#KuwentongKabataan

Malayo pa pero malayo na


Isang bahagi ng paglalakbay na puno ng mga alaala ngunit hindi naging madali upang mapagtagumpayan dahil sa mga hamong dulot ng kahirapan.

“Hindi na inuulam ang sitsirya.”

“Hindi na sahig ang hapag-kainan.”

“Hindi na magtitinda para may pambaon.”

Sa paglipas ng panahon, marami akong naging reyalisasyon sa buhay at isa na rito ang mga pagbabago sa aming katayuan. Kung babalikan ko ang nakaraan, masasabi kong malayo na pala at ibang-iba na ito sa kasalukuyan. Ang noon na hindi kaya, ngayon ay natatamo na. 

Isang bahagi ng paglalakbay na puno ng mga alaala ngunit hindi naging madali upang mapagtagumpayan dahil sa mga hamong dulot ng kahirapan.

Mula sa isang maliit na tahanan, nagsimula ang aming payak na pamumuhay kasama ang aking limang kapatid at mga magulang. Ang tatay ko noo’y isang tindero ng mga gamit pang-sasakyan tulad ng dashboard cover na inaangkat niya sa pamilihan nito. Siya ang pangunahing naghahanapbuhay sa aming pamilya, ngunit ang kinikita niya’y pana-panahon lang—minsan malaki, madalas maliit.

Dahil hindi ito sapat upang tugunan ang mga pangangailangan sa araw-araw, naging katuwang ng tatay ko ang aking nanay na pinasok ang iba’t ibang klase ng trabaho gaya ng pagbebenta ng pagkain. Pagkatapos ng eskuwela, kaming magkakapatid ang naglalako ng banana cue at turon na niluluto ng aming nanay—hindi namin alintana ang katirikan ng araw para lang kumita. 

Isa ito sa mga hindi ko malilimutang karanasan dahil sa murang edad, ito ang nagmulat sa akin sa mahirap namin na buhay noon at sa reyalisasyong “mahirap palang kumita ng pera.”

Bilang marunong sa pananahi at may sapat na kaalaman, ang paggawa ng aming sariling dashboard cover ang ipinagpatuloy at pinaunlad ng aking mga magulang. Gamit ang luma at nag-iisang makina, ito ang kanilang matiyagang pinagtrabahuhan tuwing gigising sa madaling araw sa kabila ng masikip ng espasyo ng aming bahay. 

Bagaman mahirap igapang ang pangangailangan naming magkakapatid, naniwala pa rin ang aming magulang sa kahalagahan ng edukasyon at pangarap na kami ay makapagtapos.

Sa ipinamalas nilang pagsusumikap at paglaban sa buhay, nagsilbi itong motibasyon para paghusayan ko ang pag-aaral upang masuklian ang kanilang paghihirap at pagpapagal. 

Kaya nang makapagtapos ang aking mga kapatid, isang malaking ginhawa ang nakamit ng aking pamilya mula sa dagok na dala ng kahirapan. Hindi lang ito isang karangalan o tagumpay sa aming magulang kundi simula na rin ito ng pagbabago sa aming buhay.

Ang dating maliit na bahay kung saan kami nagsisiksikan at walang mapaglagyan, ngayo’y may ikalawang palapag at maluwag na. Ang iisang makina na pinatitiyagaan noon, ngayo’y marami na at ginagamit ng mga manggagawa sa aming lumalagong kabuhayan.

Nakatutuwang isipin na malayo na ang narating ng aking pamilya at malaya na rin sa walang kasiguraduhan kung paano mabubuhay. Ngayong taon, panibagong tagumpay muli ang kanilang aanihin dahil ilang buwan na lang, magtatapos na ako sa kolehiyo—ang bunga ng kanilang walang sawang suporta at tiwala. 

Ang buhay ay isang mahabang paglalakbay tulad ng isang kalsada—mayroong patag at malubak na daan. Ngunit hindi kailangan magmadali sa pag-usad at maging matatag lang sa pagtahak ng iyong patutunguhan. Dahil gaya ko, maaaring malayo ka pa ngunit hindi mo namamalayang malayo ka na.