Aresto ng lider-obrero sa Baguio matapos ang Pasko, kinondena
Kinondena ng mga progresibong grupo ang pag-aresto sa lider-manggagawa at cultural worker na si Michael “Mike” Cabangon sa Baguio City ngayong Dis. 27, dalawang araw matapos ang Pasko.
Kinondena ng mga progresibong grupo ang pag-aresto sa lider-manggagawa at cultural worker na si Michael “Mike” Cabangon sa Baguio City ngayong Dis. 27, dalawang araw matapos ang Pasko.
Dinakip si Cabangon, tagapagsalita ng Kilusang Mayo Uno (KMU) Cordillera, sa bisa ng warrant para sa kasong terror financing sa ilalim ng Republic Act 10168.
Pansamantalang nakalaya si Cabangon matapos makapagpiyansang aabot sa P200,000. Gayunman, kailangan niyang harapin ang mga pagdinig sa kaso sa Regional Trial Court (RTC) Branch 18 sa Batac City, Ilocos Norte, ilang oras na biyahe mula sa kanyang tahanan at pamilya sa Baguio City.
Giit ng KMU, “nakagagalit” ang paghahain ng warrant ilang araw matapos ang Pasko habang malaya pa rin ang mga sangkot sa korupsiyon.
“Walang sagradong panahon para sa pasista at pahirap na gobyernong Marcos,” sabi ng KMU sa kanilang pahayag.
Ayon naman sa Dap-ayan ti Kultura iti Kordilyera, ang pag-aresto ay bahagi ng sistematikong represyon laban sa mga cultural worker at kritiko ng administrasyon.
Si Cabangon ang ika-12 na aktibista sa Hilagang Luzon na sinampahan ng kaso sa ilalim ng Terrorism Financing Prevention and Suppression Act (TFPSA).
Nauna nang inakusahan ng Philippine National Police si Cabangon at iba pang aktibista sa rehiyon ng pagbibigay suporta sa New People’s Army gamit ang mga testimonya ng ‘di umano’y sumukong rebelde.
Ayon sa Center for Trade Union and Human Rights, ginagamit ang TFPSA para i-freeze ang bank accounts at ipitin ang mga organizer na nagsisilbi sa mga komunidad.
Nanawagan ang mga grupo na ibasura ang mga gawa-gawang kaso laban kay Cabangon.