Main Story Migrante

Trahedya ni Flor Contemplacion, 20 taon makalipas


Dalawampung taon ang nakalipas nang namatay at iniuwi si Flor Contemplacion, ano na ba ang lagay ng mga manggagaang Pilipino na lumalabas ng bansa?

Funeral march para kay Flor Contemplacion, 20 na ang nakararaan. Inihalintulad ito ng ilang tagasubaybay sa funeral march para kay Benigno Aquino Jr. Photo courtesy of <b>Boy Bagwis</b>
Funeral march para kay Flor Contemplacion, 20 na ang nakararaan. Inihalintulad ito ng ilang tagasubaybay sa funeral march para kay Benigno Aquino Jr. Photo courtesy of Boy Bagwis

Naalala ni Leandro “Doods” Gerodias ang mga pangyayari sa burol ni Flor Contemplacion 20 taon na ang nakalilipas.

Kasama siya sa motorcade papuntang San Pablo, Laguna kung saan nakatira ang kaanak ni Flor. Mahigit 40 dyip ang sumama. May ilan pang pribadong sasakyan at bus ang sumunod mula Maynila para makita ang huling lamay para sa nasawing overseas Filipino worker (OFW).

“Pagdating namin doon, punung-puno na ‘yung kalsada, mula sa bayan ng San Pablo papasok sa bayan ni Flor. Malayo pa, mga pitong kilometro pa yata iyon (pila ng mga sasakyan),” ani Doods.

Limang buwan nang buntis ang misis ni Doods noon, na kasama niya sa motorcade. Naghanap siya ng paborableng matutulugan sa lugar na nag-uumapaw ang tao. May kapilya na nagbukas ng pinto. Nakita kasi ng tagapangalaga nito na may natutulog na sa labas. Nakita niya ang kalagayan ng asawa ni Doods. Doon na natulog ang iba pa nilang kasamahan.

Overwhelmed ‘yung community doon,” alala ni Doods, na ngayo’y pangalawang pangkalahatang kalihim ng Kilusang Mayo Uno. “Naglalabas sila ng tubig, nag-invite na magkape. May niluluto silang kape sa bahay, para sa ganoong paraan naka-katulong sila kay Flor.”

Maliit na bagay, pero malaking tulong na rin ito sa lahat ng mga nakidalamhati sa isang namatay sa labas ng bansa upang kumita.

Kuwentong malungkot, nakakagalit

Masalimuot ang naging buhay ni Flor.

Noong May 4, 1991, natagpuang patay sa sakal si Delia Maga, isa pang OFW, kasama si Nicholas Huang, ang apat na taong gulang na bata na inaalagaan nito. Walang suspek ang pulisya ng Singapore, pero nakita nila ang pangalan ni Flor sa talaarawan ni Maga. Umamin (o napuwersang umamin) sa pagpatay si Flor sa interogasyon, at tinanggap ng Philippine Embassy na kapani-paniwala ang salaysay niya.

Pero walang siyentipikong ebidensiya na inihapag ang prosekusyon o depensa sa trial. Bago pa man ang hatol, personal nang umapela ang noo’y Pang. Fidel Ramos sa gobyerno ng Singapore na itigil ang pagbitay. Natuloy ang bitay kay Flor noong Marso 17, 1995. Bumulwak ang mga Pilipino sa kalsada para magprotesta.

Gaano nga ba kahalaga ngayon ang kuwento ni Flor Contemplacion para sa mga Pilipino?

Para sa Migrante International, marami pang trahedyang naganap matapos ang malungkot at nakakagalit na kahinatnan ng kaso ni Flor. Ito’y dahil nagpapatuloy pa rin ang mga polisiya ng gobyerno na nagtutulak sa mga Pilipino na mangibang-bayan.

Pareho pa rin ang kalagayan ng ekonomiya sa bansa—ang kawalan ng trabaho at kakulangan ng nakabubuhay na sahod.

Flor Contemplacion
Flor Contemplacion

Kuwento ni Flor ngayon

Nagaganap pa rin ngayon ang kuwento ni Flor Contemplacion–ang kuwento ng Pilipina na natulak na mangibang-bayan dahil sa kahirapan.

Ganito ang kuwento ni Tarhata Lumpingan. Taga-Cotabato. Naipit siya sa giyera sa Kuwait noong dekada ’90. Pero wala siyang masyadong mapagpilian kundi umalis ng Pilipinas. “Labing-apat na Pilipina kaming iniwan ng mga amo namin. Sa Kuwait kasi, may pinagtaguan ng kababaihang OFW. Doon lang kami,” ani Tarhata.

May ibang Pilipino raw na pinagsamantalahan sa mgaa pinagtaguan nila. “Apat na buwan pa lang ako noon. Hindi pa sapat iyung kinuha ng ahensiya sa akin. Wala pa ako ganong sahod doon,” sabi pa ni Tarhata.

Samantala, halos apat na taong OFW si Purita Manlangit sa Saudi Arabia. “Nakarating ako ng Saudi noong 2009. Naging undocumented worker ako. Nakauwi ako noong 2012 sa tulong ng Migrante. Naging trabaho ko doon ay household worker o domestic helper,” aniya.

Inakala umano ni Tarhata na sagot sa kahirapan ang paglabas ng bansa, dahil kulang ang kinikita ng kanyang asawa. Umaasa sa minimum na sahod sa isang pabrika ang asawa niya.

“Bago pa lang ako lumabas ng NAIA (Ninoy Aquino International Airport), sa mismong araw ng pag-alis ko, saka lang ibinigay sa akin ang kontrata. Nagtaka ngayon ako bakit iba na ‘yung nakalagay sa kontrata ko. Bakit ang inaplayan kong trabaho ay babysitter, ang nakalagay sa position ko ay food keeper?” kuwento pa ni Purita. Magkaiba ang aktuwal na sahod niya sa unang sinabi sa kanya.

Ilan lamang sila sa napakaraming naghihirap na mga Pilipino sa ibang bansa. Pero iisa ang kanilang nakita: kapabayaan, kundi man kawalan ng pagkalinga, ng sariling gobyerno.

Parehong sitwasyon

Wala pa ring pagbabago, sabi ni Doods, mula noon hanggang ngayon. Pinatotohanan ito ng iba pang OFW na nagkukuwento ng kanilang karanasan.

“Bago pa lang umalis, di pa tiyak kung makakalis sila o hindi, hinoholdap na sila ng gobyerno sa mga singilin: sa PhilHealth, pasaporte, NBI Clearance, Police Clearance, at iba pang bayarin. Lugmok na kaagad ang mga OFW,” aniya.

Sinabi pa ni Doods na tila mabibilang lang sa daliri ang nagtatagumpay na mga OFW sa ibayong dagat. Aniya, malaking porsiyento na umaalis ay talagang bigo. “Pagbalik dito, naubos iyong konting naipon dahil wala na rin makitang hanapbuhay, wala na, gutom na naman sila.”

Kaisa siya sa mga grupong nagmamasid sa kalagayan ng mga Pilipinong migrante tulad ng Migrante International, isinaad ni Doods ang kanilang mga panawagan at pamamaraan para matigil, mabawasan o tuluyang matigil iyong paglabas ng mga manggagawang Pilipino sa ibayong dagat para maghanap ng kabuhayan.

Mangyayari lang ito, aniya, kung mapapatupad nga ang pambansang industriyalisasyon at tunay na repormang agraryo sa bansa.