Pamilya ng pinaslang na kabataang katutubo, nagsampa ng kaso vs militar


Noong Nob. 28, naghain ng reklamo ang pamilya Maligday, kasama ang mga tagasuporta ng karapatan ng mga katutubo, laban sa limang opisyal ng militar at kanilang yunit.

Hindi pa rin maalis sa alaala ni Louiejie Maligday ang mga putok ng baril na kanyang narinig mula sa loob ng kanilang bahay, kung saan naroon pa ang kanyang nakababatang kapatid.

Si Louiejie ay nakatatandang kapatid ni Jay-El Maligday, isang 21 taong gulang na lider-kabataan ng Mangyan-Hanunuo sa Oriental Mindoro na pinaslang noong Abril taong 2023. Iginiit ng militar na si Jay-El ay isang miyembro ng New People’s Army (NPA).  

“Hindi namin malilimutan ang araw na iyon—kung paanong basta na lamang pumasok ang mga sundalo sa aming bahay at pinalabas kami. Ilang sandali lang, sunod-sunod na putok ang narinig namin. Pero naroon pa si Jay-El,” kuwento ni Louiejie.  

Noong Nob. 28, naghain ng reklamo ang pamilya Maligday, kasama ang mga tagasuporta ng karapatan ng mga katutubo, laban sa limang opisyal ng militar at kanilang yunit. Kabilang sa mga kinasuhan sina Maj. Gen. Roberto Capulong, Brig. Gen. Randolph Cabangbang, Lt. Gen. Antonio Yago, 2nd Lt. Emel John Ababa, 2nd Lt. Maximono Almuete, at mga kasapi ng Squad H4th at Squad SP/4th Infantry Battalion (IBPA) ng Philippine Army.  

Sinampahan sila ng mga kasong paglabag sa international humanitarian law (IHL), genocide at iba pang krimen laban sa sangkatauhan, pati na rin ng grave misconduct, pang-aabuso sa kapangyarihan at iba pang pagkilos na salungat sa interes ng publiko.

Sa reklamo, binigyang-diin na bilang mga tagapagpatupad ng batas, may tungkulin ang mga sundalo na tiyakin ang proteksiyon ng mga karapatang pantao. “Dahil sila ay nasa serbisyo ng estado, higit nilang dapat igalang ang mga batas, lalo na sa usapin ng karapatang pantao, kahit pa may nagaganap na armadong labanan.”

Ang insidente, na tinawag ng mga tagapagtaguyod ng karapatang pantao bilang “cold blooded execution,” ay naglalantad ng patuloy na karahasan at kawalang pananagutan sa mga komunidad ng katutubo sa Mindoro, kung saan tumitindi ang militarisasyon sa ngalan ng kontra-insurhensiya.  

Ayon sa ulat mula ng Bulalacao Municipal Police Station, iniulat ni Ababa na nagkaroon ng “armadong engkuwentro” ang militar laban sa pinaghihinalaang kasapi ng NPA.

Sa police blotter, nakasaad na ang isang yunit ng 4th IBPA ay nagsagawa ng combat operation laban kay Jay-el bandang alas-sais ng umaga noong Abril 7, kung saan nagkaroon umano ng limang minutong sagupaan sa pagitan nila at ng NPA. Sinabi ng militar na nakarekober sila ng isang Remington caliber .45 na may apat na bala.  

Ngunit hindi ito ang nasaksihan ng pamilya Maligday.

Ayon kay Louiejie, noong araw na iyon, bandang alas-4:45 ng madaling araw, naglunsad ng pagsalakay ang mga sundalo sa kanilang komunidad sa Sitio Suryawon, Brgy. Nasukob, Bulalacao, Oriental Mindoro. Ang kanilang mga kamag-anak ay tinutukan ng baril at sapilitang pinalabas ng bahay, iniwan si Jay-el mag-isa kasama ang mga sundalo.

Ilang sandali pa, nakarinig sila ng mga putok ng baril. “Nang balikan ko at ng mga kamag-anak namin ang bahay, natagpuan namin si Jay-El na wala nang buhay, tadtad ng tama ng bala,” ani Louiejie, idinagdag pa niya na “kahit ang cellphone ng kapatid ko na ginagamit niya para sa online classes ay ninakaw ng militar.”

