Gulong ng buhay at pakikibaka ng riders
Nararapat na bigyang-pansin ang mga hamon na kinakaharap ng mga gig worker o freelancer na binabayaran batay sa natapos na gawain o kasunduang proyekto at walang pormal na ugnayan sa employer.
Sa bawat biyahe, hindi lang pagkain o parcel ang dala ng mga delivery at ride-hailing app rider, kundi ang kuwento ng kanilang pakikibaka.
Nakaasa ang mga rider sa tinatawag na gig economy, isang sistema ng paggawa kung saan karaniwan ang maikling kontrata o freelance na trabaho.
Patuloy na nagbabago ang sistemang ito kaya nararapat na bigyang-pansin ang mga hamon na kinakaharap ng mga gig worker o freelancer na binabayaran batay sa natapos na gawain o kasunduang proyekto at walang pormal na ugnayan sa employer.
Ito ang sinisikap unawain ng Fairwork, isang proyektong pinag-aaralan ang gig economy sa Pilipinas. Sa kanilang pinakabagong ulat, tinutukan nila ang mga hamon ng mga mangagawa ng ilang platform tulad ng Joyride, Move It at Angkas—mula sa kawalang katiyakan sa kita hanggang sa mahirap na kondisyon sa trabaho.
Ang tanong: Kailan magkakaroon ng tunay na patas na sistema para sa mga taong nagpupunla ng sipag at tiyaga sa lansangan?
Alanganing arawang kita at benepisyo
Ayon kay Neil Yeshua Salcedo, isang Foodpanda rider, halos P3,500 hanggang P4,000 lang ang kanyang kita kada linggo matapos ang apat na araw ng pagbiyahe.
Kadalasan, inaabot siya ng walo hanggang 11 oras na pagtatrabaho sa kalsada. Ibinabawas pa rito ang P180 na full tank ng gasolina at halos P1,000 para sa maintenance ng motor.
“Sa mga walang responsibilidad, sapat ito, pero para sa may mga pamilya, kulang,” ani Salcedo.
Kasalukuyan siyang nag-aaral ng nursing. Para sa kanya, hindi sapat ang arawang kinikita kung ang isang rider ay may binubuhay pang pamilya at tanging pagiging rider ang hanapbuhay na inaasahan sa mga gastusin.
Inilahad din ni Salcedo ang hirap sa pagkuha ng rider insurance. Marami umano ang hindi naaprubahan kahit pa kumpleto ng mga dokumento, kaya maraming rider ang bumibiyahe nang walang sapat na proteksiyon.
Kadalasan, sa oras ng aksidente, dahil sa mabagal proseso sa pagbibigay ng tulong pinansiyal, mga rider na rin ang sumasagot sa mga gastusing medikal at iba pang pinsala.
“Sa app, may tulong [ang Foodpanda] na nakalagay magfi-fill up ka, sa-submit mo documents mo, [tapos] may matatanggap ka para sagutin ‘yong [bills] kapag naaksidente ka,” paliwanag niya.
“Pero nasubukan ko magtanong-tanong din sa mga kapwa ko rider about sa rider insurance. Sabi nila marami [raw] nag-try pero pahirapan daw. Minsan kahit na-submit mo na ‘yong mga kailangan isubmit, ‘di ka pa rin ma-approve,” kuwento pa niya sa mula mga karanasan ng iba pang rider sa kanilang Facebook group.
Sa Davao City, bukod sa pang-araw-araw na gastos sa pagbiyahe, dagdag-pasakit pa ang ordinansang inoobligang kumuha ng business permit bago makapag-operate. Nagkakahalaga ng P1,720 hanggang P5,200 ang maaaring makaltas sa kanilang kita kada taon. Bagay na mariin nilang tinututulan at hinihiling na amiyendahan.
“Umaasa kami na ngayong taon ay sa wakas maamiyendahan na ang revenue code. Sa kasalukuyan, progresibo at aktibo ang mga pag-uusap sa komite patungo sa pagtanggal ng business permit para sa aming mga riders,” giit ni Eduardo Quijano, pangulo ng United Davao Delivery Riders Association (UDDRA).
