Movie Buff

Trahedya ng kababaihan sa ‘Tatlong Taong Walang Diyos’


Makikita sa kabuuan ng pelikula ang paggamit ng mga relihiyosong simbolismo upang ikuwento ang mga karahasan sa panahon ng digmaan. 

Ipinalabas sa University of the Philippines (UP) Film Center, sa pangunguna ng ABS-CBN Film Restoration at ng UP Film Institute ang black-and-white na bersiyon ng “Tatlong Taong Walang Diyos” ni Mario O’Hara.

Kuwento ng pelikula ang buhay ni Rosario (Nora Aunor) at ang mga trahedyang sinapit niya bilang isang babae sa panahon ng Ikalawang Digmaang Pandaigdig.

Makikita sa kabuuan ng pelikula ang paggamit ni O’Hara ng mga relihiyosong simbolismo upang ikuwento ang mga karahasan sa panahon ng digmaan. 

Isa na rito ang pangalan ni Rosario na magkahawig sa rosaryo ng mga Katoliko na maaaring tumukoy sa pisikal na kuwintas o ang mga dasal na kaakibat dito. Maraming eksena sa pelikula ang humugot ng inspirasyon mula sa mga misteryo ng rosaryo. 

Halimbawa, ang pagpaslang kay Rosario na kahawig sa Misteryo ng Hapis. Ipinakita ang isang nagdarasal na Rosario na biglang dinumog ng mga Pilipino na tinitingnan siya bilang isang traydor. Ipinahiya siya ng mga kababaihan at kinutya ng kaniyang mga kababayan bago paslangin.

Ang pananampalataya niya ang naging simula at katapusan ng kuwento ng kanyang trahedya. “May Awa ang Diyos,” wika ni Rosario sa kaibigan sa simula ng pelikula, ngunit sa huling pagdarasal niya, ipinakita niya na wala na siyang matatakbuhan kahit ang kaniyang panginoon.

Binigyang larawan pa ni Francis (Peque Gallaga), kaibigan ni Masugi (Christopher de Leon), ang katangian ng tao sa ilalim ng estado ng digmaan. “Hayop lamang ang tumatagal sa ngayong panahon,” aniya. Walang pananampalataya ang hayop. Kumikilos ito upang makuha ang kanyang mga pangunahing pangangailangan kagaya ng gutom, kalibugan at kabagutan ngunit ibig sabihin din nito na humulas na ang moralidad ng tao dala ng karahasan.

Ipinapakita ng pelikula kung paano pinapakilos ng masidhing kagustuhang mabuhay ang tao upang umasta na tila hayop. Gayunpaman, binibigyang karagdagang konteksto ang giyera sa paglalarawan ng magkatunggaling panig. Sa isang engkuwentro sa pagitan nina Crispin (Bembol Roco) at Masugi, inilalarawan ang tunggalian ng isang Pilipino na sumapi sa mga gerilya at ang isang collaborator ng mga Hapones. 

Dito ipinapakita ng pelikula na nadawit lang ang mamamayang Pilipino sa isang marahas na giyera. Hinahamon nito ang pangkaraniwang perspektiba natin sa mga gerilya sapagkat kinakatawan ni Crispin ang ating pagsandig sa United States (US)

Tinitingala natin ang mga Amerikano na tila sugo na magliligtas sa ating pagkabihag mula sa mga Hapones. Bagamat Pilipino rin, ayaw sumali ni Masugi sa mga gerilya sapagkat ito ang pumatay sa kaniyang mga magulang.

Sa kabuuan, binibigyang diin nito na walang makatao sa panahon ng digmaan. Mahirap makahanap ng mapagpalayang panig kung kumikilos ang pareho para sa isang imperyalistang bansa na naglalayon lang na pagharian ang mga kayamanan ng bayan.

Ipinakita ng pelikula na komplikado ang sitwasyon ng mga karakter at biktima ang bawat isa sa marahas na siklo. Isa sa mga napinsala ng kalupitan ng mga Hapones ang mga kababaihan. Sa unang bahagi ng pelikula, binalaan ng isang kaibigan si Rosario sa mga bagong kolonisador na paparating sa kanilang lungsod.

“Pero delikado rito, nariyan ang mga Hapon sa bayan at balita ko wala raw pakundangan sa mga babae, lalo na sa magaganda. Naku, pinagsasamantalahan daw,” aniya.

Sa kabuuan ng pelikula, makikita na biktima si Rosario ng karahasan at ng pananamantala sa kamay ni Masugi. Bagaman hindi ito kinkilala ng mga Pilipinong tinitingnan siya bilang isang Makapili, makikita natin na nakalaan ang gitnang bahagi ng pelikula sa pagpapakita ng malubhang epekto ng pananamantala sa kanyang pisikal at mental na kalusugan. 

Nakatatak sa isipan ni Rosario ang mukha at pananalita ni Masugi habang hinahalay siya. Muling akma ito sa paglalarawan ni Francis sapagkat hindi siya tiningnan bilang tao ni Masugi kung hindi isang sisidlan na magpapalabasan ng kalibugan ng lalaki. 

Isa lang siyang kasangkapan na may kakayahang punan ang isa mga pangunahing pangangailangan ng mga hayop na siya ring rason kung bakit laganap ang karahasan laban sa kababaihan sa buong lungsod. Matunog pa rin ang dinadalang mensahe nito sapagkat tumatawid ang maraming isyu na inilalarawan ng pelikula sa kasalukuyang panahon.

Hanggang ngayon, wala pa rin hustisya para sa mga biktima ng kalupitan ng mga Hapones noong sinakop tayo. Partikular ito sa comfort women na makasaysayan ang kampanya upang mapanagot ang Japan sa kanilang mga krimen. Bagaman tapos na ang giyera, isang pandaigdigang panganib pa rin ang mga bagong kasunduang militar ng Pilipinas sa US at Japan.

Batid natin ang matinding pinsala ng giyera at patuloy pa rin ang mga imperyalistang giyera. Kagaya ng ipinakita sa pelikula, patuloy pa rin ang pag-aalay ng buhay ng ating mga kababayan upang lumaban sa digmaan ng mga pinakamakapangyarihang bansa.

Pain lang ang mga Pilipino sa pagtupad ng mga imperyalistang hangarin ng US at kinakailangan sirain ang siklo ng karahasan kung ibig nating iwasan ang pinsala ng nakaraan at bigyang hustisya ang mga inabuso noong panahon ng pananakop.