‘Ano pa bang hinihintay mo, Mr. President?’
Nakabalik sa Pilipinas si Mary Jane Veloso noong nakaraang Disyembre matapos mapiit nang higit 14 taon sa Indonesia, hiling ngayon na bigyan siya ng absolute pardon ng pangulo.

Kakalipas lang ng kaarawan ni Mary Jane Veloso nitong Ene. 10, 40 taong gulang na siya. Nakapagdiwang man siya sa lupang tinubuan, nasa loob pa rin siya ng kulungan.
Halos isang buwan na mula nang makabalik ang kababayan nating nasa death row sa Indonesia. Tulak ng matagalang pangangampanya para sa kanyang kaligtasan at pagpapalaya, ipinasa na ng gobyerno ng Indonesia nang buong-buo sa Pilipinas ang awtoridad para magpasya sa kaso niyang drug trafficking.
“Masasabi ba nating may puso si [Ferdinand] Marcos Jr. kung hinahayaan niya si Mary Jane, isang trafficking victim, na magdusa sa loob ng selda sa kanyang kaarawan?” tanong ni Joanna Concepcion, tagapangulo ng Migrante International.
Kung noong nakaraan, panawagan ng pamilya, mga tagasuporta at mga abogado ni Veloso ang executive clemency para sa nakakulong na overseas Filipino worker (OFW). Ngayon, dapat daw bigyan siya ng absolute pardon ni Marcos Jr.
Sa isang panayam sa Pinoy Weekly, ipinaliwanag ng isa sa mga abogado ni Veloso na si Josa Deinla ng National Union of People’s Lawyers (NUPL) ang pagkakaiba ng dalawang konsepto.
Magkaiba ang saklaw ng executive clemency sa absolute pardon. Ang nauna’y pangkalahatang termino para sa pagpapagaan ng iba’t ibang parusa. Pero ang absolute pardon nama’y partikular na iginagawad ng pangulo para ganap na patawarin at burahin ang lahat na legal na epekto ng isang hatol. Wala rin itong kondisyon.
Kasabay ni Veloso, pinauwi rin ng gobyerno ng Indonesia ang siyam na Australian national, tinaguriang “Bali Nine”, na hinatulan ng habambuhay na pagkabilanggo. Pero kaiba kay Veloso, pagkauwi ng siyam, pinalaya agad silang lahat. Tanong ng NUPL, bakit hindi rin ito puwedeng gawin ng Pilipinas?
“Sa totoo lang, hindi namin mawari kung bakit hindi pa rin ipinagkakaloob ni Pangulong Marcos Jr. ang absolute pardon para kay Mary Jane. Ang kaso ni Mary Jane ay simbolo ng matinding kawalang katarungan dahil isa siyang biktima ng human trafficking,” ani Deinla.
Kung kaya sa ngayon, nakatutok ang NUPL sa pagpapabilis ng proseso ng korte para makuha na sa wakas ang testimonya ng kanilang kliyente.
Matapos ang mahigit 14 taon ng pagkakapiit, hindi pa rin nakukuha ang testimonya ni Veloso gayong siya ang pangunahing witness sa mga pangyayari. Noon, may komplikasyon pa sa pagkuha ng testimonya dahil hindi makapagdesisyon ang dalawang bansa kung paano isasagawa ang proseso.
Pero ngayon, sabi ni Deinla, “Wala kaming nakikitang hadlang sa pagtestigo ni Mary Jane sa Regional Trial Court ng Sto. Domingo, Nueva Ecija.”
Dahil nananatili si Veloso sa Correctional Institute for Women sa Mandaluyong City, nasa hurisdiksyon siya ng Bureau of Corrections at maaari namang sa pamamagitan ng video call ang pagdalo ng mga preso sa hearing nila.
Kuwento ni Deinla, “May pending request for clarification ang court ukol dito sa Bureau of Corrections.”
Nilinaw din noong nakaraang Disyembre ni Yusril Ihza Mahendra, Minister for Law, Human Rights, Immigration and Corrections ng Indonesia, na maraming mga bilanggo na foreigner sa Indonesia ang pinauwi.
Dahil sa pinirmahang “practical agreement” kasama ang Pilipinas, saklaw na si Veloso ng lahat ng remedyo at proteksiyon ng Saligang Batas ng Pilipinas at wala nang kamay ang Indonesia dito.