Talasalitaan

Temporary restraining order


Isang pansamantalang utos ng korte para pigilan ang isang pagkilos o transaksiyon.

Sa kanilang sesyon nitong Okt. 29, naglabas ng TRO ang Supreme Court en banc para pigilan ang pagsasauli ng sobrang pondo ng Philhealth sa national treasury, pero halos P29.90 bilyon na lang ang natira na pondo.

Kabilang sa mga naghain ng petisyon para pigilin ang naturang fund transfer ng Philhealth sina Sen. Aquilino “Koko” Pimentel III, Philippine Medical Association, pati na ang 1Sambayan Coalition na pinangungunahan ni retired Associate Justice Antonio Carpio at maging si Bayan Muna Partylist chairperson Neri Colmenares.

Sinabi ni Supreme Court spokesperson Camille Ting na ang inilabas na TRO ay base sa tatlong petisyon na inihain ng 1Sambayan, Pimentel at Bayan Muna Partylist.

Ikinagalak naman ng militanteng grupong Bayan Muna ang pagpapalabas ng Korte Suprema ng TRO na inihain nila noong Set. 6 at binalaan ang Department of Finance (DOF) na huwag ilipat ang pondong pinigilan ng korte at ibalik ang P30 bilyon sa Philhealth kung talagang nailipat ito noong Okt. 16.

Sa petisyon nito para sa TRO, hindi lamang kinuwestiyon ng Bayan Muna ang paglilipat ng Philhealth funds kundi pati na rin ang mga proyekto kung saan maaaring gastusin ang mga pondong ito.

Kabilang ang mga nasa ilalim ng 2024 Unprogrammed Appropriations (UA) katulad ng Strengthening Assistance for Government Infrastructure and Social Programs (Sagip ngunit dating tinatawag na SIPSP noong 2023 General Appropriations Act) na P225.3 bilyon, paglalaan para sa pagpapanatili, pagkukumpuni at rehabilitasyon ng mga pasilidad ng imprastruktura na P3 bilyon, farm-to-market roads na P2.3 bilyon, pre-feasibility studies na P3 bilyon at P1.8 bilyon para sa land acquisition ng Office of the Vice President.

“Habang ginamit nilang alibi ang public health emergency benefits and allowances for health care workers para bigyang-katuwiran ang UA, laking gulat namin nang makitang P2 bilyon lang ang inilaan nila sa mga health care worker ngunit nagreserba ng mahigit P200 bilyon para sa kanilang mga paboritong proyekto. Iyon ay 1% lamang ng inilaan nila para sa mga makatas na proyektong [imprastruktura],” wika ni Colmenares.

Hinihingi nila ang masusing audit ng lahat ng mga paggasta na gumamit ng pondo ng Philhealth at ang accounting ng lahat ng iba pang pondong ginamit sa mga proyekto ng UA, dagdag niya.

Dahil hindi napigilan ng Korte Suprema ang PhilHealth na gamitin ang TRO’ed funds, hinihimok namin ang PhilHealth na gamitin agad ang mga ito para palawakin ang serbisyo nito sa kanilang mga benepisyaryo lalo na sa mga tinamaan ng bagyong Kristine at Leon, at saklawin ang napakaraming medical procedures at lab tests na hindi sa kasalukuyan sakop ng PhilHealth,” ayon kay Colmenares.

Sinabi pa ni Colmenares na nakamit ng sambayanang Pilipino ang tagumpay matapos maglabas ng TRO ang Korte Suprema na itigil ang paglilipat ng pondo ng PhilHealth sa national treasury.

Sa kabila ng desisyon ng korte, binigyang-diin pa rin ni Colmenares ang kahalagahan ng pagprotekta sa mga pampublikong pondo para sa serbisyong pangkalusugan mula sa muling paglalaan para sa ibang mga gamit. 

Ayon naman kay Bayan Muna Partyist vice chairperson Teddy Casiño na co-petitioner, “Mahalaga ang desisyong ito ay naaayon sa aming patuloy na pagsisikap na pangalagaan ang kapakanan ng milyon-milyong Pilipino na umaasa sa Philhealth para sa kanilang mga pangangailangan sa serbisyong pangkalusugan.”

Sumasalamin ang TRO sa paninindigan ng Bayan Muna na ang paglilipat ng mga mahahalagang mapagkukunan ng Philhealth sa hindi inilalaang pondo ay sumisira sa pangunahing layunin ng institusyon na magbigay ng sapat na saklaw ng kalusugan sa ating mga mamamayan, dagdag ni Casiño.

Hinikayat din ni Casiño ang lahat na “igalang ang TRO at tiyakin na ang mga pondo para sa pangkalahatang kalusugan ay hindi ginagalaw para sa ibang bagay. Nawa’y magsilbing paalala ito na ang kapakanan ng sambayanang Pilipino ang dapat laging mauna.”

Isang makabuluhang tagumpay ang paglalabas ng TRO ng Korte Suprema na ipinetisyon ng Bayan Muna at iba pang grupo. Hindi dapat tumigil lang sa isang TRO, kundi ang sama-samang pagkilos para makamit ang buong tagumpay ng mamamayang Pilipino.