Husgahan Natin

Usapin tungkol sa minimum wage

Nararapat na talaga na aprubahan ang minimum wage bill sa House of Representatives. Kahit papaano, magbibigay ito ng dagdag na purchasing power sa mahihirap nating mga kababayan at sapat na proteksiyon mula sa mga mapagsamantala. 

Kabilang sa mga mainit na isyung pinag-uusapan ngayon ay ang mungkahing dagdagan ang minimum wage ng mga manggagawa sa ating bansa.

Matatandaan na ang huling national minimum wage increase sa Pilipinas ay noon pang 1989. Nangyari ito sa ilalim ng Republic Act 6727 (Wage Rationalization Act) kung saan inutos ang pagdagdag ng P25 mula sa national minimum wage noon na P64 bawat araw.

Sa pamamagitan ng Wage Rationalization Act, binigyan din ng karapatan ang bawat Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) na itakda ang minimum wage ng mga manggagawa, sa lahat ng rehiyon sa ating bansa.

Kung titingnan natin ang Artikulo X, Seksiyon 3 ng ating kasalukuyang Saligang Batas, makikita natin na inuutos sa Estado na dapat pakialaman ang ugnayan ng mga manggagawa at mga kapitalista dahil sa pagkilala sa karapatan ng mga manggagawa sa bahagi nila sa bunga ng produksiyon at sa karapatan naman ng mga kapitalista sa makatwirang tubo bunga ng kanilang puhunan.

Ito ang dahilan kung bakit nakikialam ang ating pamahalaan sa relasyon ng manggagawa at kapitalista lalo na pagdating sa usapin ng tubo. Ginagarantiya ng ating Labor Code ang patas na kabayaran para sa mga manggagawa, para matiyak ang social justice o ang katarungang panlipunan sa ating bansa.

Sa pamamagitan rin ng RA 6727 inilagay ng Kongreso sa kamay ng mga Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB) sa ilalim ng superbisyon ng National Wages and Productivity Commission (NWPC) ang pagpasya kung magkano ba ang maging minimum wage sa bawat rehiyon.

Ang RTWPB ay binubuo ng Department of Labor and Employment Regional Director na tumatayo bilang chairperson nito. Ang Regional Directors ng Dept. of Trade and Industry at National Economic and Development Authority naman ang tumatayong vice chairpersons nito. Tumatayo naman bilang mga kasapi ng RTWPB ang dalawang miyembrong galing sa sektor ng mga manggagawa at kapitalista.

Simula noong 1990, 350 na wage orders na ang nagawa ng 17 RTWPB sa buong bansa. Sa iba’t ibang wage orders na ito, lumalabas na pinakamataas pa rin ang minimum wage sa National Capital Region (NCR) o Metro Manila. Ang minimum wage sa NCR ayon sa pinakahuling utos ng RTPWB dito ay P610. 00 na bawat araw. Pinakamababa pa rin naman ang minimum wage sa Bangsamoro Autonomous Region na itinalaga sa halagang P361 kada-araw. 

Ngunit marami ang nagtatanong sa sistemang ito. Mas mahirap bang magtrabaho sa Metro Manila kaysa sa ibang bahagi ng Pilipinas? Iba ba ang gawain ng isang manggagawa sa NCR kung ihambing natin sa gawain ng mga manggagawa sa labas ng Metro Manila? Ang isa pang tanong ay kung malayo ba ang presyo ng mga bilihin sa Metro Manila kung ihambing mo sa presyo ng mga bilihin sa labas nito?

Ang sagot sa tanong na ito ay parehas lang. Kung may pagkakaiba man, hindi ito masyadong malayo. Kung ganoon, bakit hindi natin magawan ng paraan para ang sahod ng isang manggagawa sa Metro Manila ay maging kapantay ng sahod sa labas ng NCR? 

Isa ito sa mga dahilan kung bakit inaprubahan ng Senado ang panukalang batas para sa pagtaas ng minimum na sahod sa pribadong sektor. Noong nakaraang Peb. 19, 2023 ay inaprubahan ng Senado ang Senate Bill No. 2534 na naglalayong magbigay ng national minimum wage sa lahat ng rank-and-file workers sa ating bansa. 

