Mary Jane Veloso, makakauwi na!
Makalipas ang 14 taon, makakapiling na ni Mary Jane Veloso ang mga anak at magulang sa Nueva Ecija, kung tutugunan ni Ferdinand Marcos Jr. ang panawagang gawaran ng clemency ang migranteng Pinay.
Makakauwi na ng Pilipinas si Mary Jane Veloso matapos ang 14 taon na pagkakakulong sa Indonesia. Panawagan ngayon ng kanyang pamilya at mga tagasuporta, bigyan siya ng clemency ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. para ganap nang makalaya.
Inaprubahan na ni Indonesian President Prabowo Subianto ang paglilipat kay Veloso sa kulungan sa Pilipinas, ayon kay Yusril Ihza Mahendra, Coordinating Minister for Law, Human Rights, Immigration and Correctional Institution ng Indonesia.
“Inaasahang maipatupad ang repatriation ni Mary Jane Veloso ngayong Disyembre 2024,” aniya.
Nagpasalamat si Veloso sa lahat ng kumilos para makauwi siya ng Pilipinas sa pamamagitan ng mensaheng binasa ng kanyang warden sa kulungan.
“Masayang masaya akong marinig na may nagbukas na pagkakataon para sa pag-asang makauwi ako at makasama ang aking pamilya,” aniya.
Nagpasalamat din ang National Union of Peoples’ Lawyers (NUPL) sa hakbang ng gobyerno ng Indonesia. Kinilala rin nito ang inisyatiba ng gobyerno ng Pilipinas para mapauwi si Veloso.
“Kami, bilang pribadong abogado ni Mary Jane at ng kanyang pamilya na matatag na tumindig sa tabi niya mula nang malamang bibitayin siya noong Abril 2015, ay nagagalak na makakauwi na siya sa wakas,” sabi ng abogado ni Veloso na si NUPL chairperson Edre Olalia.
Pero paglilinaw ni Yusril, matutuloy lang ang paglipat kung tutuparin ng gobyerno ng Pilipinas ang ilang kondisyon, kabilang ang pagrespeto sa hatol ng korte ng Indonesia, at pagkumpleto ni Veloso sa kanyang sentensiya sa kulungan sa Pilipinas.
“Pagbalik sa kanyang bansa at pagkatapos ng sentensiya niya doon, malilipat na sa Pilipinas ang awtoridad sa pangangalaga [kay Veloso],” aniya.
Lumipad pa-Indonesia si Veloso noong Abril 2010 para mamamasukan bilang domestic helper. Paglapag sa airport, inaresto siya dahil sa nakitang 2.6 kg ng heroin sa bagaheng pinabitbit ng kanyang rekruter. Hinatulan siya ng kamatayan sa kasong drug trafficking noong Oktubre 2010.
Napigilan ang unang takdang pagbitay kay Veloso noong Abril 2015 dahil sa malawak na protesta at kampanya sa Pilipinas, Indonesia at iba pang bansa. Pansamantala ring binawi ni noo’y Indonesian President Joko Widodo ang hatol na bitay matapos maaresto sa Pilipinas si Maria Cristina Sergio, ang umaming rekruter ni Veloso.
“Si Mary Jane ay biktima ng sindikato ng human trafficking at droga na marapat lang bigyang katarungan sa pamamagitan ng pagpapauwi [sa Pilipinas],” sabi ng Indonesian Migrant Workers Network (JBMI), ugnayan ng mga migranteng manggagawa na nagkampanya para mapalaya si Veloso mula pa 2015.
Mula ianunsiyo ang takdang pagbitay kay Veloso, nabuo ang malawak na kilusan ng mga migranteng manggagawa sa iba’t ibang bansa para palayain ang migranteng Pinay. Naglunsad sila ng mga kampanya at pagkilos na ayon sa JBMI ay matagumpay na nagligtas kay Veloso at naglantad sa mga bulnerabilidad ng mga kababaihang migrante.
