Husgahan Natin

Benepisyo sa pagdating ng Pasko

Ayon sa batas, ang 13th month pay ay kailangang ibigay ng may-ari ng pagawaan, opisina o kompanya sa kanyang mga empleyado’t manggagawa tuwing Dis. 24 o sa mas maagang petsa.

Tuwing Pasko, hindi maiwasang lumaki ang gastusin ng bawat pamilya. Sa panig ng mga manggagawa, wala silang ibang mapagkunan nito kundi ang sahod nila. Alam ito ng mga kompanya, dahilan kung bakit nagbibigay sila ng Christmas bonus.

Ngunit may mga kompanyang hindi sana gustong magbigay ng Christmas bonus subalit napipilitan silang magbigay ng dagdag na sahod tuwing Pasko kahit pa inuutos ito ng batas. Ang tawag sa benepisyong ito ay 13th month pay.

Nagsimula ang 13th month pay noong 1975 dahil sa Presidential Decree No. 875 noong administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Sr.

Ayon sa batas, ang 13th month pay ay kailangang ibigay ng may-ari ng pagawaan, opisina o kompanya sa kanyang mga empleyado’t manggagawa tuwing Dis. 24 o sa mas maagang petsa.

Maaari rin niyang ibigay ang kalahati ng 13th month pay sa kalagitnaan ng taon at ihabol ang natitira bago mag-Pasko. Kung may unyon ng manggagawa sa kompanya, maaari din itong ibigay ayon sa kasunduan ng unyon at ng manedsment, basta maibigay ito bago ang Pasko.

Pero paano kung hindi naibigay sa tamang panahon ang 13th month pay? 

Kung mangyari ito, maaaring isumbong o kasuhan ang manedsment sa Department of Labor and Employment (DOLE) o sa National Labor Relations Commission (NLRC) at patawan ng multa. Maaari ding masuspinde o makansela ang kanyang business permit.

Ang dapat makatanggap ng 13th month pay ayon sa batas ay mga ordinaryong manggagawa lang na nakapagtrabaho nang isang buwan o labis pa sa kanilang pinapasukan.

Ibig sabihin, hindi makakatanggap nito ang mga managerial employee. Kailangan ding bayaran ng 13th month pay ang mga manggagawa na may pirming sweldo o sahod. Kasama rito ang mga manggagawang sumasahod base sa dami ng kanilang nagawa (per piece basis) pati na rin ang mga kasambahay sa ilalim ng Kasambahay Law.

Hindi naman rito kasama ang mga manggagawa sa opisina ng gobyerno at mga korporasyong pag-aari ng pamahalaan. Iyong mga tumatanggap naman ng komisyon o ‘di kaya ay sinasahuran batay sa boundary, katulad ng mga drayber ng jeep o tricycle, kung saan walang kontrol sa kanilang paggawa ang may-ari, ay hindi rin nakakakuha ng 13th month pay.

Ito’y dahil sa wala silang employer-employee relationship sa may-ari. Ngunit kung sakaling mapatunayang mayroon silang employer-employee relationship, obligadong magbigay ng 13th month pay ang kanilang pinagtatrabahuan. 

Lumalabas na pinakamaliit na halagang dapat matanggap ng bawat manggagawa ay katumbas ng sahod niya sa isang buwan. 

Kahit ang isang empleyado ay contractual, agency-based o hindi pa regular sa kanyang posisyon, dapat pa rin siyang bayaran ng 13th month pay.

Kung sakaling magbitiw ang manggagawa bago magkabigayan ng 13th month pay, obligado ang kanyang pinagtatrabahuan na bayaran siya nito kasabay nang pagbigay sa kanya ng kanyang final pay. Ayon sa DOLE, makukuha niya ito sa loob ng 30 araw mula sa kanyang pagbitiw.