Obispong kritiko ng giyera kontra droga, ganap nang kardinal
Si Kalookan Bishop Pablo Virgilio David ang ika-10 Pilipinong kardinal at ikatlong aktibong Pilipinong kardinal. Kilala siya sa pagtuligsa sa madugong giyera kontra droga ni Rodrigo Duterte.

Itinaas ni Papa Francisco bilang kardinal ng Simbahang Katoliko si Kalookan Bishop Pablo Virgilio David, kasama ang 20 pang obispo’t pari, sa isang consistory sa St. Peter’s Basilica sa Vatican City nitong Dis. 7 ng gabi (oras sa Pilipinas).
Sa seremonya ng pagtatalaga, ginawaran ng Santo Papa ng pulang biretta at singsing ang mga bagong kardinal bilang simbolo ng kanilang kusang loob na pag-aalay ng sarili. Binigyan din ng titular na simbahan sa Roma ang mga bagong kardinal na bahagi ng tradisyon ng Simbahang Katoliko.
Kabilang na ngayon si David sa College of Cardinals na pinakamatataas na opisyal ng simbahan at tagapayo ng Santo Papa sa iba’t ibang usapin. Maaari ring bumoto at iboto ang mga kasapi ng lupon ng bagong Santo Papa kung magkakaroon ng conclave sa oras na pumanaw o magbitiw ang kasalukuyan.
Sa kabuuan, mayroon na ngayong 253 kardinal ang Simbahang Katoliko, 140 dito ang maaaring lumahok sa conclave bilang cardinal elector. Tanging mga kardinal na hindi lalampas sa edad 80 ang maaaring bumoto sa conclave.
Nagpahayag ng suporta at galak ang maraming Pilipinong Katoliko sa pagkakahirang na kardinal kay David. Bukod sa mga Katoliko, binati rin ng iba pang mga Kristiyanong simbahan sa Pilipinas ang bagong kardinal.
Sa isang pahayag sa wikang Ingles ni Iglesia Filipina Independiente Obispo Maximo Joel Porlares, sinabi niyang isang dahilan ang pagkakatalaga ni David sa pagkakardinal upang “tumaas ang pag-asa at makapag-ipon ng lakas sa gitna ng kalituhan, pagkikibit-balikat at takot sa bansa.”
Kilala si David sa kanyang mariing pagtuligsa sa mga pagpaslang sa ilalim ng madugong giyera kontra droga ng administrasyon ni Rodrigo Duterte.
Marami sa mga biktima ng mga operasyong kontra droga at iba pang kaso ng extrajudicial killing ang mula sa mga mahihirap na komunidad sa mga lungsod ng Caloocan, Malabon at Navotas na sakop ng diyosesis ni David. Patuloy din ang pagtulong ng Diyosesis ng Kalookan sa mga pamilya ng mga biktima ng pagpatay.
Dahil sa pagiging kritiko ni Duterte, sinampahan ng Criminal Investigation and Detection Group ng Philippine National Police ng mga gawa-gawang kasong sedisyon, cyberlibel, libel, estafa, harboring a criminal at obstruction of justice noong Hulyo 19, 2019 sina David, Cubao Bishop Emeritus Honesto Ongtioco at Lingayen-Dagupan Archbishop Socrates Villegas. Ibinasura ang mga kaso noong 2020.
Si David ang ika-10 Pilipinong kardinal at ikatlong aktibong Pilipinong kardinal, kasama sina Manila Archbishop Jose Advincula at Archbishop Luis Antonio Tagle, pro-prefect ng Dicastery for Evangelization.
Maliban sa pagiging obispo ng Diyosesis ng Kalookan, si David din ang kasalukuyang pangulo ng Catholic Bishops’ Conference of the Philippines.