“Matagal nang pinakahihintay ni Mary Jane, ng kanyang pamilya at mga tagasuporta na makauwi siya ng Pilipinas. Pahihintulutan nitong makasama nang madalas ni Mary Jane ang kanyang dalawang anak at pamilya, at tumestigo sa nagpapatuloy na kaso ng illegal recruitment at human trafficking laban sa kanyang rekruter sa Pilipinas,” ayon sa JBMI.
Clemency
Sa sandaling makabalik ng Pilipinas, dapat gawaran agad ni Marcos Jr. si Veloso ng clemency sa batayang makatao (humanitarian grounds) para ganap nang makalaya at mabigyang katarungan, ayon sa kanyang pamilya at mga tagasuporta.
“Kapag naituloy ang paglipat ni Mary Jane sa kustodiya ng Pilipinas, may kapangyarihan na si Pangulong Marcos Jr. na bigyan ng clemency si Mary Jane. At ito ang ating apela sa kanya, immediate clemency sa batayan na biktima si Mary Jane ng human trafficking,” sabi ni Joanna Concepcion, tagapangulo ng Migrante International.
Iginagawad ang clemency para bawiin ang pananagutan sa isang krimen o hatol ng korte sa isang bilanggo sa pamamagitan ng pagpapalaya o pagpapababa ng sentensiya.
Para sa abogado ni Veloso, dapat kagyat siyang palayain sa pamamagitan ng absolute pardon o amnestiya dahil masyado nang matagal ang kanyang pagdurusa sa bilangguan.
“Ang itinutulak natin ay absolute pardon. Maghihintay pa ba tayo ng 27 taon para lang makumpleto ang 40 taon [na sentensiya]? Huwag naman sana,” sabi ni Olalia.
Walang malinaw na tugon ang pangulo kung bibigyan ng clemency si Veloso nang tanungin ng mga mamamahayag sa isang panayam noong Nob. 21.
“Titingnan pa natin. ‘Di pa maliwanag ano ba talaga, ngayon lang nangyari ito. Lahat ay nasa mesa,” ani Marcos Jr.
Ayon sa Department of Justice (DOJ), hindi dapat bigyan agad ng clemency si Veloso dahil hindi daw ito magandang tingnan sa international community.
“Hindi natin puwedeng awtomatikong i-pardon [si Veloso] o bigyan ng executive clemency, dahil magmumukha itong pagtalikod sa kasunduan sa Indonesia,” sabi ni DOJ Undersecretary Raul Vasquez.
Pero sabi ni Department of Foreign Affairs (DFA) Undersecretary Eduardo de Vega, bukas ang gobyerno ng Indonesia sa posibilidad na gawaran ni Marcos Jr. ng clemency si Veloso.
Nagpahayag na rin si Yusril na irerespeto ng Indonesia kung bibigyan ng pardon ni Marcos Jr. si Veloso.
“Irerespeto namin ng buo ang desisyon ng awtoridad ni Pangulong Marcos [Jr.] sa pagpapatupad ng batas sa kanilang bansa. Inalis na ang death penalty sa batas ng Pilipinas, at kung makabalik na [si Veloso] sa Pilipinas, nasa awtoridad na ng pangulo [ng Pilipinas] ang pagbibigay ng pardon,” sabi ng Indonesian minister.
Para sa Anti-Death Penalty Network (JATI) ng Indonesia, hindi na dapat ipagpatuloy ni Veloso ang sentensiya sa Pilipinas. Dapat anilang ikonsidera din ng gobyerno ng Indonesia na ipawalang-bisa na ang hatol sa Pinay dahil biktima siya ng human trafficking.
Ginagarantiya sa Article 18 ng Law Number 21 of 2007 ng Indonesia hinggil sa Krimen ng Human Trafficking na hindi dapat parusahan ang mga biktima ng naturang krimen. Ayon sa JATI, hindi ito ipinatupad ng Indonesia sa kaso ni Veloso.
