Ika-55 taon ng First Quarter Storm
Mula Enero hanggang Marso ng taong 1970, dambuhalang mga protesta ang inilunsad para labanan ang rehimen ni Ferdinand Marcos Sr.

Mula Enero hanggang Marso ng taong 1970, laksa-laksang kabataan at mamamayan ang bumuhos sa mga lansangan ng Kamaynilaan laban sa patuloy na pagtaas ng matrikula sa mga paaralan, pagsirit ng presyo ng mga produktong petrolyo, lumalaking agwat sa pagitan ng mayayaman at mahihirap, at nagbabadyang diktadura ni Ferdinand Marcos Sr.
Tinagurian ang mga dambuhalang protestang ito sa kasaysayan ng kilusang mapagpalaya ng mamamayang Pilipino na Sigwa ng Unang Kuwarto ng 1970 o First Quarter Storm of 1970.
Noong Ene. 26, 1970, nagsimula ang serye ng mga pagkilos laban sa pamahalaan ni Marcos Sr. kasabay ng State of the Nation Address sa dating Legislative Building (National Museum of Fine Arts ngayon) sa Maynila. Inorganisa ng National Union of Students of the Philippines ang protesta kasama ang iba’t ibang organisasyon tulad ng Kabataang Makabayan, Samahan ng Demokratikong Makabayan, mga unyon ng manggagawa at mga organisasyong magsasaka.
Tinatayang nasa 50,000 katao ang nagtipon sa Burgos Drive sa Ermita para tutulan ang ikatlong termino ni Marcos Sr. at igiit na magkaroon ng tunay na pampolitikang reporma. Sa paglabas ng pangulo matapos magtalumpati, sinalubong siya ng mga nagpoprotestang naghagis ng effigy na hugis kabaong na simbolo ng kamatayan ng demokrasya. Sinunog ang effigy sa harap niya kasabay ng masidhing galit ng sambayanan.
Dahil dito, sumiklab ang kaguluhan sa pagitan ng mga nagpoprotesta at mga puwersa ng Metropolitan Command ng Philippine Constabulary na nauwi sa karahasan. Sugatan ang 300 kabataan at 72 konstabularyo.
Noong Ene. 30, 1970, nagkaroon ng magkasabay na protesta sa labas ng Legislative Building at Palasyo ng Malacañang dala ang mga panawagan sa konstitusyonal na reporma at mga hinaing sa nakaraang kaguluhan. Ngunit humantong ulit ito sa matinding karahasan kung saan apat na estudyante ang nasawi, 162 ang sugatan at nasa P500,000 hanggang P1 milyon ang naging pinsala.
Sa pagpasok ng Pebrero 1970, sunod-sunod ang mga kilos-protesta sa Plaza Miranda sa Quiapo bitbit naman ang pagtutol sa imperyalismong United States (US), domestikong pyudalismo at pasismo ng estado. Ilang beses na nagmartsa ang mga raliyista papunta sa embahada ng US ngunit nagkaroon muli ng kaguluhan at karahasan.
Nagpatuloy ang mga ganitong pangyayari noong Mar. 3, 1970 nang magsagawa ng martsa ang Movement for a Democratic Philippines (MDP) mula sa Welcome Rotunda hanggang sa Plaza Lawton. Noong Mar. 17, 1970, sa ikalawang martsa na ikinasa nila sa Plaza Moriones sa Tondo, itinampok ang mga isyu ng kahirapan sa bansa.