Staff ng Pinoy Weekly, 4 na iba pa, pinaratangan ng ‘terrorism financing’


Nagsampa ang pulisya ng reklamong “terrorism financing” sa limang indibidwal, kasama ang isang photojournalist, dahil umano sa pagbibigay ng suporta sa mga rebeldeng grupo sa Cagayan Valley.

Nagsampa ang Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ng Philippine National Police ng reklamong “terrorism financing” sa limang indibidwal dahil umano sa pagbibigay ng suporta sa mga yunit ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army (CPP-NPA) sa Cagayan Valley.

Kabilang sa mga inaakusahan ang tanggol-kalikasan at multimedia reporter ng Pinoy Weekly na si Deo Montesclaros kasama ang mga tanggol-magsasakang sina Isabelo Adviento, Cita Managuelod, at Agnes Mesina ng Makabayan Coalition-Cagayan Valley, at tanggol-karapatan na si Jackie Valencia.

Sa subpoena mula sa Office of the Provincial Prosecutor ng lalawigan ng Cagayan na may petsang Ene. 10, 2025, inaakusahan ang limang aktibista ni PSSgt. Percival Carag ng CIDG Regional Field Unit 2 ng paglabag sa Sec. 8 (ii) ng Republic Act 10168 o Terrorism Financing Prevention and Suppression Act of 2012 (TFPSA).

Ayon sa reklamo ng CIDG na may petsang Dis. 23, 2024, sangkot umano ang limang akusado sa koleksiyon at pagbibigay ng salapi at mga suplay sa mga yunit ng CPP-NPA sa rehiyon mula 2017 hanggang 2019.

Kinondena ng human rights watchdog na Karapatan ang pagsasampa ng mga gawa-gawang kaso ng pulisya sa lima.

Sinabi ng Karapatan na tumataas ang bilang ng mga kaso ng terrorism financing dahil sa pagkakasama ng Pilipinas sa “grey list” ng Financial Action Task Force (FATF), isang pandaigdigang organisasyon na nagtatakda ng mga pamantayan laban sa money laundering at terrorism financing. Nakipagpulong din ang mga kinatawan ng FATF sa gobyerno nitong Ene. 20 hanggang 21.

“Kaliwa’t kanan ang pag-aakusa ng financing terrorism sa mga aktibista ng rehimeng Marcos Jr. para subukang maalis ang Pilipinas sa ‘grey list’ ng FATF,” ani Karapatan secretary general Cristina Palabay.

Napasama ang Pilipinas sa “grey list” ng FATF dahil hindi pumasa ang bansa sa pamantayan sa pagsugpo sa money laundering at terrorism financing.

Ikinakampanya ngayon ng administrasyong Marcos Jr. na maalis ang Pilipinas sa nasabing listahan. Ngunit kapansin-pansin na mga progresibong grupo at non-government organization na naglilingkod sa mahihirap na komunidad ang kadalasang pinupuntirya ng kampanya.

Sa pahayag ng National Union Journalists of the Philippines (NUJP), kinondena nila ang paggamit sa mga batas kontra-terorismo sa mga mamamahayag tulad nina Montesclaros at Frenchie Mae Cumpio upang patahimikin ang kritikal na peryodismo at ang publiko sa kabuuan.

Si Montesclaros ang ikalawang mamamahayag at unang photojournalist na inakusahan ng paglabag sa TFPSA. Unang kinasuhan ng terrorism financing si Cumpio, executive director ng Eastern Vista sa Eastern Visayas, na maglilimang taon nang nakapiit sa Tacloban City.

Multimedia reporter at photojournalist si Montesclaros ng Pinoy Weekly mula 2021 at naging correspondent din ng Northern Dispatch para sa Cagayan Valley mula 2017. Kasalukuyan din siyang contributing photographer sa Imago Images at Alto Press sa Germany.

Maliban sa NUJP, nagpahayag din ng suporta kay Montesclaros ang Altermidya Network, Photojournalists’ Center of the Philippines at Filipino Freelance Journalists’ Guild.

Nanawagan ang NUJP sa bagong pamunuan ng Presidential Task Force on Media Safety na seguruhin ang pagprotekta sa karapatan, kaligtasan at kapakanan ni Montesclaros at igiit ang pagpapanagot sa pagsasampa ng gawa-gawang kaso.

Sinabi naman ng Karapatan na marapat nang ibasura ang mga batas kontra-terorismo na ginagamit ng gobyerno para supilin ang mga karapatan ng mamamayan.