Embutidong ‘di makakalimutan sa patapos na taon!


Maliban sa lechon baboy o manok, spaghetti at lumpiang shanghai, hindi rin nawawala ang embutido sa hapag tuwing Kapaskuhan.

Dahil papalapit ang Pasko at Bagong Taon, siguradong nag-iisip na naman tayo ng ihahanda sa pagsasalo-salo ng pamilya.

Mahilig man tayong maghain ng mga putahe na kilala na sa panlasa katulad ng lechon baboy o manok, spaghetti, lumpiang shanghai at chopsuey, maigi din na hindi mawala ang embutido at marami pang pagkaing Pinoy.

Maigi ring matandaan na bago ang pagsapit ng mga kasiyahan, mauunang gunitain ang International Human Rights Day. Sabi nga nila, ang tunay na kasiyahan at pag-ibig ay matatamasa lang kapag may hustisya. 

Sa darating na pagdiriwang para sa karapatang pantao, palalakasin ang panawagan para singilin ang mga mandarambong at suklian ng hustisya ang mga naging biktima ng mga paglabag sa karapatan, mula sa nakaraang mga rehimen hanggang sa kasalukuyan. Kasama dito ang panawagan na katarungan para sa mga pinatay na mga manggagawa, magsasaka, katutubo, tanggol-kalikasan at aktibista. 

Dahil maraming isyu ang kailangan lutasin at kailangan kumain para may panibago tayong lakas, bagay na bagay ang isang putahe na marami halong sangkap tulad ng embutido. Masaya itong gawin at tiyak na magugustuhan ng pamilya.

Narito ang mga sangkap at paraan ng pagluluto:

  • 2 lbs. giniling na baboy
  • 12 piraso Vienna sausage o 6 na hotdog, hatiin sa dalawa pahaba
  • 3 piraso nilagang itlog, hiniwa
  • 1/2 tasa sweet pickle relish
  • 1/2 tasa tomato sauce
  • 2 itlog
  • 2 tasa cheddar cheese, ginadgad
  • 1 tasa pulang bell pepper, tinadtad
  • 1 tasa berdeng bell pepper, tinadtad
  • 1 1/2 tasa pasas
  • 1 tasa karot, tinadtad
  • 1 tasa sibuyas, tinadtad
  • Asin at paminta ( pampalasa)
  • 1 hanggang 1 1/2 tasa bread crumbs 
  1. Ilagay ang giniling na baboy sa malaking lagayan.
  2. Idagdag ang breadcrumbs, pagkatapos ay basagin ang itlog at ihalo.
  3. Ilagay ang tinadtad na karot, pula at berdeng bell pepper, sibuyas, pickle relish at ginadgad na cheddar cheese. Haluin mabuti.
  4. Idagdag ang pasas, tomato sauce, asin at paminta, pagkatapos ay hauling mabuti.
  5. Ilagay ang pinaghalong sangkap sa aluminum foil patagin ito.
  6. Ilagay ang hiniwang vienna sausage at hiniwang nilagang itlog ng salitan sa gitna ng patag na karne.
  7. I-rolyo ang foil upang makabuo ng silindro, tiyakin na nakapaloob angb sausage art itlog sa gitna ng karne. Kapag natapos, i-lock ang mga dulo ng foil,
  8. Ilagay sa steamer at lutuin ng 1 oras.
  9. Pagnaluto ay hanguin na ito at hayaan muna lumamig hanggang makuha ang tamang lamig na temperatura.
  10. Pag nakuha ang tamang lamig ay pwede na itong hiwain at ihanda kasama ng iba pang putahe sa mesa.

Habang nagsasalo-salo, tandaan na ang pagkaing Pinoy ay simbolo rin ng pagkakabigkis ng sambayanang Pilipino. Kaya tama lang na sa bawat hakbang paabante, aagapay tayo sa isa’t isa.