Kampanya para panagutin si Duterte, pinasinayaan
Nananawagan ang Duterte Panagutin Campaign Network for Justice and Accountability sa mamamayang Pilipino na suportahan ang panawagan na panagutin ang mga Duterte sa mga krimen nila sa mamamayan.
Inilunsad ang alyansa para palawakin pa ang panawagan na panagutin si Pangulong Rodrigo Duterte sa ng paglabag sa karapatang pantao nitong Nob. 25 sa Quezon City. Binuo ito ng mga tanggol-karapatan, taong simbahan at kaanak ng kanyang mga biktima.
“Isang mahalagang hakbang ang paglulunsad ngayong araw ng Duterte Panagutin Campaign Network [for Justice and Accountability] para panagutin si dating Pangulong Duterte sa kanyang mga krimen laban sa bayan, partikular ang malawakan at sistematikong patayan ng mga pinaghihinalaang gumagamit ng droga at mga tumutuligsa sa kanyang mga patakaran, paggamit ng mga mapanupil na batas at abuso sa kapangyarihan sa loob ng kanyang anim na taon sa poder,” ani Bagong Alyansang Makabayan (Bayan) chairperson Teddy Casiño.
Kabilang sa mga kasapi ng nasabing network sina dating Sen. Leila de Lima na nabilanggo sa mga pekeng paratang ni Duterte, Bayan, Hustisya, Karapatan, Rise Up for Rights and for Life, Human Rights and People Empowerment Center, National Union of Peoples Lawyers at iba pang grupong nagtatanggol sa karapatang pantao.
Ayon pa kay Casiño, hindi dapat palampasin ng taumbayan ang mga kasalanan ni Duterte dahil maaari ring makatakas sa pananagutan ang mga tulad niya, partikular ang kanyang anak na si Pangalawang Pangulong Sara Duterte dahil sa maanomalyang paggamit ng confidential and intelligence funds ng Office of the Vice President at Department of Education.
“Ipinakita sa mga nagdaang araw kung paanong nag-aasal pusit at entitles brat si Sara Duterte, at higit sa lahat, ang pagiging katulad ng kanyang ama,” ani Casiño.
Ayon sa human rights watchdog na Karapatan, walang dapat sisihin ang pangalawang pangulo kundi ang kanyang sarili dahil sa kanyang pag-iwas sa imbestigasyon kung paano niya winaldas ang pondo ng bayan.
“Hindi natin dapat kalimutan na ginagawa ni Sara Duterte ang lahat upang ilipat ang atensiyon ng publiko mula sa pagbusisi sa kuwestiyonableng paggamit ng confidential and intelligence funds,” wika ni Karapatan secretary general Cristina Palabay.
Nananawagan ang network sa mamamayang Pilipino na suportahan ang panawagan na panagutin ang mga Duterte sa mga krimen nila sa mamamayan at huwag palalampasin ang pagkakataon na singilin ang rehimen ni Ferdinand Marcos Jr. sa kawalang aksiyon sa mga abusado.