Nag-alok ang mga sundalo na samahan ang pamilya sa ospital, ngunit tumanggi ang pamilya Maligday dahil baka magamit ang pagkakataog ito upang magtanim ng ebidensya tulad ng mga baril sa kanilang bahay. Dagdag pa ni Louiejie, nagtayo rin ng kampo ang militar sa kanilang komunidad matapos ang insidente, kung saan nagsasagawa sila ng red-tagging seminars at hinihimok ang mga residente na itigil ang suporta sa NPA.  

Para sa mga grupong pangkarapatang pantao sa Timog Katagalugan, ang pagpatay kay Jay-El ay bahagi ng mas malawak na kampanya para patahimikin ang mga lider-kabataan ng mga katutubo na tumututol sa militarisasyon at development agression ng lupang ninuno.  

Hindi ito ang unang insidente ng ekstrahudisyal na pagpatay sa Mindoro.  

Noong 2021, iniulat na pinatay si Salvador de la Cruz ng 4th IBPA sa Sitio Kawit, Brgy. Poblacion, Magsaysay, Occidental Mindoro matapos niyang kumuha ng cash assistance mula sa Department of Social Welfare and Development. Samantala, si Dante Yumanaw, isang lider-komunidad sa Sitio Tabong, Brgy. Ligaya, Sablayan, Occidental Mindoro, ay iniulat ding pinatay ng 76th IBPA noong Hulyo 2022 habang nagdadala ng pagkain para sa kanyang pamilya.  

Si Jay-el ay isang 2nd year college na mag-aaral ng edukasyon sa Grace Mission College sa Socorro, Oriental Mindoro. Kilala siya bilang isang lider-kabataan at aktibong miyembro ng simbahan. Inilarawan siya ng kanyang mga kaibigan at kasamahan sa simbahan bilang isang dedikadong tagapagtaguyod ng edukasyon at karapatan ng mga katutubo.  

Naglabas ng pahayag ang Kaawat Simbahan (Kasim) ng Risen Christ Parish, kung saan aktibo si Jay-el, na nagsasabing isa siyang masigasig na estudyanteng naghahangad ng pagbabago. “Si Jay-el ay masunuring anak, masipag na estudyante, at nangangarap na makatapos ng kolehiyo para maitaguyod ang kanyang pamilya.”

Habang nilalabanan ng pamilya Maligday ang kawalang-katarungan, patuloy pa rin silang nagiging biktima ng malubhang harassment.  

“Noong Abril 27, may dalawang lalaking nagpakilalang taga-Malacañang ang lumapit sa isa sa mga saksi ng pagpatay. Pinilit nila itong aminin na miyembro ng NPA si Jay-El,” pagbubunyag ni Louiejie.  

Sa isang pahayag, sinabi ng Justice for Jay-El Maligday Network na ang ganitong klaseng panggigipit ay patunay ng kultura ng kawalang pananagutan na nagbibigay-lakas sa mga puwersa ng estado.  

Kasabay ng pag-atake sa bahay ng pamilya Maligday, naganap rin umano ang sunod-sunod na aerial bombing sa Mindoro na nagpalikas sa maraming komunidad ngayong taon.  

Ayon kay Charm Maranan, tagapagsalita ng Defend Southern Tagalog, ang mga operasyon ng militar sa Mindoro ay bahagi ng mas malawak na kampanyang naglalayon na patahimikin ang mga katutubo, magsasaka, at kabataan.

“Ang Mindoro ay ginagawang sona ng digmaan para sa terorismo ng mga sundalo. Ang mga komunidad ay binubusalan gamit ang mga bala at bomba,” ani Maranan.

Sa protesta sa harap ng Office of the Ombudsman, nanawagan ang Justice for Jay-El Network ng pananagutan para sa pagkamatay ni Jay-El at iba pang sibilyang biktima ng karahasan ng estado.  

“Pitong buwan na mula nang paslangin si Jay-El ngunit wala pa ring hustisya. Nanawagan kami para sa pananagutan ng mga nasa likod ng pagpatay,” pahayag ni Louiejie.  

Para sa pamilya Maligday, ang sakit ng pagkawala ni Jay-El ay lalong tumitindi dahil sa patuloy na kawalang pananagutan. “Si Jay-El ay isang mabuting anak, kapatid, at lider. May pangarap siyang makapagtapos at makatulong sa pamilya, ngunit inagaw ito ng mga bala,” aniya.  

Tiniyak ng Justice for Jay-El Network na hindi nila titigilan ang laban para sa hustisya. Nanawagan sila sa publiko na makiisa sa kampanyang ito—hindi lamang para kay Jay-El, kundi para sa lahat ng biktima ng extrajudicial at militarisasyon.