Ang panukalang batas na ito na pinamagatang “An Act Providing For A One Hundred Pesos Daily Minimum Wage For Employees And Workers In the Private Sector” ay inisponsor nina Senator Zubiri, Revilla, Legarda, Binay, Go at Estrada.

Ayon sa kanila, ang pagtataas sa minimum wage lamang ang paraan para maiangat ang mga manggagawang Pilipino sa bingit ng kahirapan. Kaya tinaasan ng panukalang batas na ito ang minimum wage ng P100 bawat araw.

Sa pagbibigay ng patas na sahod sa ordinaryong manggagawa, matitiyak nating matugunan nila ang pangunahin nilang pangangailangan, paliwanag ni Senador Loren Legarda. Sa madaling sabi, magbibigay ito ng katuparan sa buhay ng mga manggagawa at makapagpalakas din sa kanilang dignidad bilang tao.

Pumasa na sa Senado ang panukalang batas na ito. Sa 24 na senador, 20 ang bumuto ng pabor sa nasabing panukala. Ang nasabing apat na senador na hindi bumuto ay nagkataong wala noong panahon ng botohan. Kaya masasabi natin na wala ni isang senador ang kumalaban sa panukalang ito. 

Kasalukuyan nang tinatalakay sa Mababang Kapulungan ng Kongreso ang tungkol sa national minimum wage bill na ito.  Isa sa mga lumalabas na argumento ng mga tumututol sa mungkahing ito ay ang posibleng pagpasa ng kompanya sa mga konsyumer na maaring maging sanhi ng pagtaas ng presyo. Maaari ding mahirapan ang mga maliliit na kompanya at ma-obliga silang magbawas ng empleado o di kaya’y magsara na lamang. 

Kapag nangyari ito, mas lalong mahihirapan ang mga manggagawa. Kung kaya’ t mayroong lumalabas na panukala na kung maaari, gawin ang dagdag-sahod na ito sa installment basis o sa paunti-unting paraan lamang. Kahit anuman ang pamamaraan, hindi natin maipagkaila na kailangan talaga ng mga manggagawa ang dagdag na sahod.

Ayon sa isang pag-aaral ng World Bank sa Pilipinas na ginawa noong nakaraang taon, nasa 1% lamang ng ating populasyon ang kumokontrol sa 17% ng ating pambansang yaman, samantalang ang pinakamahirap na 50 % naman ang nabubuhay sa 14% ng ating national income.

Ganoon kalala ang hindi pagkakapantay-pantay dito sa ating bansa. Kaya, nararapat na talaga na aprubahan ang minimum wage bill sa House of Representatives. Kahit papaano, magbibigay ito ng dagdag na purchasing power sa mahihirap nating mga kababayan at sapat na proteksiyon mula sa mga mapagsamantala. 

Kung bubusisiin, makikita natin na hindi lang P100 ang unang hiningi ng mga grupo ng manggagawa sa Kongreso para sa minimum wage. P750 bawat araw ang matagal nang sinisigaw ng grupo ng mga progresibong lider-manggagawa. Ito ang naging laman ng House Bill 7568 na pinasok ng Makabayan bloc sa Kongreso.

Mas nakabatay sana sa kongkretong batayan ang House Bill na ito. Dangan nga lang at hindi ito naaprubahan at nanatiling nakabinbin sa kumite ng Mababang Kapulungan ng Kongreso mula pa noong Marso 15, 2023. 

Sa kasalukuyan, ang panukalang batas tungkol sa P100 kada araw na dagdag-sahod ang tinatalakay sa Mababang Kapulungan ng Kongreso. Tulad ng nasabi na natin, dumaan na sa Senado ang nasabing panukala at ito ay inaprubahan nang walang tutol ng mga butihin nating senador.

Ganoon din kaya ang mangyayari sa Mababang Kapulungan ng Kongreso? Sana nga, mga kasama. Sana nga!