“Ang pagpawi ng hatol kay Mary Jane Veloso sa pamamagitan ng pagkonsidera sa hatol ng korte ng Pilipinas na kinilala siyang biktima ng human trafficking ang unang hakbang na dapat gawin ng gobyerno ng Indonesia,” pahayag ng grupo.
Pag-asa rin sa iba
Sinabi naman ng JBMI, mahalagang hakbang ang pagpapauwi kay Veloso para mabigyan siya ng katarungan bilang matagal nang pinabayaang biktima ng sindikato ng droga at human trafficking.
Bukod kay Veloso, marami pa anilang mga migranteng manggagawang kababaihan mula Pilipinas, Indonesia at iba pang bansa na nabiktima ng mga sindikatong ito.
“Ang pagsisikap na ito ay nagbibigay rin ng pag-asa sa iba pang migranteng manggagawang kababaihan na humaharap din sa kapareho niyang kapalaran,” sabi ng JBMI.
Makakatulong naman ang pag-abante sa kaso ni Veloso para maligtas ang marami pang biktima ng human trafficking. Ayon pa sa JATI, pinapatibay nito ang ebidensiyang may kaugnayan ang pagiging biktima ng human trafficking sa kanilang bulnerabilidad sa death penalty.
Mayroon pang 59 overseas Filipino worker (OFW) na nahatulan ng kamatayan sa iba’t ibang bansa ayon sa huling tala ng DFA. Sabi ni de Vega, karamihan dito’y para sa mga kasong pagpatay o may kinalaman sa ilegal na droga.
“Dapat i-review at suriin ng gobyerno ng Pilipinas ang lahat ng mga kasong ito at aktibong mag-apela ng clemency o magsagawa ng diplomatic talks sa mga host governments para matulungan sila, lalo ang mga kababaihang OFW, at mga naging biktima lamang ng human trafficking o pagsasamantala at pangaabuso,” sabi naman ni Concepcion.
“Masaya kami na makakauwi na si Mary Jane,” sabi ng nanay niyang si Celia Veloso. Pero nangangamba pa rin siya sa kaligtasan ng anak at kanilang pamillya dahil sa banta ng mga sindikato ng droga at human trafficking na nambiktima sa kanya.
Hindi pa tapos ang pagdinig ng korte sa Nueva Ecija sa kasong human trafficking na isinampa laban sa mga rekruter ni Veloso. Nangako ang Migrante International na patuloy na kikilos at susuportahan ang pamilya Veloso para makamit ang katarungan at mapanagot ang mga nambiktima sa OFW.
“Patuloy ang ating kampanya para sa hustiya sa pamamagitan ng pagpapanagot sa mga illegal [recruiter] ni Mary Jane. Dapat tiyakin ng administrasyon ni Marcos Jr. na matutuloy ang pagbibigay testimonya ni Mary Jane para mapatunayan sa korte na siya ay biktima ng human trafficking,” ani Concepcion.
Naglunsad naman ang Task Force to Save Mary Jane ng pandaigdigang petisyon para sa ligtas na pag-uwi ni Veloso sa Pilipinas. Sa isang misa at programa sa Maynila nitong Nob. 23, nagtipon ang mga grupong migrante, taong simbahan at mga tagasuporta ni Veloso para hikayatin ang mga mamamayan sa buong mundo napumirma sa petisyon, ipanalangin ang kaligatasan ni Veloso at hilingin na gawaran siya ng clemency ni Marcos Jr.
Nakalikom ng mahigit kalahating milyong pirma sa loob lang ng ilang linggo ang petisyon ng task force para iligtas si Veloso sa nakatakdang pagbitay noong 2015. Layon nilang lampasan ang bilang na ito ng mga mapapapirma sa mga susunod na linggo.
“Naging kasangkapan ang ating pandaigdigang pagkilos para iligtas ang kanyang buhay. Ngayon, kumilos tayo para maiuwi siya sa kanyang pamilya at tiyakin ang kanyang kalayaan!” sabi sa naturang petisyon.