Ayon kay Don Pangan, secretary general ng Kapatiran sa Dalawang Gulong (Kagulong), malaki naman talaga ang kita depende sa dami ng order o booking ngunit ang problema sa trabahong ito’y ang pabago-bagong sitwasyon—may mga araw na matumal, mayroon namang maraming booking.
Ngunit ang hamon ay kung magpapadaig ang mga rider sa matinding pagod at init gayong maghapon silang nabibilad sa lansangan. Kumbaga, hindi lang sipag at tiyaga ang puhunan, kundi pati na rin ang maayos at malakas na kalusugan upang maitaguyod ang pang-araw-araw nilang pakikipagsapalaran umaraw man o umulan.
Sa datos ng Fairwork, maraming rider ang hindi naaabot ang minimum wage pagkatapos bawasan ang mga pangunahing gastusin.
Bagaman hindi direktang tinukoy kung ang batayan ng minimum wage ay sa National Capital Region o iba pang rehiyon, maraming gig workers sa Pilipinas ang nahihirapang umabot kahit sa minimum wage standard sa bansa.
Umaasa lang ang mga rider sa dami ng biyahe ngunit hindi nito sinasagot ang isyu ng hindi pantay na kita.
Ayon pa kay Leonard Traya, isang Move It rider, mahalaga ang mas maayos na sistema ng kita na hindi na kailangang ibawas ang mga gastos sa gasolina at maintenance.
“Dapat may benepisyo tulad ng insurance o health benefits at magkaroon ng designated parking areas na ligtas,” sabi pa ni Traya.
Alipin ng sistema
Iginiit din ni Pangan na malaki ang pangangailangan para sa “komprehensibong benepisyo” bukod sa regularisasyon para sa mga rider.
“Karamihan sa kanila ay walang insurance o proteksiyon kahit na harapin nila ang panganib araw-araw,” sabi niya.
Bahagi ng programang comprehensive insurance ang mas malawak na inisyatiba upang magbigay ng mas maayos na safety nets para sa mga gig worker sa Pilipinas na karaniwang walang akses sa mga tradisyonal na benepisyo ng mga empleyado tulad ng healthcare, social security at retirement contributions.
Ngunit sa kasamaang-palad, bigo silang hikayatin ang suporta ng mga rider sa paglaban para sa regularisasyon at maayos na insurance system.
Bunga ito ng kakulangan sa kaalaman na maituturing silang mga empleyado ng kompanya na mayroong fixed rate magaan man o mabigat ang trabaho, imbes na independent contractor o freelancer na may posibilidad na hindi naaayon ang kikitain sa trabahong kailangang gawin.
Noong 2022, nagpetisyon ang mga delivery rider ng Lazada na sila’y ituring bilang mga empleyado at hindi bilang independent contractor upang makakuha ng mga benepisyo bilang manggagawa.
Bagaman pumirma sila sa mga Independent Contractor Agreements, binigyang-diin nila na ang kasundua’y hindi tumutugma sa aktuwal na kalagayan ng kanilang trabaho, kung saan sila’y binabayaran ng arawang sahod, pinapangasiwaan ang kanilang mga gawain at maaari silang tanggalin sa serbisyo.
Sa desisyon ng Korte Suprema, kinilala nito ang employer-employee relationship gamit ang “four-fold test” na para patunayan na empleyado ng isang kompanya ang manggagawa. Sa huli, idineklara ng korte na regular na empleyado sila ng Lazada na nagbigay-daan upang makinabang sila sa tamang benepisyo at proteksiyon.
Binanggit din ni Pangan na kahit alam ng ibang rider ang kahalagahan ng pagkakaroon ng benepisyo at proteksiyon bilang regular na empleyado, mas ninanais ng mga rider na hawak nila ang oras ng trabaho at hindi maitali sa iisang minimum wage dahil sa sobrang baba ng minimum wage sa bansa na itinakda ng mga Regional Tripartite Wages and Productivity Board (RTWPB).
