Sinasabotaheng kapayapaan
Nagkakaroon ng pampolitikang lamat at direktang hadlang sa peace talks bago pa man ito masimulan muli. Dagdag pa ang praktikal na problema: Paano magkakaroon ng usapan kung ikinukulong ang mga mismong kausap?
Isang taon na ang lumipas mula nung Nob. 28, 2023 kung kailan pinagkaisahan ng Gobyerno ng Republika ng Pilipinas (GRP) at National Democratic Front of the Philippines (NDFP) ang Oslo Joint Communiqué. Nagulat ang sambayanan sa pahayag ito sapagkat ipinakitang posibleng ituloy ang usapang pangkapayapaan sa panahon ni Ferdinand Marcos Jr.
Di man ito mismong hudyat ng panunumbalik ng negosasyon, naging sandigan ito para muling sikaping makamit ang makatarungang at pangmatagalang kapayapaan. Ayon pa sa communiqué, nagkasundo ang dalawang panig para makamit ang “prinsipyado at mapayapang pagreresolba ng armadong tunggalian.”
Sa nagdaang taon, bakit mukhang palayo pa tayo sa aktuwal na negosasyon imbis na papalapit?
Nitong Setyembre, binanggit ni Presidential Peace Adviser Carlito Galvez Jr. na malamang mabubuo rin ang isang pinal na peace agreement “sa loob ng termino ng presidente o bago pa ito matapos.”
Masyado yatang maaga para magsalita nang tapos. Ang nakaligtaan banggitin ni Galvez Jr. na sa mga nagdaang buwan paulit-ulit na nilalabag ng gobyerno ang iba pang kasunduang salalayan ng peace talks.
Susing kasunduan ang 1995 Joint Agreement on Safety and Immunity Guarantees o Jasig dahil ginagarantiya nito ang kaligtasan ng lahat ng kalahok sa negosasyon. Madugo at marumi ang rekord ng gobyerno sa pagtalima rito.
Nitong Agosto lang, pinaslang si NDFP consultant Concha Araneta at siyam pang mandirigma ng New People’s Army (NPA). Ayon sa ebidensiyang nakuha, hindi armado ang 10 noong sila’y brutal na minasaker. Kinitil ang buhay ni Araneta kahit pa siya’y protektado dapat ng Jasig. Batay naman sa First Geneva Convention kung saan bahagi ang Pilipinas, ang mga sugatan sa labanan ay dapat itrato bilang bihag o prisoner of war (POW).
Sunod-sunod namang inaresto ang iba pang NDFP consultant na sina Simeon Naogsan, Porferio Tuna and Wigberto Villarico. Masahol pa, sinabi ni Jonathan Malaya ng National Security Council na lipas na raw ang Jasig at ‘di na dapat galangin ang usapan sa mga rebolusyonaryo.
Dahil sa mga hakbang ng gobyerno, lalong nalalagay sa panganib ang muling pagbabalik ng peace talks. Ang paulit-ulit na paglabag sa karapatan ng mga consultant at pagbali sa mga kaisahan ay nagpapakita ng malinaw na intensiyon ng gobyernong Marcos Jr. na takutin at pigilan ang mga kinatawan ng NDFP sa kanilang lehitimong tungkulin.
Nagkakaroon tuloy ng pampolitikang lamat at direktang hadlang sa peace talks bago pa man ito masimulan muli. Dagdag pa ang praktikal na problema: Paano magkakaroon ng usapan kung ikinukulong ang mga mismong kausap?
Sa kabila ng lahat, nananatiling bukas at desidido ang NDFP na ituloy ang negosasyon sa kalagayang ligtas at sinsero ang mga lalahok. Gayunpaman, hindi maiwasang mangamba dahil paano makikipag-usap kung patuloy ang mga atake ng administrasyon?
Isa pang mayor na balakid sa tuwing natutuloy ang negosyasyon ay magkaiba ang pundamental na gustong makamit na resulta. Kumbaga, magkalayo ang itsura ng kapayapaang minimithi.
Para sa NDFP, nangangahulugan ang kapayapaan ng pagresolba sa ugat ng armadong tunggalian. Ibig sabihin, makakamit ito kapag ipinamalas sa mamamayan ang iba’t ibang batayang karapatan pagdating lupa, sahod, trabaho, edukasyon, paninirahan, kalusugan, pagkakaroon ng disenteng kinabukasan at marami pang iba.
Pero para sa gobyerno, ang katumbas lang ng kapayapaan ay tigil-putukan at pagsuko ng mga rebolusyonaryo sa gobyerno nang hindi man lang sinasagot kung bakit nga ba nagsimula ang mahigit limang dekada nang labanan.
Kung matutuloy ang peace talks, dapat maging negosasyon ito para sa tunay na kapayapaan at hindi negosasyon para sa basta na lang pagpapa-surrender.
Isang taon matapos ang Oslo Joint Communiqué, ang responsibilidad para magpakita ng totoong kagustuhang ituloy ang peace talks ay nasa gobyerno ni Marcos Jr. Kampante at kumpiyansa man magsalita ang kanyang peace adviser, kailangan mapakita ito sa totoong aksiyon.
Kaya bang igalang at itaguyod ng GRP ang mga naunang kasunduan gaya ng Jasig at Comprehensive Agreement on Respect for Human Rights and International Humanitarian Law?
Kaya ba ng GRP ang sinserong pag-usapan ang Comprehensive Agreement on Social and Economic Reforms na naglalaman mga hakbang upang maresolba ang mga suliranin at paghihirap ng mamamayan?
Hanggang hindi handa ang GRP na gawin ito, mananatili ang armadong rebolusyon at mananatiling bigo ang sinumang administrasyon na harapin ang ugat ng problema sa bansa.