Pamilya ni Mary Jane Veloso, nagpetisyon para sa habeas corpus


Bagaman nakaligtas si Mary Jane Veloso sa hatol na kamatayan at nagtiis ng 15 taong pagkabilanggo sa Indonesia, nananatili siyang nakakulong sa Pilipinas at nasa kustodiya ng gobyerno.

Naghain ang mga magulang ni Mary Jane Veloso, isang dating overseas Filipino worker at biktima ng human trafficking, ng petisyon para sa writ of habeas corpus sa Korte Suprema nitong Nob. 14 upang palayain ang kanilang anak.

Bagaman nakaligtas si Veloso sa hatol na kamatayan at nagtiis ng 15 taong pagkabilanggo sa Indonesia, nananatili siyang nakakulong sa Pilipinas at nasa kustodiya ng gobyerno.

Ayon sa pahayag ng National Union of People’s Lawyer (NUPL), walang anumang kasong kriminal, hatol o utos mula sa kahit anong korte sa Pilipinas, at batay lang sa isang “praktikal na kasunduan” sa pagitan ng Pilipinas at Indonesia ang pagkakakulong ni Veloso.

Dagdag pa nila, walang batas ang nagpapahintulot sa gobyerno na ipatupad ang hatol ng ibang bansa lalo na’t walang umiiral na kasunduan o batas sa paglipat ng mga bilanggong nahatulan.

Ipinunto rin ng NUPL na kinikilalang biktima si Veloso, at ayon sa Palermo Protocol at Anti-Trafficking in Persons Act, hindi dapat siya parusahan para sa mga krimeng kaugnay ng human trafficking.

Layon ng petisyon na igiit ang karapatan ni Veloso na makalaya at sumailalim sa due process gaya ng isinasaad ng Konstitusyon.Nais nilang bigyang linaw ng gobyerno kung ano ba ang legal na batayan nila para sa kanyang patuloy na pagkabilanggo.