Makinig kay Ka Bea

4Ps, kinaltas at kinurakot


Nasa P50 bilyon ang kaltas sa pondo ng Pantawid Pamilya Pilipino Program (4Ps), halos kalahati ng buong badyet. At tinatayang nasa 2 milyon na benepisyaryo ang biglang ‘di na makakatanggap. Ang pait naman ng bagong taon!

Nakakalungkot minsan kapag nakakapagbasa ng mga post sa social media tungkol sa paghingi ng ayuda. “Welcome ayuda” pa ang sabi at halatang wala kasing ibang inaasahan para pantustos sa mga pangangailangan.

Hindi maiiwasan sa sobrang hirap ng buhay. Sino ba namang hindi kailangan ng kaunting tulong? Lalong mainit ang usapin ng ayuda kamakailan dahil sa mga kaltas sa pambansang badyet sa Pantawid Pamilya Pilipino Program (4Ps) na financial assistance para sa mga maralitang pamilya.

Nasa P50 bilyon ang kaltas sa pondo nito, halos kalahati ng buong badyet. At tinatayang nasa 2 milyon na benepisyaryo ang biglang ‘di na makakatanggap. Ang pait naman ng bagong taon!

Ano-ano ba ang katawagan sa mga ayudang ito? Mahigit P106 bilyon ang pondo noong 2024 ng 4Ps o conditional cash transfer (CCT) na para daw sa poorest of the poor. May Ayuda sa Kapos ang Kita Program (AKAP) na para naman sa mga sumasahod ng minimum wage at impormal ang trabaho. Ang Assistance to Individuals in Crisis Situations (AICS) na programa raw para 2.5 pamilya na sobra ang kahirapan. Ang tatlong ito’y nasa ilalim ng Department Social Welfare and Development (DSWD) at iba pa ang Tulong Panghanapbuhay sa Ating Disadvantaged/Displaced Workers (Tupad) program na ipinatutupad ng Department of Labor and Employment.

Noong panahon ni Gloria Macapagal-Arroyo nagsimula ang 4Ps, isang uri ng CCT na tulak ng World Bank. Ayuda sa mga mahihirap na pamilya may nakalatag na kondisyon na kailangang makapag-aral ang anak at 95% ang attendance sa paaralan. Tinawag itong “salbabida” para makaahon umano sa kahirapan sapagkat may P5,000 o minsan P8,000 na buwanang ayuda.

Masayang makatanggap pero marami ang nagsasabi nagkakaproblema pa rin sila kapag nade-delay ang pera sa bangko na aabot sa tatlong buwan. Ang iba naisasanla ang kanilang bank card. Balita ko, mismomg mga taga-DSWD pa nga ang nag-aalok ng pautang sa mga miyembro ‘pag ‘di pa dumadating ‘yong tinanggap nila. Malaking problema din ang pamomolitika sa pagpili sa mga benepisyaryo ng 4Ps na talamak sa mga barangay.

Nagsimula ang 4Ps dahil ang totoong layon nito’y isinangkalan lang ang kahirapan. Nitong 2024, nasa 4.4 milyong pamilya ang saklaw ng P106 bilyon na pondo ng programa.

Malaking bagay ang ayuda, pero sa totoo lang, talaga bang nakakatulong ang 4Ps na magpatapos sa pag-aaral at umangat sa buhay ang mga mahihirap? May trabaho bang maayos ang kita na maibigay sa kanila? Wala! Mapapabilang lang sila sa libo-libong graduate na walang mapapasukang trabaho o barat ang sahod.

Panakip-butas lang ang 4Ps sa pang-ekonomiyang problema. Pero lalo pa tuloy pinagkaitan ang taumbayan sa panibagong kaltas na ito. At sa halip na gumawa ng programa na tunay na sasagot sa kahirapan, ang kinaltas na pondo, mapupunta pa sa bulsa ng politiko at kasosyo.

Bilang pambawi, tumaas naman daw ang alokasyon sa AKAP at AICS. Pero sa katunayan, panibagong porma lang ito ng dating Priority Development Assistance Fund at Disbursement Acceleration Program na mas kilala sa tawag na pork barrel.

Kung tutuusin kasangkapan ito, kagaya ng marami pang item sa badyet, para sa pampolitikang interes o political patronage. Kumabaga, hostage pa ng gobyerno ang ayuda at hawak ito ng iilang mga politikong kakampi ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.

Ang isa pang makikinabang sa AKAP ay mga malalaking negosyanteng napapaboran ng mga politko sa halip na sila magbibigay ng karagdagang sahod.

Nitong katapusan ng 2024, may mga politikong namudmod na sa kani-kanilang lugar na nasasakupan para sa paghahanda sa eleksiyon. Sa interview kay Mayor Benjamin Magalong ng Baguio, P5,000 ang bigayan sa bawat tao. Garapalan na ang paglustay sa pera ng taumbayan.

Matuwa man tayo dahil nakakatanggap tayo ng ayuda, pero mas natutuwa ang nagpapatupad nito dahil pinanatili tayong mahirap, ginagamit tayo ng mga korap at ganid na politiko upang lalong magpayaman.

Hihiramin ko ang nabanggit ni Ted Failon sa kanyang programa: Ginagawa tayong manok ng mga politiko, na kapag gutom ang manok lumalapit sa palad ng amo na may hawak na patuka. At kapag nakatuka na ang manok, unti-unting bubunutin ng amo ang mga balahibo nito at saka ihahagis hanggang sa mangisay sa hirap. Kapag nahimasmasan at gutom uli, aba’y lalapit na uli sa nagpahirap sa kanya.

Manok ba tayo? Hindi dapat! Pahirap talaga ang idinudulot ng rehimeng Marcos Jr., pati na rin ang kanyang mga economic manager at kaalyado sa Kongreso.

Dapat ilaan ang pondo sa gobyerno sa paglikha ng regular na trabahong may nakabubuhay na sahod at suporta sa mga magsasaka para paunlarin ang agrikultura at maging abot-kaya ang pagkain, imbis na ilaan sa ayudang ginagamit para sa korupsiyon at kasakiman.

Kung gagawin ‘yan ng mga namumuno sa bansa, baka may pag-asa pang malutas ang kahirapan at sabay “Goodbay ayuda” ang ibabati natin!