Mary Jane Veloso, nakauwi na pero nakakulong pa rin


Nasa kamay na ng gobyerno ni Ferdinand Marcos Jr. ang pagpapasya kung pananatilihing nakapiit si Veloso. Giit ng Migrante International, huwag ipagkait ang clemency o pagsasawalang bisa ng mga kaso laban kay Veloso.

Matapos ang mahigit 14 taon ng pagkakakulong sa Indonesia, nakauwi na sa wakas si Mary Jane Veloso, 39, ang overseas Filipino worker (OFW) na humaharap sa kamatayan dahil sa kasong drug trafficking.

Noong nakaraang buwan, nagdesisyon ang gobyerno ng Indonesia na ilipat na si Veloso sa kustodiya ng Pilipinas. At kaninang madaling araw, lumapag na siya sa Maynila, bagaman hindi pinayagan ng mga awtoridad na salubungin siya ng kanyang pamilya.

“Kahit yakap lang,” pakiusap ni Celia Veloso, ina ni Mary Jane. “Miss na miss ko nang mayakap at mahalikan ang bunso,” hayag ng amang si Ceasar Veloso.

Sa Correctional Institute of Women (CIW) agad dinala ng mga tauhan ng Bureau of Corrections (BuCor) si Veloso matapos lumapag ang eroplano. Dito pinayagan ang ilang minutong pagsasama ng pamilya.

Itinuturing itong tagumpay ng Migrante International, matapos ang patuloy na pangangampanya ng grupo na makauwi at mapalaya si Veloso. Para sa Migrante at sa marami pang ibang sumusuporta, hindi kriminal kundi biktima si Veloso ng mga sindikato.

Noong 2015 pa sinampahan ng Department of Justice sina Maria Kristina Sergio at Julius Lacanilao ng illegal recruitment dahil sa papel nila sa iba’t ibang kaso ng human trafficking, kabilang ang kaso ni Veloso. 

Kaya para kay Josie Pingkihan ng Save Mary Jane Task Force, wala ng dahilan para muling ikulong ang OFW na mula’t sapul ay ‘di dapat nagdusa sa anumang selda.

Nasa kamay na ng gobyerno ni Ferdinand Marcos Jr. ang pagpapasya kung pananatilihing nakapiit si Veloso. Giit ni Pingkihan, huwag ipagkait ang clemency o pagsasawalang bisa ng mga kaso laban kay Veloso.

“Ngayon na nakabalik na si Mary Jane sa bansang kinalakihan niya, hinahamon namin si Marcos Jr. na wakasan ang kanyang pagdurusa at pagkakapiit sa pagbibigay ng full and absolute clemency. Hindi siya maaaring manahimik at ‘di pansinin ang lokal at pandaigdigang suporta para sa hustisya kay Mary Jane at lahat ng biktima ng human trafficking,” ani Pingkian.

Samantala, muling nagpasalamat ang pamilya ni Veloso sa mamamayang nananawagan para sa hustisya at paglaya sa kanilang kaanak. Mula pa noong malawakang pagkilos noong 2015 para hindi matuloy ang pagbitay sa OFW, patuloy na pangangampanya, hanggang sa pagsalubong ng daan-daang demonstrador sa araw ng kanyang paguwi.

“Dahil sa maraming mga tao at organisasyong sumusuporta sa amin sa loob at labas ng bansa, hindi lamang natin naisalba si Mary Jane sa pagbitay. Sa wakas, makakapiling namin si Mary Jane dito sa Pilipinas dahil sa tulong niyong lahat,” ani Celia Veloso.

Matapos muling magpakulong, walang sagot ang administrasyong Marcos Jr. sa panawagan ng clemency.

Sa isang pahayag sinabi lang ng Tanggapan ng Pangulo na, “We assure the Filipino people that Ms. Veloso’s safety and welfare is paramount and our agencies in the justice and law enforcement sector shall continue to ensure it, as our Indonesian counterparts have safeguarded it for so long.”

Kamakailan pa inaangkin ng pangulo ang umano’y tagumpay ng diplomasya nila sa pagpapauwi kay Veloso. Pero matatandaang sa dalawang pag-uusap ni Marcos Jr. sa kay dating pangulo ng Indonesia na si Joko Widodo, tumanggi siyang buksan ang usaping ito.

Sinabi ni Migrante International chairperson Joanna Concepcion na “kung seryoso si Marcos Jr. sa paggawad ng clemency, dapat gumawa ng hakbang ang administrasyon para kilalanin siya bilang biktima at hindi kriminal.”