din siya sa board of directors at may hawak siya na 1,000 shares ng kompanya. Naranasan din ni Nicanor tumayo bilang vice president for sales nito at naging president pa siya noong 2005.

Noong 2007, nagsimulang magkaroon ng problema si Nicanor laban kay Generoso del Castillo na noon’y tumatayong presidente ng kompanya. 

Sinabi ni Nicanor na pinahirapan siya ni Generoso sa kanyang trabaho. Humingi siya ng leave kay Generoso noong Oktubre 2007, ngunit pagbalik niya noong Nobyembre 2007, sinabihan siya ni Generoso na nag-resign na siya at pinatanggal na nito ang kanyang mga gamit sa kanyang opisina.

Iginiit naman ni Nicanor na hindi totoong nag-resign na siya. Dagdag ni Nicanor, binabaan ni Generoso ang kanyang sahod magmula noong Disyembre 2007 at marami pa raw benepisyong hindi natatanggap si Nicanor. Dahil sa mga nangyari, napilitang magbitiw sa kanyang trabaho si Nicanor simula Pebrero 2008.

Nagsampa ng kasong illegal dismissal si Nicanor sa tanggapan ng Labor Arbiter. Hiningi rin niya ang kanyang hindi bayad na sahod kasama na ang 13th month pay.

Sa desisyon ng Labor Arbiter, napatunayan nito na nagkasala ang kompanya ng constructive dismissal sa reklamo ni Nicanor. Sinabi ng Labor Arbiter na hindi itinatwa ng kompanya na pinahirapan ng presidente nito si Nicanor sa kanyang trabaho. Sinabi rin ng Labor Arbiter na walang katotohanan ang sinasabi ng kompanya na nag-resign na sa kanyang trabaho itong si Nicanor.

Dahil dito, inutos ng Labor Arbiter na bayaran ng kompanya ng backwages si Nicanor, kasama na ang kanyang 13th month at separation pay.

Nag-apela naman sa NLRC ang kompanya ngunit hindi nabago ang hatol. Napilitang iakyat ng kompanya ang kaso sa Court of Appeals. Pagdating naman sa Court of Appeals, sinabi ng korte na dahil corporate officer si Nicanor, walang karapatan ang Labor Arbiter na hawakan ang kanyang kaso. 

Ang reklamo ni Nicanor ay maituturing nating intra-corporate dispute o usapin sa pagitan ng korporasyon at mataas na pinuno nito. Sinabi ng Court of Appeals na walang karapatan ang Labor Arbiter na hawakan ang hidwaan sa pagitan nina Nicanor at ng Prohealth Pharma Philippines dahil sa isang regional trial court (RTC) dapat isinampa ang kaso at hindi sa tanggapan ng Labor Arbiter.

Dinismiss ng Court of Appeals ang kaso ni Nicanor dahil walang karapatan ang Labor Arbiter at NLRC na hawakan ang nasabing kaso. Gayunpaman, binanggit ng Court of Appeals na maaaring magsampa si Nicanor ng kaukulang kaso sa regular na korte.

Umakyat naman itong si Nicanor sa pinakamataas na hukuman, ang Korte Suprema. Sa Korte Suprema, nilinaw ng hukuman na ang hidwaan sa pagitan ng opisyal ng korporasyon at ng kompanya ay isang intra-corporate dispute at hindi isang labor dispute. Ang kaso ni Nicanor laban sa kompanya ay maituturing na intra-corporate dispute dahil si Nicanor ay corporate official. 

Kung kaya, sinabi rin ng Korte Suprema na RTC ang may karapatan para hawakan ang reklamo ni Nicanor, hindi ang tanggapan ng Labor Arbiter sa ilalim ng NLRC. Itinuturing na executive officer ang presidente, bise-presidente, sekretarya at ingat-yaman ng kompanya, at anumang reklamo nila laban sa kompanya ay dapat isampa sa ordinaryong korte at hindi sa Labor Arbiter.

Dahil dito, dinismiss ng Korte Suprema ang reklamo ni Nicanor. Pero posible pa siyang magsampa ng kaukulang reklamo sa RTC.

Sa bisa ng desisyong ito, mababawasan kaya ang mga labor case na hawak ng mga Labor Arbiter? Ano sa tingin ninyo, mga kasama?