Gawa-gawang kaso kontra Makabayan, kinondena
Nagmula ang kaso sa protesta sa Araw ni Andres Bonifacio noong Nob. 30, 2024 sa C.M. Recto Avenue sa Maynila na diumano’y labag sa Batas Pambansa 880 o Public Assembly Act of 1985.

Mariing tinuligsa ng Makabayan Coalition ang bagong serye ng gawa-gawang kasong isinampa ng Manila Police District (MPD) kontra sa 13 miyembro nito, kabilang ang 10 kumakandidatong senador.
Kabilang sa mga inakusahan ng paglabag sa Batas Pambansa (BP) 880 o Public Assembly Act of 1985 sina Kilusang Mayo Uno secretary general Jerome Adonis, Filipino Nurses United secretary general Jocelyn Andamo, Pamalakaya vice chairperson Ronnel Arambulo, ACT Teachers Partylist Rep. France Castro at Gabriela Women’s Party Rep. Arlene Brosas.
Kasama rin ang mga kumakandidatong senador na sina Kilusang Magbubukid ng Pilipinas chairperson Danilo Ramos, Sandugo co-chairperson Amirah Lidasan, Kadamay secretary general Mimi Doringo, Makabayan president Liza Maza at Piston national president Mody Floranda.
Maliban sa mga tumatakbong senador, idinawit din si Bayan Muna Partylist third nominee Ferdinand Gaite, Alliance of Concerned Teachers chairperson Vladimer Quetua, at Alliance of Health Workers secretary general Cristy Donguines.
Nagmula ang kaso sa protesta sa Araw ni Andres Bonifacio noong Nob. 30, 2024 sa C.M. Recto Avenue sa Maynila na diumano’y labag sa Section 13(a) ng BP 880, batas na naipasa noon pang 1985 sa ilalim ng diktadura ni Ferdinand Marcos Sr., kung saan kinakailangan umano ng permit ng sinumang nagnanais na mag-organisa ng isang protesta sa mga pampublikong lugar.
Sabi ng Makabayan sa kanilang nagkakaisang pahayag, hindi krimen at hindi kailangan ng permit ang pagpapahayag ng panawagan ng mga sektor sa Mendiola.
Dagdag pa nila, kailangan na ring alisin ang atrasadong BP 880 dahil taliwas ito sa karapatan sa pagpapahayag at pagpoprotesta na siyang ginagarantiya ng Konstitusyon.
“Walang batayan ang kasong isinampa laban sa amin at layunin lamang nitong sagkaan ang malayang pagpapahayag. Hindi kami magpapasindak sa gawa-gawang kaso at patuloy naming itataguyod ang aming mga batayang karapatan kabilang na ang freedom of assembly,” ani Arambulo.
Ayon naman kay Doringo, malinaw mula sa mga pekeng kaso ang mensahe ng pamahalaan na “bawal umalma” ang mamamayan kahit pa bugbog na ang publiko sa nagtataasang presyo ng langis at mga bilihin.
Wika naman ni Floranda, “Sa halip na tugunan ang mga lehitimong hinaing ng sambayanan—tulad ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at mga bilihin, kawalan ng disenteng trabaho at pagmasaker sa kabuhayan at kakulangan ng serbisyong panlipunan—mas pinipili ng rehimen na patahimikin ang mga lumalaban at bumabatikos.”
Magsisimula ang paunang imbestigasyon hinggil sa kaso sa Ene. 15. Nanindigan ang Makabayan na maghahanda sila ng matibay na depensa kontra sa mga pekeng kasong ito.