Dagdag pa niya, madalas na nagdudulot ng mas malaking presyon sa hanapbuhay ng mga rider ang hindi pantay na kita na nakasalalay sa dami ng biyahe at kakulangan ng suporta sa platforms kagaya ng insurance, nagpapakita lang ng kawalang katiyakan sa kanilang trabaho at pagiging bulnerable laban sa mga pagbabago sa polisiya.
Hinggil dito, upang masagot at matulungang maunawaan ng mga rider ang tunay nilang kalagayan na kung saan pansin na pansin ang kakulangan sa maayos na batas paggawa, nakikipagtulungan ang Kagulong sa Fairwork Philippines sa pagbibigay ng impormasyon.
Ani Pangan, tinututukan ng kanilang grupo ngayon ang pagpapalago ng kaalaman ng mga rider sa usapin ng kanilang employment status para makita ang mas malawak na lente ng trabaho at sahod na nakabubuhay.
Kulang ang mga batas paggawa
Noong Nobyembre 2022, natagpuan ang bangkay ng isang delivery rider ng Lalamove, habang nakaupo sa kanyang motorsiklo sa Kapitolyo, Pasig City. Ayon sa mga ulat, hindi maganda ang pakiramdam ni Noel Escote noong araw ng insidente at pinaghihinalaang may Covid-19 siya.
Naging isang trahedyang nagbukas ng mata sa publiko sa mga panganib na hinaharap ng gig worker sa araw-araw. Nagbigay-diin ang insidenteng ito sa pangangailangan para sa mas maayos na proteksyon sa mga gig worker.
Patuloy ng mga konsultasyon at pakikipag-usap ng Gabriela Women’s Party sa iba’t ibang grupo ng mga rider para sa Magna Carta for Platform Workers upang magbigay ng malinaw na proteksiyon at karapatan para sa mga manggagawa sa online at gig economy at itaguyod ang seguridad sa trabaho, makatarungang sahod at karapatang mag-unyon.
Bahagi ito ng adbokasiya ng Gabriela Women’s Party para tugunan ang mga hamon ng makabagong uri ng paggawa, na madalas napapabayaan sa ilalim ng kasalukuyang mga labor policies?.
Sa Senado naman, inihain ni Sen. Risa Hontiveros ang Senate Bill 1373 o Protektadong Online Workers, Entrepreneurs, Riders at Raketera (Powerr) Act. Nilalayon nitong protektahan ang karapatan at kapakanan ng mga gig worker tulad ng mga delivery rider at freelancer.
Kabilang sa mga panukalang proteksiyon ang pagsali ng mga manggagawa sa mga social protection program. Hinahangad din nitong gawing responsable ang mga online platform para sa mga pinsalang natatamo ng mga manggagawa habang nagtatrabaho. Hanggang ngayon, nabinbin pa rin ang panukala.
Bukod dito, hindi rin umuusad ang Freelance Protection Act at Motorcycle-For-Hire Act nina Sen. Joel Villanueva at Sen. Grace Poe.
Samantala, nakahanap ng boses ang ilang rider sa pamamagitan ng mga organisasyon tulad ng Riders Sectoral Council of Sentro ng mga Nagkakaisa at Progresibong Manggagawa (Riders-Sentro). Patuloy silang nakikipag-usap sa mga kompanya at ahensiya ng gobyerno upang itaguyod ang karapatan ng mga manggagawa.
“Malayo pa ang mararating, pero bawat hakbang ay isang panalo,” saad ni Geoffrey Labudahon ng Riders-Sentro.
Mayroon pang mahigit tatlong taon ang administrasyong Marcos Jr. para pagtuunan ng pansin ang kapakanan ng mga rider na mahalagang bahagi ng ekonomiya, lalo na noong kasagsagan ng pandemya.
Kaya naman hangad ng mga grupo, tulad ng Kagulong at Riders-Sentro ang pakikiisa ng mga biyahero sa krusada ng pagtamasa ng ligtas at maayos na kabuhayan para sa lahat.