Si Flor Contemplacion sa gunita
Sa pag-alala kay Flor Contemplacion, nababalikan natin ang kasaysayan ng pagdurusa ng mga migrante at ang pakitang-taong tugon ng gobyerno sa mga problema.
Tuwing Marso 17, ginugunita ang anibersaryo ng pagbitay kay Flor Contemplacion, domestic worker sa Singapore na naging simbolo ng sakripisyo at dusa ng mga migranteng Pilipino.
Hinatulan si Flor sa pagpatay ng kapwa Pilipina at inaalagaan nitong tatlong taong gulang na bata sa kabila ng napakaraming iregularidad sa kanyang paglilitis. Inilantad ng pagbitay sa kanya ang inhustisyang dinaranas ng mga migrante sa bansang kanilang pinagtrabahuhan at kawalang-silbi ng gobyerno.
Para hindi na maulit ang sinapit ni Flor at sagutin ang malawak na protesta ng mamamayan, may mga repormang ipinatupad ang gobyerno. Noong 1995, ipinasa ang Migrant Workers and Overseas Filipinos Act. Ngunit dalawampu’t siyam na taon pagkalipas, ang kalagayang kumitil sa buhay ni Flor ay bumibiktima pa rin sa ating mga kababayan.
Ayon sa Department of Foreign Affairs, mayroong 83 Pilipinong sa death row sa ibayong dagat. Isa rito si Mary Jane Veloso na hinatulan ng kamatayan sa kasong drug trafficking sa Indonesia. Walang sapat na serbisyong legal mula sa gobyerno. Kung hindi dahil sa malakas na pandaigdigang protesta noong 2015, hindi matutulak ang Indonesia at Pilipinas na ihinto ang pagbitay. Ngunit hanggang ngayon, nananatiling nasa death row si Mary Jane.
Nagpapatuloy na pagdurusa
Danas din ng mga migrante ngayon ang sinapit nina Flor at Mary Jane. Sa kasalukuyan, sa kabila ng pagkakatatag ng Department of Migrant Workers (DMW), araw-araw na naiuulat ang pangangailangan sa pagpapauwi sa maraming overseas Filipino worker (OFW) dahil sa mga sakuna, gera at krisis.
Libo-libo ang hindi binabayaran ng makatarungang sahod habang inaabuso. Hindi maubos ang ulat ng pang-aabuso sa ating domestic workers lalo na sa Middle East. Samantala, mabagal, hindi epektibo at nasasamantala pa ng mga illegal recruiter at trafficker ang sistema ng hustisya.
Gayunpaman, 6,800 Pilipino pa rin ang umaalis kada araw. Paparami ito kada taon at nagpatuloy kahit pa noong panahon ng pandemya. Itinutulak sila ng panlipunang kalagayan para mangibang-bansa: walang sapat at nakabubuhay na trabaho na magtatawid sa gutom ng kanilang pamilya.
Dahil sa ganitong desperasyon, sadlak sila sa kaayusang sumisiil sa kanilang mga karapatan. Hindi tumutulong at sinasamantala pa ito ng Labor Export Program (LEP) ng bansa na nagtuturing sa kanilang lakas-paggawa bilang kalakal na may katumbas na lubusang pakinabang sa gobyerno at sa bansang pagtatrabahuhan.
Liban sa OFW remittances na bumubuhay sa ating ekonomiya, likas ang paghuthot ng LEP sa bawat migranteng aalis sa pamamagitan ng papalaking mga sapilitang singilin.
Sa loob at labas ng lugar paggawa, hindi patas ang trato sa mga OFW. Mismong rehimeng US-Marcos Jr. ang naglalagay sa kanila sa higit pang panganib.
Todo-todo ang paglalabas ng administrasyon ng umano’y magandang kalagayan sa Pilipinas, pero pinagtatakpan ang reyalidad ng krisis sa bansa. Nais niyang tiyakin ang mahabang pila ng mga Pilipinong naghahanap ng kabuhayan sa abroad at tatanggap ng mas mababang sahod.
Ito ang dahilan kung bakit ipinako nito sa $400 ang minimum na sahod ng maraming tipo ng OFW at ang mga Pilipinong seafarer ang isa sa mga pinakabinabarat na manggagawa sa daigdig.
Kailangang may gawin ang mga migrante at kanilang pamilya para baguhin ang ganitong kalagayan. Hindi man ganap, ipinakita pa rin ng kampanya para sa hustisya kay Flor at pagliligtas sa buhay ni Mary Jane na naitutulak ang gobyerno na kumilos para sa pagkakamit ng mga makatarungang kahilingan ng bawat migrante. Sa ganitong laban, napagtitibay ng mga migrante ang kanilang mga karapatan at nailalantad ang kabuktutan ng LEP.
Proteksiyon at trabaho
Tama lamang na hilingin ng mga migrante ang libre at komprehensibong programa ng proteksyon at serbisyo mula sa gobyerno. Dapat matamasa nila ang mabilis na repatriation, pagtanggap ng claims at pagpapanagot sa mga nang-abuso.
Sa ambag ng mga migrante sa ekonomiya, lalong nararapat na makatanggap sila ng libreng serbisyong medikal, pensiyon at iba pang panlipunang proteksiyon.
Makatarungang ipanawagan ang pagtanggap ng makataong sahod ng mga migranteng manggagawa anuman ang kanilang katayuan. Napapanahong kuwestiyonin ang barat na minimum na pasahod na itinatakda ng DMW at ng Rehimen sa bawat OFW.
Dapat tugunan ang kahilingang $800 buwanang sahod ng domestic workers sa Middle East at pagtalima sa itinakdang minimum rate ng International Labor Organization (ILO) ang pasahod sa mga seafarers.
Dapat tiyakin na ang United Conventions on the Rights of All Migrant Workers (CMW) at iba’t ibang instrumento ng ILO sa mga manggagawa ay naipapatupad ng gobyerno at kinikilala ng mga bansa kung saan sila nagtatrabaho.
Marapat na ipaglaban ng mga migrante na itigil ang lahat ng porma ng modernong pang-aalipin, ipatupad ang ligtas na lugar paggawa, at karapatang mag-organisa o sumapi sa mga unyon.
Sa pag-alala kay Flor Contemplacion, nababalikan natin ang kasaysayan ng pagdurusa ng mga migrante at ang pakitang-taong tugon ng gobyerno sa mga problema.
Ngunit sa paggunita rin kay Flor at lahat ng migranteng katulad niya, tuloy-tuloy sanang mag-alab ang naising lubos na kilalanin ang karapatang pantao ng mga migrante, itigil ang sistemang umaapi sa kanila at bunutin ang panlipunang ugat ng kanilang sapilitang paglisan.
May magagawa ang mga migrante para rito. Kailangan lamang na tuloy-tuloy na mamulat sa problema at aralin ang solusyon dito, palakasin ang kanilang kolektibong lakas sa pamamagitan ng pag-oorganisa at kumilos sa anumang larangan kasama ang manggagawa at inaaping mamamayan.