Kasunduan sa Paris, simula ng imperyalismong Amerikano
Noong Dis. 10, 1898, nagtapos ang Digmaang Espanyol-Ameikano sa pormal na paglalagda ng Kasunduan sa Paris.
![](https://pinoyweekly.org/wp-content/uploads/2024/12/paris-treaty-ratification-john-hay-photograph.jpeg)
Noong Dis. 10, 1898, nagtapos ang Digmaang Espanyol-Ameikano sa pormal na paglalagda ng Kasunduan sa Paris. Ito ang pagsasalin ng kapangyarihan at pamumuno sa mga kolonya tulad ng Cuba, Guam, Puerto Rico at Pilipinas mula sa mga Kastila patungo sa mga Amerikano.
Sa halagang $20 milyon, binili ng Amerika ang Pilipinas sa kamay ng mga Espanyol na sumakop sa bansa ng higit 333 taon.
Noong Abril 25, 1898, ilang buwan bago ang kasunduan, nagdeklara ng digmaan ang Estados Unidos laban sa Espanya bilang pagsuporta umano sa kalayaang inaasam ng Cuba mula sa mga Kastila at dahil sa pagpapasabog sa USS Maine sa Havana Harbor noong Peb. 15, 1898 na ikinasawi ng higit 260 kataong sakay ng barko.
Kabi-kabilang sagupaan ang naganap sa Digmaang Espanyol-Amerikano. Kabilang dito ang kunwa-kunwaring Labanan sa Look ng Maynila noong Mayo 1, 1898. Natuldukan agad ito noong Ago. 12, 1898 nang pumirma sa Protocol of Peace ang dalawang bansa kung saan nagkasundo sa pagtatapos ng labanan at pagkakaroon ng peace conference.
Noong Okt. 1 ng parehong taon, nagharap ang mga kinatawan ng Estados Unidos at Espanya sa Paris, France upang magkaroon ng resolusyon sa digmaan.
Hiningi ng mga Amerikano ang kalayaan ng Cuba at pagbabayad ng Espanya sa utang na $400 milyon sa pamamagitan ng pagsuko sa Puerto Rico at Guam sa Amerika. Gayundin ang paglilipat ng kontrol sa Pilipinas na inalmahan ng mga Espanyol na hiniling na manatili sa kanila ang Maynila, ngunit kalauna’y nakuha rin ng mga puwersang Amerikano.
Dahil sa pag-agaw ng bagong mananakop ang kalayaang ipinaglaban ng Rebolusyong Pilipino ng 1896 na pinamunuan ng Katipunan, sumiklab ang Digmaang Pilipino-Amerikano noong Peb. 4, 1899. Naging epektibo ang Kasunduan sa Paris noong Abril 11, 1899.